Bernardino Giuseppe Bucci
Frate Minore Cappuccino
Luisa Piccarreta
Ang Lingkod ng Diyos at ang Kanyang mga Alaala
Pagpapakilala ng Aklat
Ang magiliw na paglingap upang pangalagaan ang mga alaala ng mga mamamayan sa aming bayan na, sa pamamagitan ng mapagkumbabang gawain araw-araw at may pagkilala sa mga tiisin ng buhay, ay nababakas sa kanila ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ito ang nagpaalab sa puso ni p. Bernardino Bucci, aming kapatid na Kapuchino, upang isulat bilang "mga alaala ng pamilaya" ang tungkol sa buhay ni Luisa Piccarreta, na kilala sa tawag na "Luisa ang santa".
Isang karapat-dapat na pagbibigay halaga ang pagkilala kay Luisa. Sa kasalukuyan ay napagtutuonan ng pansin ang pasusuri at pagpapalalim ng kaalaman tungkol sa mistika (si Luisa ay isang ngang ganap na mistica, dahil sa pamamagitan ng kanyang kontemplasyon at sa kanyang pagtanggap sa mga pisikal o espirituwal na mga tiisin, ay ganap siyang napalapit kay Hesus) at dahilan rin sa maraming mga fraileng Kapuchino ang nakakikilala at nagpupunta kay Luisa ( ilan sa kanila ay sina p. Fedele ng Montescaglioso, p. Guglielmo ng Barletta, p. Salvatore ng Corato, p. Daniele ng Triggiano, p. Antonio ng Stigliano, p. Giuseppe ng Francavilla Fontana). Sila'y nakapagbahagi kay Luisa ng mga mahahalagang elemento ng espirituwalidad Franciscano, upang lumago sa kanya ang pagmamahal kay Kristo at ang pagsisikap na matupad ang Kalooban ng Diyos.
Ang aklat na ito, kung saan naaaninag ang mapagmahal at buong sigla na pagsisikap ni padre Bernardino, nawa'y maging isang tulong para sa lahat ng mga babasa upang madama ang paanyayang mapalalim ang espirituwalidad ni Luisa at maging tagapagtaguyod ng kanyang Beatificasyon.
P. Mariano Bubbico
Ministro Probinsiyal ng Frati Minori ng Kapuchino ng Puglia
Si Luisa sa kanyang kontemplasyon ng FIAT SUPREMO
Panimula
Mula sa isang buhày na panghihikayat ni Monsinyor Giuseppe Carata, dating Arsobispo ng Trani na ngayo'y emerito, ang nagtulak sa akin upang maisakatuparan ang paglalathala ng buhay ni Luisa Piccareta mula sa mga nakaranas at nakasaksi sa kanyang buhay. Nalagak mismo mula sa mga pagsasalaysay ng kanyang mga kamaganakan at mga ibapang taong personal na nakakakilala sa Linkod ng Diyos.
Ang ilan sa mga kabanata ay personal kong mga karanasan.
Mula pa sa aking pagkabata, nagkaroon na ako ng walang-patid at direktang karanasan kasama ang Lingkod ng Diyos. Sa loob ng humigit-kumulang na apatnapung taon, si Rosaria Bucci ay naging kaagapay, araw-gabi, ng Lingkod ng Diyos. Ang dalawa ay nagtatrabahong magkasama sa pagbuburda ng tombolo (isang pamamaraan ng pagbuburda), na kung saan nagmumula ang kanyang ikinabubuhay. Natatali sa maraming ugnayan ang pamilya Piccarreta at ang aking mga kamaganakan. Ang aking mga kapatid na babae, sina Isa, Maria at Gemma, ay madalas mapadalaw sa bahay ni Luisa, kasama na rito ang pagkuha ng mga naburdahang tombolo. Si Gemma, ang bunso, ay ang itinatangi ni Luisa. Kaya nga, nang isilang siya ay iminungkahi ni Luisa na pangalanan siya ng gayon. Ang kapatid ni Luisa na si Angelina, ay ang naging ninang ng aking mga kapatid sa Binyag at Kumpil. Ganon na lamang kami kalapit sa kanya upang ang tawag sa kanya ng buong pamilya ay "Tiya Angelina".
Puno ng pagpapahalaga ang mga usapan tungkol kay Luisa. Naalala ko pa na madalas magpunta ang aking ina sa bahay ni Luisa na kung saan tumatagal ang kanilang mga usapan. Ninuman ay walang nakakaalam kung ano ang nilalaman nito. Ang paniwala ko ay nakapagpahayag si Luisa ng kanyang sariling pagpanaw. Ito ang aking palagay dahil malimit mangusap ang aking ina tungkol sa kanyang kamatayan at ipinapahiwatig sa amin na mukhang hindi na magtatagal ang buhay niya. Siya ay binawian ng buhay sa gulang na limanpu't-isa, tatlong taon matapos pumanaw si Luisa. At sa araw ng kanyang pagpanaw ay nagsuot siya ng isang damit galing sa Lingkod ng Diyos. Mula sa Lingkod ng Diyos, ako ay personal na nakatangap ng mga munting imahen ng mga santo at mga munting larawan. Sa kabila ng aming pagiging magkakilala, ako ay nanatiling tahimik, namangha sa kanyang bumubukal na kaningningan.
Marami na akong nakalap at naitalang mga material, subalit hindi ako nagkaroon ng pagkakataon maisaayos lahat upang maipalathalala, nangangailangan ang mga ito ng maraming gawain at sapat na panahon, na kung saan ako ay kapos. Minarapat kong pumili at ipalathahala lamang ang mga material na sa paniwala ko ay pinakamahahalaga. Subalit hindi ibig sabihin na ang mga ibang kabanatang natala ay hindi karapatdapat maipaalam; ako ay lubos na naniniwala na anumang kaganapan tungkol kay Luisa Piccarreta a mahalaga upang mailarawan ang kanyang katauhan ayon sa kanyang panahon.
Muli kong ipinangangako ang pagpapatuloy ng pagsasaayos at pagsasaliksik sa mga alaala at maipalathala ng lubusan ang talambuhay ng Linkod ng Diyos, gawaing nasimulan sa magkakaibang panahon at umaasa akong matatapos ito sa lalong madaling panahon.
Padre Bernardino Giuseppe Bucci
Unang Kabanata
Ang Talambuhay
Ang Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta ay isinilang sa Corato, probinsiya ng Bari, noong ika-23 ng Abril 1865, kung saan doon narin siya binawian ng buhay na puspos ng kabanalan noong ika-4 ng Marso 1947.
Si Luisa ay pinalad na napabilang sa isang Patriyarkal na pamilya, na hanggang ngayon ay naroon pa sa aming bayang Puglia at masiglang naninirahan sa kabukiran at sa aming baryo. Ang mga magulang niya na sina Vito Nicola at Rosa Tarantino, ay nagkaroon ng limang supling: Maria, Rachele, Filomena, Luisa at Angela. Sina Maria, Rachele at Filomena ay mga nakapag-asawa. Si Angela, mas kilala sa tawag na Angelina, ay nanatiling dalaga kasama ang kanyang kapatid na si Luisa hanggang sa kanyang kamatayan.
Linggo ng albis noong isilang si Luisa at nabinyagan sa araw rin nayon. Ibinalot siya sa isang kumot ng kanyang ama at dinala sa parokya, kung saan siya nagawaran ng sakramento ng binyag.
Si Nicola Piccarreta noon ay isang ahente ng mga lupain na pag-aari ng pamilya Mastrorilli, na matatagpuan pusod ng Murge sa lugar ng Torre Disperata, may 27 kilometro mula sa Corato. Sinumang nakakikilala sa lugar na ito ay humahanga sa katahimikang naghahari doon, napapaloob sa hubad at mabatong mga burol na lantad sa sikat ng araw. Maraming taon ang ipinanatili ni Luisa sa lupaing ito, mula pa sa kanyang pagkabata. Naroroon pa sa harapan ng kanilang tirahan ang makatawag-pansin at nabubukod na puno ng malberi. Ito may malaking siwang sa kanyang puno, na kung saan madalas magtago ang batang si Luisa upang manalangin, malayo sa mga matang mapagpuna. Sa ilang at lantad sa araw na lugar na ito ang simula para kay Luisa ng isang maka-Diyos na paglalakbay na naghatid na rin sa kanya sa daan ng pagtitiis at kabanalan. Sa katunayan, sa mismong lugar na ito nakaranas ng mga hindi mawaring mga pagdurusa dulot ng mga manigno, na madalas nagpapahirap pati na sa kanyang pisikal na katawan. Upang makawala sa ganitong katatayuan, si Luisa ay dumudulog sa walang patid na pananalangin, at ipinagkakatiwala ang sarili sa Mahal na Birheng Maria. Ang kanyang presensiya ang nagpapalubag sa kanya.
Ang Pagpapala ng Diyos ang nag-akay sa batang ito sa landas na ganoon na lamang kahiwaga na wala na siyang alam na iba pang kaligayahan maliban sa Diyos at sa Kanyang Biyaya. Sa katunayan, misan nasabi ng Diyos sa kanya :"Pina-inog ko ang mundo at muling pina-inog, minasdan kong isa-isa ang lahat ng mga nilalang upang hanapin ang pinaka-aba sa lahat. Sa gitna ng karamihan, natagpuan kita, ang pinaka-aba sa lahat. Ang iyong kaliitan, aking naibigan, at ikaw ay pinili ko; ipinanagkatiwala kita sa aking mga anghel, upang ikaw ay tanodan, hindi upang gawin kang dakila, kundi upang bantayan ang iyong kaliitan at ngayon nais kong pasimulan ang dakilang gawain upang matupad ang aking kalooban. Ni hindi mo mararamdamang ikaw ay dakila, sa halip ang hangad ko ay gawin ka pang mas aba at panatiliin kang abang anak ng Kalooban ng Diyos". (Aklat XII, 23 Marso 1921)
Sa gulang na siyam na taon, natanggap ni Luisa sa unang pagkakataon ang Banal na Kumunyon at ang Banal na Kumpil, at magmula noon ay natutunan niyang manalangin sa loob ng isang buong oras sa harap ng Kabanal-banalang Sakramento. Sa gulang na labing-isa ninais ni Luisang mapabilang sa asosasyon ng Mga Anak ni Maria - na sa panahong iyon ay kasalukuyang namumukadkad - sa Simbahan ng San Jose. At nang magwalong taong gulang na, si Luisa ay naging Tersiana ng mga Dominikana sa pangalang Sor Magdalena. Isa siya sa mga pinaka-una na mapasok sa Order ng Tersiana, kung saan ang kangyang Kura Paroko ang tagapagtaguyod. Ang debosyon ni Luisa sa Mahal na Ina ng Diyos ay nagpaunlad sa kanya ng isang maka-Mariang buhay espiritwal. Ito ang nagpasimula upang isang araw ay nakapagsulat siya tungkol Sa Banal na Ina.
Inakay si Luisa ng tinig ni Hesus upang kalimutan ang buong sarili at lahat-lahat. Noong siya ay may labing-walong taong gulang, mula sa asotea ng kanyang tahanan, na natatagpuan sa kalye Nazario Sauro, nagkaroon siya ng isang pangitain, nakita niya ang nagdurusang si Hesus sa ilalim ng krus, nakatanaw sa kanya at nagwika: "Kalul'wa, saklolohan mo'Ko". Noon din ay sumiklab kay Luisa ang isang masidhing naisin na magdusa para kay Hesus at para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Sa ganito nagsimula ang mga pisikal na sakit, na nakaabot sa espiritwal at moral na dusa ni Luisa, hanggang sa humantong sa isang kabayanian.
Napagkamalan ng kanyang pamilya ang mga penomenong ito bilang isang malubhang karamdaman at kinailangan nilang dumulog sa tulong ng mga medico. Subalit, lahat ng sumuri sa kanya ay nanatiling walang masabi sa ganitong uri ng karamdamang naiiba at natatangi. Si Luisa ay naipalagay nang isang bankay - kahit mayroon pang mga palatandaan ng buhay; at walang anumang gamot ang maaring makapagpaginhawa man lang sa hindi maipaliwanag na sakit. Ginawa na nila ang lahat ng kanilang magagawa ngunit walang nangyari, kaya dumulog sila sa huling pag-asa - ang mga pari. Tinawag nila sa tabi ng kanyang banig ng karamdaman ang isang paring Agustiniano, si Padre Cosma Loiodice, na kilala sa tampok na batas "siccardiano". Sa kamanghaan ng lahat ng mga nakasaksi, sapat na ang igawad ng pari ang isang tanda ng krus sa abang katawan ni Luisa, upang kaagad manumbalik sa kanyang normal na kalalagayan ang maysakit. Sa paglisan ni padre Loiodice upang bumalik sa kumbento, ang mga sekular na mga pari naman ang kanilang tinatawag, na sa pamamagitan lamang ng isang tanda ng Krus ay nanunumbalik na agad sa normal ang kalalagayan ni Luisa. Si Luisa ay ganap na naniniwala na lahat ng mga pari ay maaring mga banal, subalit minsan ay nasabi ng Panginoon sa kanya: "Hindi dahil lahat ay mga banal, maaaring magkagayon, subalit sa kadahilan lamang na sila ay ang pagpapatuloy ng aking pagka-Pari sa mundo, marapat lamang na palagi kang mapasailalim sa kanilang kapangyarihang makapari; kailan man ay huwag mo silang sasalungatin, sila man ay mabuti o masama" (Aklat I). Si Luisa ay parati nang nagpapasailalim sa kapangyarihan ng kaparian sa buo niyang buhay. At ito rin ang isa sa mga dahilan ng kanyang higit na pagdurusa. Ang araw-araw na pangangailangan sa kapangyarihan ng pari upang manumbalik sa kinaugaliang gawain ay isa sa pinakamalaking pagpapakasakit para kay Luisa. Sa umpisa, ang mga hindi-lubos-maisip na paghamak at mga pasakit na dinanas ni Luisa ay mula mismo sa mga pari na ipinalalagay siyang isang panatiko, baliw, at isang taong nais lamang kunin ang pansin ng iba. Minsan, siya ay hinayaan sa ganoong kalagayan sa loob ng mahigit na dalawampung araw. Ginampanan ni Luisa ang papel ng isang biktima, nanatili siya sa isang kalagayang lubos na natatangi: tuwing umaga natatagpuan siyang hindi gumagalaw, matigas ang katawan, nakapamaluktot sa kanyang higaan, at walang sinumang ang makapagpa-unat sa kanya, iangat ang kanyang braso, igalaw ang kanyang ulo o ang kanyang mga paa. Kagaya ng aming nakagawian, alam naming kinakailangan ang isang pari, upang sa pamamagitan ng tanda ng krus at bendisyon, ay makakalaya siya sa ganoong kalagayan na parang isang bangkay, at upang muli siyang manumbalik sa kanyang mga nakasanayang mga gawain. Isang natatanging kaso: ang kanyang mga tagapag-pakumpisal, kailanman ay hindi ang kanyang mga espirituwal na direktor, ito ay isang gawaing ng ating Panginoon na inilaan niya para sa kanyang sarili lamang. Tahasang pinaparamdam niya ang kanyang tinig sa kanya, nagtuturo, nagpapalakas ng loob, sinusuatan, kung kinakailangan, at painot-inot inaakay siya hanggang sa pinaka-taluktok ng kanyang kaganapan. Si Luisa, puno ng kaalaman at kamalayan, ay tinuruan at inihanda, sa loob ng maraming taon, upang tanggapin ang Kalooban ng Diyos.
Ang Arsobispo noong panahong iyon, si Giuseppe Bianchi Dottula (22 Disyembre 1848- 22 Setyembre 1892), matapos marinig ang mga palagay ng ilang mga pari, ninais niyang mapasailalim mismo ng kanyang kapangyarihan at resposibilidad ang kasong ito at, matapos ang isang malalim na pagninilay, naniwalang marapat magtalaga ng isang natatanging tagapagpakumpisal, sa katauhan ni Padre Michele De Benedictis, isang maningning na larawan ng isang pari, na kung kanino ganap na binuksan ni Luisa ang kanyang kaluluwa. Si Padre Michele, isang paring prudente at namumuhay sa kabanalan, ay nagtakda ng mga hangganan ng kanyang mga paghihirap at wala siyang maaring gawin na wala siyang pahintulot. Si Padre Michele mismo ang nag-utos sa kanya na kumain, kahit man lang minsan sa isang araw; mga pagkain na agad namang niyang isinusuka. Minarapat ni Luisa na mabuhay sa Kalooban ng Diyos lamang. Ang saserdoteng ito ang nagbigay sa kanya ng pahintulot upang manatili na lamang sa kanyang higaan bilang alay at pagtubos sa kasalanan. Taong 1888 noon, nang si Luisa ay maratay sa banig ng karamdaman, nakaupo, at nanatili sa ganoon kalagayan sa loob ng limampu't siyam na taon, hanggang sa kanyang pagpanaw. Mahalagang malaman na, sa mga panahong iyon ay hindi siya nanatili sa kanyang higaan ng tuloy-tuloy dahil na rin sa pagtalima, hindi siya nagkaroon ng pahintulot. Subalit permanente na siyang nanatili sa kanyang higaan nang magsimula ang Bagong Taon ng 1889.
Noong taong 1898, ang bagong Arsobispo Tommaso De Stefano (24 Marso 1898 - 13 Mayo 1906) ay nagtalaga ng bagong confessor sa katauhan ni Padre Gennaro Di Gennaro, na ginampanan naman niya ng dalawampu't apat na taon. Ang bagong confessor, dahil sa kanyang kutob-loob sa mga kamangha-manghang gawa ng Panginoon sa kaluluwang ito, pinagbilinan si Luisa na isulat lahat ng mga ginawa sa kanya ng Biyaya ng Diyos. Napasawalang saysay lahat ng mga pagmamakat'wiran ng Linkod ng Diyos upang alisin sa kanya ang tunkuling itinalaga ng kanyang confessor: maliban lamang sa kanyang kakulangan ng kaalaman sa larangan ng pagsusulat ang maaaring magpalaya sa kanya sa tungkuling ito. Subalit si Padre Gennaro Di Gennaro ay naging manhid at hindi natinag, kahit alam niyang ang abang si Luisa ay nakapag-aral lamang sa mababang paaralan. At ganoon nga nagsimula ang lahat; ika-28 ng Pebrero 1898, noong simulan niyang isulat ang kanyang tala-arawan, na umabot sa tatlumpu't-anim na makakapal na aklat! Ang huling kapitolo ay natapos, ika-28 ng Disyembre 1939, nang matanggap niya ang kautusang tumigil na sa pagsusulat.
Nang sumakabilang-buhay ang kanyang confessor, ika-10 ng Setyembre 1922, humalili ang paring mambabatas ng simbahan na si Padre Francesco De Benedictis, na siyang gumabay sa kanya sa loob lamang ng apat na taon, dahil sa siya'y pumanaw rin noong ika-30 ng Enero 1926. Ang Arsobispo na si Giuseppe Leo (17 Enero, 1920 - 20 Enero, 1939) ay nagtalaga ng isang batang pari bilang confessor niya, si Padre Benedetto Calvi, na nanatili sa tabi ni Luisa hanggang sa kanyang pagkamatay, at kung kanino niya ibinahagi ang lahat ng kanyang mga paghihirap at kawalan pagka-unawa sa kanya, mga nagdudulot ng maraming dusa sa Linkod ng Diyos hanggang sa mga huling taon ng kanyang búhay.
Sa simula ng bagong siglo, ang aming mga kababayan ay pinalad na masaksihan ang paglalagalag sa Puglia ni Beato Annibale Maria Di Francia dahil ninais niyang magtayo roon ng isang bahay para sa kanyang sumisilang na kongregasyon sa Trani; itoy para sa mga kababaihan at kalalakihan. Napag-alaman niya ang tungkol kay Luisa at agad naman niyang pinuntahan upang dalawin, at simula noon, ang dalawang dakilang kaluluwa ay matatag na nabuklod tungo sa magkakatulad na mga layunin.
Ilan sa mga bantog na mga saserdote ang malimit dumalaw kay Luisa; bilang halimbawa, isang Hesuitang pari, si Padre Gennaro Bracalli, si Padre Eustachio Montemurro na kilala sa kanyang kabanalan, at si Padre Ferdinando Cento, Nunsyo Apostoliko at Cardinal ng Inang simbahan. Naging confessor na ekstra-ordinaryo ni Luisa ang Beato Annibale at taga-suri ng kanyang mga sulatin, na sa kalaunan ay painot-inot na sinuri at pinasang-ayonan ng simbahan. Sa taong 1926, hinabilinan ni Beato Annibale si Luisa upang isulat ang kanyang mga alaala mula sa kanyang pagkabata at hanggang sa kanyang paglaki. Si Beato Annibale ang nagpalathala ng mga ibang sulatin ni Luisa. Isa sa naging pinakatanyag ay ang aklat na pinamagatang "Ang Orasan ng Pasyon", na nailimbag sa apat na edisyon. Ang bahay ng mga madre ng Divine Zeal sa Corato ay natapos noong ika-7 ng Oktobre, upang gampanan ang mithiin ni Beato Annibale, at dinala doon sa kumbento si Luisa. Sa mga panahong iyon, sa Messina, ay sumakabilang buhay na si Beato Annibale na tanyag sa kanyang kabanalan.
Noong taong 1938, ay dumating ang isang malakas na unos sa buhay ni Luisa, nailatahala sa publiko na ang kanyang mga aklat ay nahatulang mailagay sa "indice", (mga aklat na ipinagbabawal ng simabahang basahin). Sa pagkakalathala ng paghuhusgang ito mula sa Santo Opisyo, agad siyang nagpasailalim sa kapangyarihan ng Simbahan.
Isang paring sugo ng Simbahan, mula sa Roma, ang dumating upang hililingin ang lahat ng kanyang mga isinulat, na mahinahon at nakahanda namang ibinigay ni Luisa. At lahat ng kanyang mga sulatin ay nailagak at naitago sa Banal na Opisyo.
Noong ika-7 ng Oktobre, dahil narin sa kanyang kalagayan, minarapat ni Luisang iwan ang kumbento at humanap ng bagong matitirhan. Ginugul ni Luisa ang mga huling siyam na toan ng kanyang buhay sa isang bahay sa Kalye Maddalena, isang kilalang lugar, lalo na sa mga matatanda ng Corato, at dito na nasaksihan ang paglabas ng kanyang bankay, noong ika-8 ng Marso 1947.
Ang pamumuhay ni Luisa ay isang ganap na mapagkùmbabà. Halos wala siyang pag-aari. Namuhay siya sa isang bahay-upahan, kasama ang kanyang kapatid na si Angelina at ilang kababaihang may takot sa Diyos. Kung mayroon man siyang mga ari-arian na masasabi, ito ay hindi pa sasapat upang ikabuhay ng isang kalapati. Para sa kanyang ikabubuhay ay sapat na ang kanyang pagbuburda, at malaking bahagi nito ay para sa kanyang kapatid, dahil wala naman siyang pangangailangan, kahit na sa mga kasuotan. Para sa kanyang pagkain ay sapat na ang kaunting inumin na inihahanda para sa kanya ng kanyang kasamang si Rosario Bucci. Hindi humihiling ng kahit ano pa man si Luisa, anumang pagkaing kanyang lunukin ay agad niya itong iniluluwa. Ang kanyang hitsura ay hindi katulad ng isang may sakit, sa halip siya ay nasa malusog na kalagayan. Ni hindi siya nananatiling walang-kilos, ang kanyang lakas ay nagugugol sa kanyang araw-araw na mga pasakit o kaya sa kanyang mga gawain, at ang kanyang buhay, para sa mga ganap nakakikilala sa kanya, ay isang walang-patid na milagro.
Kahanga-hanga ang kanyang pagtanggi sa lahat ng mga bagay na hindi nagmumula sa kanyang araw-araw na paghahanapbuhay. Tinatangihan rin niya ng buong tatag ang mga salapi o mga iba't-ibang handog anuman ang layunin nito. Kailanman ay hindi siya tumanggap ng salapi para sa pagpapalimbag ng kanyang mga aklat. Minsan nasabi niya kay Beato Annibale na nais niyang ibigay ang mga pera mula sa karapatan ng may akda. "Wala akong anumang karapatan, dahil lahat ng mga naisualat doon ay hindi naman sa akin" (tingnan "Panimula" sa aklat "Ang Orasan ng Pasyong", Messina, 1926). Matatag niyang tinatangihan at muling ibinabalik ang mga salapi, na magkaminsa'y ipinapadala ng mga malulugod na tao.
Ang tahanan ni Luisa ay mistulang isang monasteryo, walang kakaibàng nakapapasok doon. Ang parati niyang mga kasama ay ilang kababaihang nakiki-isa sa kanyang sariling espiritwalidad, at mga kadalagahang madalas dumalaw upang matutung magburda. Marapat lang, na mula sa munting tahanang ito, sumilang ang maraming bokasyong relihiyoso. Hindi lamang para sa mga batang kababaihan ang kanyang mga gawaing paghuhubog, marami ring mga batang kalalakihan ang naging pari at napabilang sa iba't-ibang kongregasyong relihiyoso.
Nagsisisimula ang maghapon ni Luisa sa ganap na ika-lima ng madaling araw kapag dumating na ang pari, para siya ay basbasan at para sa pagdiriwang ng Santa Misa. Ito ay ginagampanan ng kanyang confessor o ng sinumang naitatalaga. Itoy isang pribilehiyòng natanggap niya mula kay Leone XIII na pinagtibay naman ni San Pio X noong 1907. At pagkatapos ng Santa Misa, nananatili si Luisa sa kanyang pagdarasal, panalangin ng pasasalamat na umaabot sa halos dalawang oras. At magsisimula na siya sa kanyang gawain, mula ika-walo hanggang tanghaling tapat; at matapos mananghalian, mag-isa siyang nagmumunimuni. Sa hapon, matapos ang maikling trabaho, ay darasalin ang Banal na Rosario. Sa gabi naman, bandang ika-walo, nagsisimula siyang magsulat nang kanyang talà-arawan hanggang sa maghating-gabi, at saka palamang siya maiidlip. Sa pagdating ng madaling araw, natatagpuan siyang walang kilos, nakapamaluktot sa kanyang higaan at ang ulo'y nakabaling sa kanyang kanan, at kinakailangan ang pamamagitan ng isang pari upang siya'y manumbalik sa kanyang karaniwang gawi, at siya'a ipina-uupo sa kanyang kama.
Si Luisa ay pumanaw sa gulang na walumpu't-isa, sampung buwan at siyam na araw, noong ika-4 ng Marso 1947, matapos ang labinlimang araw ng karamdaman, isang natatanging karamdaman sa buo niyang buhay, matinding pulmunya. Halos patapos na ang magdamag noong siya'y pumanaw, oras na kung kailan iginagawad sa kanya ang pang-araw-araw na pagbabasbas upang palayain siya sa kanyang kalalagayang walang-kilos. Ang Arsobispo Petronelli Francesco (25 Mayo 1939-16 Hunyo 1947) ang naroroon noon. Si Luisa ay nakaupo sa kanyang higaan. Hindi siya maiùnat, ngunit sa kabila nito hindi nagtataglay ng paninigas na kagaya ng isang bangkay ang kanyang katawan, isang di-pangkaraniwang penomeno. At nanatili siya sa gayong ayos kagaya ng kanyang nakagawian.
Nagdagsaan agad sa kanyang tahanan ang buong kabayanan, matapos malaman ang balita ng pagkamatay ni Luisa, at kinakailangan ang pamamagitan ng mga maykapangyarihan upang mapigil ang pulotong, na araw-gabing naparoroon upang masilayan si Luisa, isang taong malapìt sa kanilang puso. Umalingawngaw ang isang tinig: "Pumanaw na Si Luisa, ang Santa!". At upang mapagbigyan ang lahat ng mga taong nagnanais makita ang mga labì ni Luisa, sa pahintulot ng maykapangyarihan at ng opisyal ng pangkalinisan, ang bankay ay pinahintulutang nakalantad sa madla sa loob ng apat na araw. Wala man lamang tanda ng pagka-agnas. Hindi siya mukhang patay, nakaupo sa kama, nakadamit puti, mukhang natutulog lamang, dahil kagaya ng nasabi na, ang kanyang katawan ay hindi nagtataglay ng paninigas katulad ng isang bankay. Sa katunayan, maaring igalaw ang kanyang ulo na hindi kinakailangan ang pwersa, iangat ang kamay, itiklop ang mga kamay at ang mga daliri, naibubukas din ang talukab ng kanyang mga matang malilinaw. Ipinalalagay ng lahat na siya'y buhay pa, nahihimbing lamang sa pagtulog. Matapos ang masusing pagsusuri ng mga medikong sadyang tinawag upang tingnan ang bankay, inihayag na si Luisa ay tunay ngang patay na.
Ayon kay Luisa, siya ay isinilang na pabaliktàd, marahil marapat lang na kabalikataran din ang kanyang kamatayan kumparà sa ibang nilalang. Kung paanong siya'y parating nakaupo sa kanyang buhay ganoon din siyang inhatid sa kanyang himlayan sa simenteryo isang kabaon na pasadyang yari ayon sa kanyang posisyon, at ang mga tagiliran at harapan nito'y yari sa salamin, upang ang kanyang mga labi'y makita ng lahat, waring isang reyna na nakaluklok sa kanyang trono at nakadamit puti na may Fiat sa kanyang dibdib. Mahigit sa apatnapung mga pari, ang punong-bayan at ang mga Kaparian sa lugar, ang nagsidalo sa kanyan libing; ang mga madre ang naghalinhinang pumasan sa kanyang bangkay habang isang napakalaking pulotong ang nakapalibot. Siksik ng mga tao ang buong kalsada, pati ang mga balkonahe at mga bubong ng mga bahay ay hitik ng mga tao, dahilan upang ang parada ay may kahirapan. Buong bayan ng Corato ang naghatid sa kanya sa kanyang himlayan sa simenteryo. Bawat isa'y naghanap ng anumang alaala na maari nilang maiuwi sa kanikanilang mga tahanan, pati ang mga bulaklak, matapos nilang mahipo ang bankay, na ilang taon pagkatapos ay inilipat sa parokya ng Santa Maria Greca.
Taong 1994, araw ng kapistahan ng Kristong Hari, sa Chiesa Matrice, Ang Monsignor Carmello Cassati, sa harap ng napakaraming tao at mga kinatawan ng ibang lugar, ay opisyal na nagpasimala ng proseso para sa Beatificasyon ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta.
Mga Mahahalagang Petsa
1865 Isinilang si Luisa Piccarreta, ika-23 ng Abril, Linggo ng Albis, sa Corato (BA). Ang kanyang mga magulang ay sina Vito Nicola at Tarantino Rosa ay may limang supling na mga babae: Maria, Rachele, Filomena, Luisa at Angela.
Pagkasilang ni Luisa, matapos lamang ang ilang oras, siya ay dinala agad ng kanyang Ama sa Simbahan upang mabinyagan. Ang kanyang ina ay hindi dumanas ng sakit ng panganganak, si Luisa'y isinilang na walang hirap.
1872 Tinanggap niya si Hesus sa Banal na Komunyon, araw ng Linggo ng albis at sa araw din na iyon siya nakumpilan, sa pamamagitan ni Mosinyor Giuseppe Bianchi Dottula, arsobispo ng Trani.
1883 Sa gulang na 18, nakaita ni Luisa mula sa kanyang balkonahe, si Hesus na nasa ilalim ng kanyang krus at nagwika : "Kaluluwa, tulungan mo ako". Mula noon, taglay ang kalul'wang mapag-isa, siya'y namuhay sa walang-patid na pakiki-isa sa mga hindi mailarawang pagpapakasakit ng kanyang Divino Esposo.
1888 Napabilang sa Figlia di Maria at Tersiana Dominicana sa pangalang Sor Maddalena.
1885-1947 Natatanging kalul'wa, esposa ni Kristo, mapagkumbaba at magiliw, taglay ang natatangin handog mula sa Diyos, isang inosenteng handog, daluyan ng Grasya ng Diyos, sa loob ng animnapu't dalawang taong walang patid naging tagapagpahayag ng Kalooban ng Diyos.
4 Marso 1947 Sa walang hanggang liwanag ng Kalooban ng Diyos, nagwakas ang kanyang mga araw, upang magpunyagi kasama ng mga anghel at ng mga banal sa walang hanggang kaningningan ng Kalooban ng Diyos.
7 Marso 1947 Ang kanyang mortal na mga labi, sa loob ng apat na araw, ay dinalaw ng isang napakalaking madla ng mga mananampalataya upang sa huling pagkakataon ay makita si Luisa ang Santa, lubos na malapit sa kanilang mga puso. Ang libing ay isang larawan ng pagwawagi; Si Luisa ay waring isang reyna, buhat-buhat sa mga balikat, sa gitna ng nagdagsaang madla. Lahat ng kaparian, sekolar man o relihiyoso, ang naghatid kay Luisa. Ang liturhiya ng paglilibing ay ginanap sa Inang Simbahan, na dinaluhan ng buong Kapitolyo. Kinahapunan, ang kanyang mga labi ay inilibing sa maharlikang kapella ng pamilya Calvi.
3 Hulyo 1963 Ang kanyang mga labi ay permanenteng nailibing sa Santa Maria Greca.
20 Nobyembre 1994 Araw ng kapistahan ng Kristong Hari, sa Simbahan ng Matrice, Ang Monsignor Carmello Cassati, sa harap ng napakaraming tao at mga kinatawan ng ibang lugar, ay opisyal na nagpasimala ng proseso para sa Beatificasyon ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta.
Ang unang larawan ng Lingkod ng Diyos, na nailathala noong 1948. Ang imprimatur ay kay Arsobispo Fr. Reginaldo Addazi, O.P.
Ang mga Confessor at mga Espiritwal Direktor
1. Padre Cosma Loiodice fraile at unang confessor
2. Don Michele De Benedictus confessor ng batang si Luisa, naitalaga noong 1884 bilang opisyal na confessor, mula sa pag-uutos ng obispo, si Mosinyor Giuseppe B. Dottula
3. Don Gennaro Di Gennaro Paroko ng San Giuseppe, confessor mula 1898 hanggang 1922; dahil sa pagtalima, pinag-utusan ang Lingkod ng Diyos na isulat araw-araw ang bawat ipahiwatig ng Panginoon sa kanya.
4. P. Annibale Maria Di Francia, taon 1919-1927, sa utos ng obispo, ay naging confessor na di-pangkaraniwan ni Luisa, tagapagsuri ng mga sulatin niya, at siya rin ang naglimbag ng iba niyang mga aklat; isa rito ang Orasan ng Pasiyon.
5. Mons. Fernandino Cento Nunsyo Apostolico at Cardinal ng Simbahang Katolika Romana.
6. Padre Francesco De Benedictis Confessor mula 1922 hanggang 1926, hinalilinan si Padre Gennaro Di Gennaro.
7. Padre Felice Torelli Kura paroko ng Santa Maria Greca
8. Padre Benedetto Calvi Bise-paroko ng Simbahang Matrice, pansamantalang confessor
9. Padre Luca Mazzilli Bise-Paroko, pansamantalang confessor
10. Padre Benedetto Calvi Confessor na itinalaga, mula 1926 hanggang 1947, itinalaga ng Arsobispo Mons. Giuseppe Leo.
Padre Peppino Ferrara Pansamangtalang tagapag-Misa Padre Vitantonio Patruno, Pansamantalang tagapag-Misa
Padre Clemente Ferrara Dekano, pansamantalang tagapag-Misa
Padre Cataldo Tota Rektor ng Seminaryo ng Bisceglie at paroko ng Simbahan ng San Francesco
Mons. Michele Samarelli Vicar General ng Bari.
Mons. Ernesto Balducci Vicar General ng Salerno.
Mons. Luigi D'Oria Padre Espiritwal ng Seminario ng Rehiyon ng Molfetta at Vicario General ng Trani.
At iba pang mga pari, relihiyoso o sekular, na hindi na naitala rito, ang madalas mapadalaw sa bahay ng Lingkod ng Diyos dahil sa iba't-ibang mga kadahilanan.
Si Padre Benedetto Calvi, ang huling tagapagpakumpisal ni Luisa Piccarreta.
Ang mga Obispo
1. Mons. Bianchi Dottula Giuseppe 1848-1892
2. Mons. Marinangeli Domenico 1893-1898
3. Mons. de Stefano Tommaso 1898-1915 (Si Luisa ay nagsimulang magsulat ng kanyang talà-arawan)
4. Mons. Vaccaro Giulio 1906, tagapangasiwa
5. Mons. Carraro Francesco P. 1906-1915
6. Mons. Regime Giovanni 1915-1918
7. Mons. Tosi Eugenio 1918-1920, tagapangasiwa
8. Mons. Leo Giuseppe M. 1920-1939
9. Mons. Petronelli Francesco 1939-1947. Namatay noong 16 Hunyo 1947, tatlong buwan matapos ang pagpanaw ni Luisa Piccarreta.
10. Mons. Addazi Reginaldo G.M. 1947-1971. Ang nagtagurì kay Luisa bilang Lingkod ng Diyos at nagpahintulut sa paglalantad ng larawan ni Luisa kasama ang isang panalangin.
11. Mons. Carata Giuseppe mula 1971, emerito. Napasinaya sa Associazione del Divin Volere, pinahintulutan ng Simbahan matapos ang sampung taon. Sa panahong ding nasabi ay ipinag-utos sa paghihikayat ng Cardinal Palazzini, Prefetto della Sacra Congregazione per le Cause dei Santi, upang kalapin ang mga pagpapatunay sa kasaysayan ng Linkod ng Diyos.
12. Mons. Cassati Carmelo emerito. Binuksan ang proseso ng Beatificasyon ni Luisa Piccarreta, araw ng kapistahan ng Kristong Hari, 1994.
13. Mons. Giovanni Battista Picchierri pankasalukuyang Arsobispo ng Trani. Sa kanya iniatas ang pagpapatuloy ng Beatificasyon ng Linkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta.
Talaan ng mga Aklat ni Luisa Piccarreta
Ang petsa ng mga tala-arawan na isinulat ni Luisa ayon sa kanyang pagtalima sa mga confessor niya.
Kahit sa kanyang mga sulatin minarapat ni Luisa na umasa lamang sa kapangyarihan ng Inang Simbahan.
Sa katunayan, sa kabila ng mataimtim na pagdidili-dili, ipinasailalim ang sarili sa pagtalima, at kanyang sinimulan ang pagsusulat noong ika-28 ng Pebrero 1899.
Aklat Petsa
Aklat I at II 28 Pebrero - 30 Oktobre 1899
Aklat III 1 Nobyembre 1899 - 4 Setyembre 1900
Aklat IV 5 Setyembre 1900 - 18 Marso 1903
Aklat V 19 Marso - 30 Oktobre 1903
Aklat VI 1 Nobyembre 1903 - 16 Enero 1906
Aklat VII 30 Enero 1906 - 30 Mayo 1907
Aklat VIII 23 Hunyo 1907 - 30 Enero 1909
Aklat IX 10 Marso 1909 - 3 Nobyembre 1910
Aklat X 9 Nobyembre 1910 - 10 Pebrero 1912
Aklat XI 14 Pebrero 1912 - 24 Pebrero 1917
Aklat XII 16 Marso 1917 - 26 Abril 1921
Aklat XIII 1 Mayo 1921 - 4 Pebrero 1922
Aklat XIV 4 Pebrero - 24 Nobyembre 1922
Aklat XV 28 Nobyembre 1922 - 14 Hulyo 1923
Aklat XVI 23 Hulyo 1923 - 6 Hunyo 1924
Aklar XVII 10 Hunyo 1924 - 4 Agosto 1925
Aklat XVIII 9 Agosto 1925 - 21 Pebrero 1927
Aklat XIX 23 Pebrero - 15 Setyembre 1926
Aklat XX 17 Setyembre 1926 - 21 Pebrero 1927
Aklat XXI 23 Pebrero - 26 Mayo 1927
Aklat XXII 1 Hunyo - 14 Setyembre 1927
Aklat XXIII 17 Setyembre 1927 - 11 Marso 1928
Aklat XXIV 19 Marso - 3 Oktobre 1928
Aklat XXV 7 Oktobre 1928 - 4 Abril 1929
Aklat XXVI 7 Abril 1929 - 20 Setyembre 1929
Aklat XXVII 23 Setyembre 1929 - 17 Pebrero 1930
Aklat XXVIII 22 Pebrero 1930 - 8 Pebrero 1931
Aklat XXIX 13 Pebrero - 26 Oktobre 1931
Aklat XXX 4 Nobyembre 1931 - 14 Hulyo 1932
Aklat XXXI 24 Hulyo 1932 - 5 Marso 1933
Aklat XXXII 12 Marso - 10 Nobyembre 1933
Aklat XXXIII 19 Nobyembre 1933 - 24 Nobyembre 1935
Aklat XXXIV 2 Disyembre 1935 - 2 Agosto 1937
Aklat XXXV 9 Agosto 1937 - 10 Abril 1938
Aklat XXXVI 12 Abril - 28 Disyembre 1938
Ang Lingkod ng Diyos habang nagsusulat ng kanyang tala-arawan ay nakatitig sa krus
Ikalawang Kabanata
Ang Paghahari ng Kalooban ng Diyos
"At ngayon, isang kataga para sa inyong lahat na mga babasa sa mga sulat na ito...Paki-usap ko lamang, hinihiling kong nawa'y tanggapin ninyong may pagmamahal ang anumang nais ibigay sa inyo ni Hesus, ang Kanyang Kalooban.
Subalit upang maibigay niya ang Kanyang Kalooban, nais niya ang sa inyo, dahil kung hindi, hindi makapaghahari ito. Kung nalalaman niyo lamang... sa pamamagitan ng pag-ibig ni Hesus nais niyang ibigay sa inyo ang pinakadakilang handog, mapasalangit man o mapasalupa, iyon ay ang Kanyang Kalooban.
Oh, ilang mapapait na luha na ang kanyang ibinuhus, dahil nakikita niya ang inyong mga nais lagalag sa mundong naghihikahos! Hindi pa lubos ang inyong kaalaman upang manatili sa isang dakilang layunin, alam ba ninyo ang dahilan? Dahil ang Kanyang Kalooban ay hindi naghahari sa inyo.
Oh, masdan ninyo si Hesus, siya'y napapaiyak, napapabuntong-hininga sa harap ng inyong kapalaran! At humihikbing nakikiusap na sana'y hayaan maghari sa inyong mga puso ang Kanyang Kalooban. Nais niyang baguhin ang takbo ng inyong kapalaran: mula sa maykaramdaman, maging malulusog; mga naghihirap, mayayaman; mga mahihina, malalakas; mga madaling magbago ang isip, matatatag; mga alipin, hari. Hindi niya hanggad ang matitinding penitensiya, hindi mahahabang panalangin o ano pa man; sa halip ay maghari nawa ang Kanyang Kalooban, at tuluyang pumanaw ang inyong mga sariling naisin.
Ah, dinngin ninyo Siya, at ako ay handang ialay ang ang aking buhay para sa inyo, magdusa ng anumang hirap, mabuksan lamang ang pinto ng inyong mga kaluluwa, at ang Kalooban ng aking Panginoong Hesus ay maghari at magpunyagi sa buong sangkatauhan.
Ngayon, kung nais ninyong paunlakan ang aking panyaya; hali'kayo't ako'y samahan sa Paraiso, kung saan naroroon ang ugat ng inyong pinagmulan, kung saan ang tao ay nilikha ng Kataas-taasan, ginawa niyang hari, at pinagkalooban ng kahariang kanyang pamamahalaan; ito ay ang buong sanlibutan, subalit ang kanyang siyetro, ang kanyang korona, ang kanyang pamumuno ay nagmulang lahat sa kailaliman ng kanyang kaluluwa, kung saan naluluklok ang Fiat ng Diyos, bilang isang haring makapangyarihan, na bumubuo sa tunay na karingalan ng tao. Ang kanyang mga kasuotan ay mariringal, busilak higit pa sa araw, ang kanyang mga kilos ay maharlika, at ang kanyang kagandahan ay mapang-akit. Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa kanya, naaliw siya, at tinawag siyang munting hari at anak. Ang lahat ay kagalakan, kaayusan at magkakaugnay.
Ang taong ito, unang ama natin, pinagkanulo ang mismong sarili, pinagtaksilan ang kanyang kaharian, at, sa pagsasagawa ng kanyang sariling nais, pinagdalamhati niya ang kanyang Tagapaglikha, na lubos na nagtanghal at nagmahal sa kanya.Tuluyang nawala ang kanyang kaharian, ang kaharian ng Kalooban ng Diyos, na kung saan ang lahat ay inihandog sa kanya. Ang mga pinto ng kaharian ay isinara, at binawi ng Maykapal ang kahariang bigay sa tao. At samantala, dinggin ninyo ang aking lihim.
Ang Diyos, sa pagbawing muli ng kaharian ng Kaloobang Banal, hindi ibig sabihin na hindi na muli itong iaalay sa tao, sa halip ito ay tangan niyang nakalaan, naghihintay sa mga lahi ng darating na panahon upang salakayin sila ng nakagugulantang na mga biyaya, ng ilaw na nakasisilaw, upang tuluyang maglaho ang sariling nais ng tao, na siyang gumunaw sa kahariang ganoon na lamang kabanal; at sa pamamagitan ng mga nakapang-aakit na kababalaghan at kamangha- manghang mga pagkilala sa Kalooban na Diyos, kanilang maramdaman ang pangangailangan, ang pagnanais na maigapos ang ating sariling kalooban na siyang dahilan ng ating kalungkutan, at magpatihulog sa Kalooban ng Diyos. Sa makat'wid ang kaharian ay sa atin; kaya magpakatatag!
Ang Kataas-taasang Fiat ay naghihintay sa'tin, tumatawag at naghihikayat sa atin upang kunin ang pag-aari. Sino kaya ang may puso upang tumangi, sino kaya ang hangal upang hindi tatalima sa tawag, at tanggihan ang ganap na kaligayahan?
Hubarin natin ang mga kahinaan ng ating naisin, ang damit pangluksa ng ating pagka-alipin, na siyang dahilan ng atin pagkakatapon. Sa halip magbihis tayo ng damit-reyna, at isuot natin ang maka-Diyos na palamuti!
Kaya ako'y nanawagan sa lahat: makinig kayo! Alam ninyong ako'y isang Munti, pinaka-maliit sa lahat ng nilalang...mananahan ako sa Kalooban ng Diyos kasama si Hesus, darating akong mumunti sa inyong mga sinapupunan, sa pamamagitan ng mga pagtangis at mga luha, ako'y kakatok sa inyong mga puso, gaya ng isang munting pulubi, nagmamakaawang ibigay ninyo kay Hesus ang inyong mga basahan na kasuotan, mga damit panluksa, ang inyong naisin na walang dulot na kaligayahan. Upang ito'y kanyang sunugin, at upang sa muling pagbibigay niya ng Kanyang Kalooban, mapapasainyo ang kanya Kaharian, ang kanyang kaligayahan, ang kaniningan ng kanyang bumubusilak na mga kasuotan. Kung nalalaman niyo lamang ang kahulugan ang Kalooban ng Diyos! Siyang sumasakop sa Langit at lupa; Kung tayo lamang ay sumasakanya, ang lahat ay sa'tin, lahat ay tangan natin; kung hindi naman, lahat ay wala sa panig natin; at kung mayroon man tayong kahit anong bagay, tayo ay matatawag na tunay na magnanakaw sa harap ng Diyos, at namumuhay tayo sa pamamagitan ng panlilinlang at pagnanakaw.
Kaya nga, kung nais n'yo siyang makilala, basahin n'yo ang mga pahinang ito: matatagpuan ninyo ang gamot sa inyong mga sugat, mga sugat na siyang marahas na pinanggalingan ng naisin ng tao, matatagpuan ninyo ang bagong hanging lubos na maka-Diyos, bagong buhay na lubos na makalangit; damhin ninyo ang Kalangitan sa inyong mga puso, masdan ninyo ang makabagong abot- tanaw, bagong araw, at madalas matatagpuan ninyo si Hesus, mukha'y luhaan, na walang hangad kundi maibigay sa inyo ang Kanyang Kalooban. Nananangis siya dahil nais niya kayong makitang masaya, humihikbi, napapabuntong-hininga, nagmamakawa para sa ikaliligaya ng Kanyang mga anak; at, sa paghiling ng inyong sariling naisin upang agawin ang inyong kalungkutan, at iabot ang Kanya, bilang pagpapatunay ng Kanyang Paghahari.
Kaya ako'y nananawagan sa lahat. At akoy nananawagan kasama si Hesus, kasama mismo ng kanyang sariling mga luha, mga buntong-hininga, ng Kanyang nakapapasong Puso, naghahangad maibigay ang kanyang dakilang Kalooban (Fiat). Mula sa Kanyang Kalooban tayo'y umalpas, kung saan doon tayo'y may buhay, nararapat lamang natayoy manumbalik sa Kanya, sa ating pinakatatangi at walang hangganang mana.
At higit sa lahat, ako'y nananawagan sa Kanyang Kamahalang Santo Papa, Ang Kanyang Kabanalan, sa Kinatawan ng Banal na Simbahan, at sa makat'wid ang Kinatawan ng Kaharian ng Dakilang Kalooban. Sa Kanyang banal na paanan, itong abang Napakaliit ay nag-aalay ng kahariang ito, hanggang sa ito'y makilala; at, isama ang kanyang makapangyarihan at mapagkalingang tinig, upang tawagin ang kanyang mga anak na mamuhay sa banal na Kaharian. Ang Kataastaasang Fiat ay kanyang kasuotan, at nahubog sa Dakilang Araw ng Kalooban ang kanyang Kinatawan sa lupa; at, sa paghuhubog ng kanyang buhay sa Kanya, na siyang pinuno ng buong Simbahan, ibuhos ang kanyang walang patid na mga sinag sa buong mundo, at, sa paglulukob sa lahat ng kanyang liwanag, inihubog ang iisang kawan at iisang Pastol.
Ang ikalawang panawagan ay para sa lahat ng mga pari. Patirapa sa paanan ng bawat isa, ako'y nanalangin, nanawagan, nawa sila'y maakit sa pagkilala sa Banal na Kalooban. At sinasabi ko sa kanila, ang unang galaw, ang unang hakbang naway manggaling sa Kanya, at higit sa lahat, magpasakop kayo sa Dakilang Fiat, at lasapin kung gaano katamis at kahalaga ang kanyang buhay; manggaling nawa lahat mula sa kanya ang inyong bawat mga gawa; damhin sa inyong mga sarili ang lakas ng Diyos, isang tinig na palaging nangungusap, na siyang magsasabi sa inyo ng mga dakilang mga bagay na kailan ma'y hindi pa narinig, tanawin ang liwanag na siyang papawi sa lahat ng kasamaan, at habang pinag-aalab ang puso ng mga tao, ibibigay sa inyo ang pangangalaga sa kanila.
Gaano karaming pagpapakahirap ang nagawa na hindi man lamang namunga, ito'y dahil sa kawalan ng buhay na nagmumula sa Banal na Kalooban. Pinaghatihati ninyo ang tinapay para sa mga tao subalit ito'y walang lebadura ng Dakilang Fiat, at kaya nga sa kanilang pagkain nito, ito'y napakatigas, halos hindi manguya; at, dahil sa hindi malasap ang buhay sa kanila, hindi nanatili sa kanila ang inyong mga turo. Kaya nga, inyong kainin ang tinapay ng Dakilang Fiat, nang sa gayon maihubog sa lahat ang Kanyang buhay at ang Kanyang nag-iisang kalooban.
Ang ikatlong panawagan ko ay para sa buong mundo, sa lahat ng aking mga kapatid at mga anak. Alam ba ninyo kung bakit tinawag ko kayong lahat? Dahil nais kong ibigay sa lahat ang buhay mula sa Dakilang Kalooban! Siya ay higit pa sa hangin, na maari nating langhaping lahat; siya ay parang araw, kung saan maaari nating makamit ang ilaw ng kabutihan; parang pintig ng puso, nais pumintig sa bawat puso; at ako, isang munting sanggol, nais kong ang lahat ay tumanggap sa buhay ng Dakilang Fiat! Oh, kung nalalaman lamang ninyo kung gaano karaming biyaya ang maaari ninyong matanggap, ialay lamang ang buhay at hayaang maghari siya sa inyong lahat.
Ang munting Kaliitan ay nais maghayag ng isa pang lihim na ipinahayag sa kanya ni Hesus; at ito'y sasabihin ko sa inyo, upang sa aki'y ibigay ang inyong naisin at, bilang kapalit, tatanggapin ninyo ang naisin ng Diyos na siyang magdudulot ng ligaya sa inyong mga kaluluwa at katauhan.
Nais ba ninyong malaman kung bahit hindi nagbibigay ng bunga ang lupa? Kung bakit sa iba't-ibang bahagi ng mundo ay lumilindol at magkaminsan ay bumubuka ang lupa at nalilibing, bayan at mga tao, sa kanyang sinapupunan? Kung bakit ang hangin, ang tubig, sila'y nagiging isang unos at sinasalanta ang lahat? Kung bakit maraming kasamaan, na alam ng lahat?
Dahil ang lahat ng mga bagay na kanyang nilalang ay nagtatglay ng Dakilang Kalooban, na siyang naghahari sa kanila, at dahil dito ang mga ito ay makapangyarihan; at ang mga ito'y higit na marangal kaysa sa atin, dahil tayo ay pinaghahatian ng makamundong naisin, dahilan upang tayo'y napaibaba, mahina at walang kapangyarihan. Kung tayo'y pagpalain at talikuran ang ating sariling naisin at tanggapin ang buhay mula sa Dakilang Kalooban, tayo rin ay magiging malakas, makapangyarihan; tayo'y magiging kapatid ng lahat ng mga nilalang, at hindi lamang sa hindi nila tayo gagambalain, sa halip, hahayayan nila tayong maghari sa kanila, at tayo'y magiging maligaya sa ating panahon at sa magpasawalang- hanggan!
Kayo ba ay masaya? Kaya nga, kumilos agad: pakinggan ninyo ang abang Kaliitan na nagnanais ng inyong kabutihan. At ako'y magiging masaya rin, kapag masasabi ko na, na ang lahat ng aking mga kapatid ay mga Hari at mga Reyna na, dahil lahat at nagtataglay na ng Dakilang Kalooban.
Kaya nga, magpakatatag kayo, tugunin ang aking pagsusumamo.
Oo, ako'y nasasabik na marinig ang inyong sabay-sabay na tinig sa pagtugon, at higit sa lahat, hindi lamang ako ang nananawagan sa inyo, nagsusumamo, kasama ko na nananaghoy, ang tinig na mapagmahal ng Katamis-tamisang Hesus, na kahit umiiyak, ay palaging nagwiwika: "Isabuhay ang aking Kalooban; halina sa Kanyang Kaharian."
Dapat niyong malaman na ang unang nanalangin sa Ama sa kalangitan upang mapasaatin ang Kanyang Kaharian at upang mangyari nawa ang kanyang Kalooban sa langit kapara ng sa lupa, ay ang ating Panginoon, ng kanyang dasalin ang Ama Namin, at pagsasalin sa atin ng kanyang panalangin, siya'y sumasamo sa atin, at nananawagan sa lahat na hilingin nawa natin "sundin ang loob Mo dito sa lupa para ng sa langit".
Kaya nga sa pagdarasal natin ng Ama Namin, si Hesus ay nakapaloob sa naising iyon at nagnanais na ibigay ang kanyang Kaharian, ang kanyang Fiat, siya'y kasama nating nagwiwika: "Aking Ama, ako ang siyang humihiling para sa aking mga anak, nawa'y maganap kaagad ito." Dahil nga si Hesus mismo ang nanguna sa pananalangin, kayo rin, hingin niyo ito sa Ama Namin. Hindi ba ninyo nais ang ganoon na lamang kadakilang biyaya?
Panghuling pananalita.
Nawa'y malaman ninyo na ang munting sanggol na ito, nang makita ang mga pagkabagabag, ang mga delirio at mga luha ni Hesus, ay naghahangad na maialay sa inyo ang kanyang Kaharian, ang kanyang Fiat. Ang sanggol na ito ay dumaranas ng pagkabagabag, maraming buntong-hininga, maraming pagkatuliro, makita lamang kayong lahat sa Kaharian ng Dakilang Kalooban, at lahat ay magiging maligaya, na siya namang magpapangiti kay Hesus; at kung hindi man niya kayo mapalaya sa inyong mga naisin sa pamamagitan ng mga panalangin, ito'y kanyang gagawin sa pamamagitan ng mga luha na kung gaano karami mayroon siya ay ganon din sa inyo.
Kung gayon, pakinggan ninyo ang munting Kaliitang ito, huwag na kayong mag-atubili pa, banggitin ninyo: "siya nawa, siya nawa... kaming lahat ay naghahangad ng paghahari Dakilang Kalooban. Fiat".
Ilan sa mga Panalangin ni Luisa
Sa Iyong Kalooban, ako'y nananahan
Oh aking Hesus, mananahan ako sa Iyong Kalooban hanggang sa ang iyong hininga ay maging aking hininga, upang ako'y huminga kasama ang hininga ng lahat at tugunan ito ng mga halik na tunay na mapagmahal.
Padadaluyin ko ang pintig ng aking puso sa Iyong Kalooban upang sa bawat mga pintig ay sabihing: "Minamahal Kita, Iniibig Kita", at sa aking pagkabighani sa Iyong Kalooban, yayakapin kitang mahigpit ng mga yakap ng lahat. At sa pagkakagapos ng iyong mga braso wala nino man ang sa iyo'y mag-uupasala, at ang lahat sa iyo'y magmamahal, sila sa iyo'y sasamba, magpupuri, at lahat ay tatalima sa Iyong Kalooban.
Ikaw ang aking gabay
O aking katamis-tamisang Hesus, ikulong mo ako sa Iyong Kalooban, hanggang sa ako'y hindi na makakita, hindi na makarinig, hindi makaramdamdam maliban lamang ang Iyong Kalooban, at sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan gawin mong banal, Oh Hesus, ang lahat ng aking mga gawa, upang punuin ang langit at lupa ng buhay na Banal.
O inang Reyna, ikaw nawa'y aking maging gabay, aking tagapagturo at huwag mong hayaan na ako'y gumalay, kahit man lang ang isang buntong-hininga, na wala ang Kalooban ng Diyos.
Tanggapin ang aking kalooban
O aking Hesus, mapasaakin nawa ang Iyong kalooban at kunin ang sa akin, upang ako'y pabanalin ng Iyong Kabanalan, magmahal ng Iyong Pagmamahal, pumintig sa iyong puso, maglakbay sa iyong mga Daan, mabuo sa iyong paghuhubog at sa pamamagitan ng aking mga salita ay mahubog ko ang isang Hesus sa mga puso ng sinumang sa akin ay makikinig.
O inang Reyna, itago mo ako sa ilalim ng iyong balabal, at ako'y ipagtanggol sa lahat.
Isa sa mga panalangin ng Lingkod ng Diyos na kanyang kinagigiliwang ipalaganap sa pamamagitan ng mga munting larawan; ang panalagin ay sariling sulat-kamay na isinulat sa likod ng larawan.
Ikatlong Kabanata
Napagaling na Epeleptika
Si Tiya Rosaria, isinilang noong ika-4 ng Abril 1898, ay ang bunso sa mga supling ng aking lola. Siya ay masasabing ang nag-iisang "sawing-palad" sa pamilya, kung ang pag-uusapan ay ang pagkakaroon ng karamdaman na epelepsis. Maliban dito, dahilan sa isang karaniwang sakuna, tatlo sa kanyang mga daliri sa kanang kamay, ang kalingkingan, ang palasing-singan at ang gitnang daliri, ay naputol.
Ang aking lola, puno ng pag-asa para sa kanyang kagalingan, ay dinala ang aking Tiya kay Luisa sa kanyang tahanan, kung saan isang grupo ng mga batang kababaihan ang nagpupunta upang magpaturo ng pagbuburda. Hiniling niya kay Luisa na isama si Tiya sa kanila, upang sa ganon ay matutunan din niya ang ganoong gawain. Si Tiya Rosaria, noong panahong iyon, ay may siyam na taong gulang lamang, na sa kanyang tindig ay mukhang mas higit pa. Enero ng taong 1907 noon, napakalamig at maulan. Si Luisa ay tanyag na noon sa buong Corato at siya ay tinatawag na ng lahat na Luisa ang Santa. Si Luisa Piccarreta ay hindi lamang isang babaing namumuhay sa kabanalan, na iginagalang ng lahat, siya rin ay isang taong mapagkawang-gawa. Sa katunayan, siya ay nakabuo ng isang eskwelahan ng pagbuburda sa kanyang tahanan, na sa panahong iyon ay nagpalaganap ng malawakang promosyong panlipunan para sa mga kababihan na nagnanais makawala sa isang kalalagayang pangtahanan o pangbukid lamang.
Narito ang salaysay ng kanilang pagtatagpo...
Halos ika-sampu na ng umaga ng dumating ang aking lola at ang aking tiya sa bahay ni Luisa, na natatagpuan sa kalye ng Nazarino Sauro, na kilala sa tawag na kalye ng Ospital. Ang nanay ni Luisa, na mayroon nang katandaan, ang nagbukas ng pintuan, at nagsimula silang magkwentuhan, nagtatanong kung anong mga balita tungkol sa iba naming mga kamag-anakan.
Matapos ang pag-uusap, sinamahan sila ng nanay ni Luisa sa munting silid ng anak, na kasalukuyang nakahiga sa kama habang nagtuturo sa mga batang kababaihang nag-aaral ng pagbuburda.
Si Angelina, ang kapatid ni Luisa, ay naroroon at kanyang hinayaang lumabas muna ang mga kababaihan. Nagdala ng isang mauupan para sa aking lola, at nagsimulang mag-usap ang dalawa.
Narito ang salaysay ng aking tiya: "Ang dalawa ay nag-uusap tungkol sa iba't-ibang mga paksa na hindi ko na masyadong maalala, para silang matalik na magkaibigan hindi nagkita ng matagal. At pagkatapos, hinalikan ng nanay ko si Luisa at saka umalis. Alam kong pinagusapan din nila ako at alam kong pumayag din si Luisa sa kahilingan ng aking nanay. Nang kaming dalawa na lamang ni Luisa, tinitigan niya ako ng isang mapagmahal na titig na waring nagbibigay sa akin ng lakas-loob. Wala sa isip ko ang kahulugan ng mga titig na iyon, at ako ay nanatili sa kanyang tabi ng walang patid sa loob ng apatnapung taon."
Ilang araw pagkatapos, ang aking tiya, walang anu-ano'y inatake ng sakit na epilepsis, kasalukuyan siyang nasa unang bahagi ng kanyang pag- aaral sa pagbuburda. Kailan ma'y hindi naisalsay ng aking Tiya ang pangyayarin iyon, dahil siya'y nahihiya at siyay nananahimik lamang kapag tungkol kay Luisa, at ito'y hindi napag-uusapan sa bahay. Ang pangyayari ay naikuwento lamang sa akin ng aking nanay na napag-alaman lamang niya mula sa isang kaibigan na naroroon noong maganap ang pangyayari.
Nagulat ang lahat nang mga kababaihang naroon ng bigla nalamang bumagsak ang aking tiya, labas ang dila at bumubula ang bibig dahil sa epilepsis. Silang lahat ay nagsipag-alisan habang ang aking tiya ay sinasaklolohan ng kanyang kapatid na si Angelina. Si Luisa naman sa mga oras na iyon ay waring walang pakialam sa mga nangyayari, at patuloy sa kanyang gawain. Isa sa mga bata, sa kabila ng pagkagulat, ay nanatili at siyang nagsalaysay sa mga kaganapan: "Nang makita ni Luisa si Rosaria na nakahandusay sa sahig, tumingala sa langit at nagwika:'Panginoon, dahil kalooban mong siya'y aking makasama, kalooban mo rin na siyay matiwasay.' At siya'y nagpatuloy sa kanyang gawain."
Totoo man o hindi ang panalanging iyon, sa oras din na'yon si Tiya Rosaria ay hindi na kailanman inatake ng kanyang epilepsis. Siya ay umabot sa gulang na walongpu at namatay sa sakit na dyebetis(ayon sa pagsusuri). Ang kanyang sakit ay tumagal lamang ng isa't kalahating araw.
Si Luisa Piccarreta habang nagbabasa ng Banal na Kasulatan
Ang Kampanelo ng Kawalang-Pagkakaisa
Si Tiya Rosaria ay isa sa mga tagapagmay-ari ng lahat ng pag-aari ng pamilya. Subalit ang kalahati ng mga ito ay kanyang tinanggihan, para maibigay para sa amin, na sa panahong iyon ay lubos na mahalaga, dahil kami ay isang malaking pamilya, anim na magkakapatid, at lahat ay nag-aaral. Halos araw-araw siyang naroon sa amin upang makasalo namin sa aming hapag-kainan at para sa kanya, siya ang may tangan ng sitwasyon. Ang mga gawaing-bahay na ginagampanan ng aking Tiya ay napakahalaga para sa aming lahat; tumutulong siya sa kusina, inihahanda ang mesa at tumutulong din siya sa pagsasayos ng lahat bago lumisan.
Ang pagbabahaging ito ng aking Tiya ay lubos na pinahalagahan, dahil ang aking nanay ay isang guro, at kaming lahat ay nag-aaral, kaya napakahirap para sa amin upang gampanan ang lahat ng mga ito sa bahay. Nang lumiban ng mga ilang araw ang aking Tiya sa pagpunta sa amin, ang lahat ay nagkakagulo at nagmamadali. Naaalala ko pa, tuwing dumarating kami mula sa eskwela, si Tiya Rosaria ay laging handa upang yayain kaming maghugas ng kamay at kami'y pinapag-antanda ng krus bago magsimulang kumain.
Magkaminsan nga, kami'y parang naninibago, at kung minsan kami'y bumubulong-bulong, pati na ang aming ina. Ang kanyang mga pamamaraan ay parang mapagmalaki at nanghahamon, waring nais niyang ipahiwatig na siya ang padrona ng tahanan.
Iyon, ay dahil na rin sa kanyang personal na karakter, malakas at walang kinikilingan, dahilan upang mahirap ang maging bukas sa kanya.
Sa harap niya, kaming lahat ay nagkaroon ng pagkahiya, wala ninuman sa bahay ang bumibigkas ng mga salitang hindi tama, at mahirap siyang sumang-ayon sa aming mga naisin; kailanma'y hindi niya kami binigyan ng mga munting regalo o pera. Siya ay sumasang-ayon lamang kapag nais naming mangumpisal at magtungo sa simbahan, lalong-lalo na tuwing serotina na kailanma'y hindi siya lumiliban. Nakasanayan na niyang magpunta sa parokya ng Santa Maria Greca at ang kanyang lugar ay ang kapilya ng Banal na Sakramento, nakaluhod, sa kanyang nakagawiang lugar. Kapag hinahanap namin siya dahil sa mga ibat-ibang mga panggangailangan sa aming pamilya, kung hindi namin siya matagpuan sa bahay ni Luisa, naroroon lamang siya sa kanyang nakagawiang lugar sa simbahan at nakaluhod. Minsan nasabi ko sa kanya: "Hindi ba sumasakit ang mga tuhod mo sa pagluhod?". Nginitian lamang niya ako at hindi sinagot ang aking tanong, sa halip ay kanyang winika: "Sa lugar na iyon lumuluhod si Luisa sa twing dumadalaw siya sa simbahan. At sa lugar din na'yon nakikipagusap si Luisa kay Hesus
Ang pamamaraan ng kanyang mga gawi ay nakaka-asiwa, at dahilan upang magkaminsan may mga mabibigat na mga pananalita ang nabibigkas sa aming bahay. Ang mga pinagmumulan ng hindi pagkakaintidihan, lalong lalo na sa pagitan ng aking tiya at ng aking inay.
Madalas, habang siya'y kumakain, biglaan na lamang itong tatayo, at nagmamadaling isusuot ang kanyang abrigo at saka aalis.
Magkaminsan naman, habang pinag-uusap-usapan ang mga mahahalagang bagay ukol sa pamilya, iibahin niya ang usapan at maglalaho. Sa ganoong pamamaraan, ang lahat ay nananatiling walang masabi, dahil wala naman itong matuwid na kapaliwanagan. Kung kaya't si Tiya Rosaria ay ipinapalagay na isang huwad at hipokrita, at ayon sa aking ina, ito'y dahil sa kanyang pagiging mapagmataas. Ang aking itay lamang ang tanging nagpapakita ng malaking pagtatangi sa kanyang kapatid, hindi siya pumapanig kaninuman at laging pinagpapaumanhinan, na siya namang nagpapagalit sa aking ina na nasasaktan dahil sa hindi pagbibigay halaga sa kanyang mga palagay tungkol sa aking tiya.
Kami namang mga anak ay sumasangayon sa aming ina at ang aming tiya para sa amin ay isang itim na tupa "black sheep" ng pamilya at tampuhan ng aming mga panunukso. Kinakailangan pa ang pamamagitan ng aming inay upang huwag lumabis ang aming pagkutya. Sa kabila ng lahat, ang aking ina'y may malaking pamimitagan para sa aking Tiya Rosaria, at kami'y kanyang pinaalalahanan: "Alalahanin ninyong siya'y isang konsagradong kaluluwa."
Marahil ang bagay na nakakapagpalubag sa amin ay ang araw na susunod, kapag si Tiya Rosaria ay nagbabalik sa bahay, parang walang nangyari at hindi man lang sasagot sa mga paliwanag na hinihiling ng aking inay ukol sa kanyang kilos.
Nang ang aking Tiya ay matanda na at siya'y napag-uukulan ng paghanga ng pamilya, bilang isang pari, ako ay nagtanong sa kanya kung bakit ganoon na lamang ang kanyang mga pagkilos. At kanyang sinabi: "Nais mo ba talagang malaman?" Labis kabang interesado?". "Opo", ang sagot ko.
At siya'y nagsimulang magsalaysay: "Malabis akong nagdusa dahil sa kapos na pang-unawa, subalit lahat ng mga iyon ay bahagi ng mga mabibigat na pagsubok na iniatas sa akin ng Panginoon upang maging karapatdapat na tagapagpangalaga ni Luisa. Maraming oras ang ginugugul ni Luisa sa pananalangin. Nararamdaman ko kung nais ni Luisang mapag-isa kahit wala siyang sinasabi sa akin, tatayo na ako at iiwan ang pagbuburda, kukunin ko mula sa kanya ang kanyang gawain at ilalapag ko sa mesa, at tatawagin ko na rin lahat ng mga nasa silid, at aking isasarado ang tabing ng kanyang kama, at magpapatuloy ang aming gawain sa kanognog na silid. Maraming oras ang lilipas at kapag narinig ko na ang kampanilya, papasok akong mag-isa sa silid ni Luisa, hahawiin ang tabing ng kama upang buksan, isasauli ang kanyang gawain sa tombolo at ang lahat sa kanilang pagpasok na muli ay matatagpuan si Luisa kagaya ng kanilang iwan. Ganoon din sa umaga, kapag ako'y kasalukuyang nakahiga pa sa kama, ako lamang ang nakakarinig ng kampanilya, kung minsan bandang ika-tatlo ng madaling araw. Ang kanyang kapatid na si Angelina, ay madalas bumulong dahil siya'y nagigising kapag nararamdaman niya akong tumatayo. Pumupunta ako sa silid ni Luisa at matatagpuan ko siya na parang isang bangkay, hindi kumikilos. Iaayos ko ang kanyang mga buhok at ang mga unan na malimit kong matagpuang nasa sahig. Ang kanyang mga unan, tatlong lahat, ay inilalagay sa likod ng balikat ni Luisa, na kaylan may ay hindi naman niya ginagamit upang sandalan, kundi upang punuan lamang ang bakanteng espasyo sa pagitan niya at ang ulunan ng kanyang kama. Kapag naihanda ko na si Luisa, isasaayos ko na ang altar para sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Kapag dumating na ang pari para sa pagdiriwang, siya lamang ang aking papasokin sa silid. Igagawad niya ang tanda ng Krus sa katawan ni Luisa at panunumbalikin si Luisa, buhay na buhay, kagaya ng dati. At saka pa lamang papasok ang lahat para sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa pagdiriwang na Misa si Luisa ay parang nasa ekstasi, puno ng debosyon, tumutugon sa wikang Latin ng walang mali. Matapos ang komunyon, ang lahat ay lalabas, habang si Luisa ay mapapaloob sa isang mahaba at mataimtim na pasasalamat na tumatagal ng mga ilang oras. Sa bandang ika-siyam ng umaga maririnig ang bagting ng kanyang kampanilya, at kaming lahat ay papasok na sa kanyang silid upang simulan ang gawain sa pagbuburda ng tombolo. Sa tabi ni Luisa ako nagtatrabaho at iisa ang gamit naming ikiran, iisang sinulid at mga aspile, at iwinawasto ko ang mga gawa ni Luisa kapag ito'y nakakalag, at wala siyang lakas upang hilahin ang mga sinulid dahil sa sakit na raramdaman sa kanyang mga kamay, dulot ng mga estigmata niya."
At sa puntong iyon, ako'y sumabat: "Subalit, kailanma'y hindi ko nakita ang mga estigmata sa kanyang mga kamay!".
Ang tugon niya'y: "Oo, dahil ang mga ito'y nasasaloob, at tanging ako lamang at iilang tao ang nakakakita ng mga iyon. At ilan sa kanila ay ang mga Confessor at ang mga magkakapatid na Cimadomo, at sa palagay ko ang kanyang pamangkin na si Giuseppina. Sa katunayan, kung tatangnan ang kamay ni Luisa at ihaharap sa araw, naaninag ang butas sa loob. Kadalasan, kapag ako'y pumapasok sa kanyang silid sa gabi, natatagpuan ko na lamang itong duguan; mula sa mga paa at mga kamay, at sa kanyang tagiliran ay umaagos ang dugo, sapat para mababad sa dugo ang kanyang mga kasuotan pati na ang kanyang higaan. Minsan ang mga dugo ay umaabot pa hanggang sa sahig. Hindi lamang ang kanyang katawan, pati na ang kanyang ulo at mukha ay puno ng dugo: waring isang napako sa krus. Noong una ako ay lubos na nagulat at akala ko'y patay na si Luisa dahil sa dami ng dugong nawala, at ako'y tumakbo upang kumuha ng mga tuwalya upang siya'y linisan, subalit sa aking pagbabalik ay matatagpuan ko na siyang malinis, maliban lamang ang kumot. Ang lahat ay naglaho. Ang ganitong penomeno ay nagaganap dalawa o tatlong beses sa isang taon".
"Subalit, kagaya ng iyong nasabi, kailan ma'y hindi mo ito isinalaysay ang mga pangyayaring ito?"
"Hindi - tugon niya sa akin -, tanging si Don Benedetto Calvi ang pinagsabihan ko ng mga ito. At ako'y kanyang mariing pinagbawalang ikuwento ang ganitong kaganapan at sa katunayan, nasabi niya sa akin na maaaring ako'y pagkakaitan ng absolusyon, kung sakaling ako'y magkamaling magkwento sa iba. Ngayon tanging ikaw lamang ang nakakaalam nito, umaasa akong hindi mapapasamá si Luisa."
At siya'y nanahimik ng sandali at saka nagpatuloy : "Nakikiusap ako sa iyong huwag mong ipagsabí ang penomenong ito."
At ito'y nagpahiwatig sa akin na parang nagsisisi siya na nasabi niya sa akin ang mga ito. Sa katunayan, iyon ang unang pagkakataon na naisalaysay sa'kin ang mga iyon.
Isa ito sa mga napakaraming penomeno ukol sa buhay ni Luisa na hindi pang di-kilala.
Matapos ang mahabang pananahimik, nagputuloy ang aking tiya: "Ang lahat ng mga gawain ni Luisa ay para sa simbahan lamang, naggagansilyo siya ng mga mantel ng altar, at mga kasuutan ng pari. Magkaminsan, dahil sa mga kahilingan, gumagawa siya ng mga mantel ng kama para sa mga bagong kasal. Si Luisa ay may mababang-loob para sa ikabubuti at para sa kabanalan ng pamilya at maraming mga bagong mag-asawa ang nagpupunta sa kanya upang humingi ng mga payo. Gaano karaming mga kabutihan ang kanyang nagawa para sa kanila, at gaano karaming mga pamilya ang kanyang naiiwas sa pagkawasak! Ako'y lumalabas ng bahay sa tuwing nagkukulong si Luisa upang manalangin at sa pagbabalik ko, mga ilang sandali lamang ay maririnig ko ang kampanilya, at dahil dito'y napapanatag ang aking loob. Kapag ako'y umaalis ng mga ilang araw, humahalinhin ang pamangkin na si Giuseppina. Subalit magkaminsan, kahit nasa malayo ako, nasa bahay o nasa simbahan, o kaya sa bahay ng mga kaibigan, naririnig ko ang batingting ng kampanilya, ang lahat ay mamadaliin ko o kaya'y puputulin ko, kahit na nasa hapag-kainan, at ako'y nagmamadaling pupunta sa bahay ni Luisa. Dahilan upang ang aking pamamaraan ng pagkilos ay ipinalalagay na hindi pangkaraniwan, hindi lamang ng pamilya, pati na ang mga ibang tao. Hindi ako nakakapagpaliwanag, dahil tanging ako lamang ang nakaririnig sa bagting ng kampanilya, at kung ito'y aking sasabihin sa iba, mapagkakamalan akong isang baliw o kaya'y nakakakita ng mga pangitain, kaya ako'y nanahimik na lamang at kung ako'y hinihingan ng paliwanag ukol sa aking pagkilos ay humahanap ako ng paraan upang mabago ang usapan, nagkukunwaring hindi ko narinig. Ang lahat ng ito'y nagdudulot sa akin ng malaking pagdurusa. Maraming pagkakataon, matapos akong tumakbo at pagod na pagod, natatagpuan ko si Luisang kasalukuyan pa ring nananalangin."
At tinanong ko siya: "At sino naman ang nagpapatunog na kampanilya?"
"Tungkol dito, hindi ko alam", sagot niya.
At si Luisa, ano naman ang sinasabi niya?
"Wala."
"Ano naman ang ginagawa mo?"
"Lumuluhod ako sa tabi ng kanyang kama at nananalangin."
"Wala ka bang napapansin kapag si Luisa ay nanalangin? Totoo ba ang sinasabi tunkol kay Luisa na madalas siyang natatagpuang naka-angat sa lupa?
"Tungkol dito, hindi ako maaaring magsalita, palagi akong pinagbabawalang ni Luisang ipagsabi ito. Tanging ang confessor niya ang nakakaalam ng lahat at siya rin ang lagakan ng lahat ng dipangkaraniwang mga penomena. Sa ganang kanya, si Luisa ay nagkukunwaring parang wala, ni magwika man lang ng isang salita. Ang lahat ay dapat mapasailalim sa kapangyarihan ng pari at siya lamang ang maaaring magsabi kung marapat na ipagsabi ang isang penomena. Walang ginagawa o isinusulat si Luisa na walang pahintulot ang kanyang confessor, siya ay ganap na napapasailalim sa kapangyarihan ng simbahan, na walang dapat makaalam o maisulat at maisiwalat ng walang pahintulot ang simbahan. Sa ganitong paraan lamang maaating malaman ang lahat tungkol kay Luisa; at lahat ay naitala sa kanyang mga sulatin.
At naidagdag ko: "Subalit hindi lahat tungkol sa kanyang buhay ay maaaring mailagay sa kanyang mga sulatin, dahil napakalawak ang saklaw ng kanyang buhay.
"Tama ka - ang sagot niya -, maaari pa akong magsalaysay ng mga bagay na sinuman ay walang nakaaalam."
"At bakit hindi ka mangahas magsalita?". "Kung ninais ni Luisang ipaalam ang mga ito, disin sana'y kanyang isinulat o kaya'y pinayagan siya ng Simbahan na ito'y kanyang maisulat; maliwanag lamang na ilan sa mga penomena, na kung saan ako at iba pang mga tao ay naging saksi, ay hindi makabuluhan para sa ikapagpapabanal ng mga kaluluwa. Pinahintulutan ng Panginoon na maipaalam ang lahat ng mga bagay na makabuluhan para Simbahan at mga kaluluwa, ang ibapa ay walang silbi. Ang pagsasalita tunkol dito, para sa'kin ay isang paglapastangan sa ugnayang namamagitan sa Diyos at ni Luisa, hindi mauunawaan ng mga tao ang mga ito. Ang mensahe na iniwan ni Luisa ay lampas at higit pa sa kanyang pagkatao. Nais ni Luisa na tanging ang Diyos lamang ang magkamit ng parangal at papuri, at ang kanyang sarili ay marapat lang na maglaho hanggang sa mawala, dahil dito nais niya ang mapag-isa sa kapanglawan, ang katahimikan, at nagagambala ang kanyang kalooban sa t'wing napapansin niya na siya'y pinag-uukulan ng pagsamba ng mga tao, dahil itinuturing niya ang sarili bilang isang dukhang maysakit, at nangangailangan ng lahat. Lubosan kong nalalamano at ng ibapa, na hindi nangangailang ng ano pa man si Luisa, at kami'y marapat lamang na pangalagaan ang kanyang misteryo. Maraming pagkakataon naming natatagpuan, sa umaga, si Luisa na nakaayos na ng sarili at ang altar ay handa para sa pagdiriwang ng Banal na Misa, at ang kandila ay nagniningas na.
"Paanong mangyayari ang ganito, kung si Luisa ay hindi man lang tumapak sa sahig sa loob ng halos pitumpung taon?" Nakatitiyak ka ba sa sinasabi mo?"
"Nakatitiyak ako! Dahil ako lamang ang pumapasok sa silid niya."
"Hindi ka man lang humingi ng paliwanag?"
"Inisip ko na ang mga Anghel ang mga Anghel ang nagsisilbi sa kanya, lalong-lalo na ang kanyang Anghel na Tanod, na kung kanino siya malabis na deboto. Malimit kong natatagpuan ang silid na humahalimuyak sa bango."
"Naaamoy rin ba ng iba ang ganitong pabango?"
"Oo, lahat nang dumadalo sa Banal na Misa. Tanda ko pa minsan, nang si Padre Cataldo De Benedictis ay nagdiwang ng Banal na Misa dahil wala ang kanyang confessor, nabangit niya sa'kin: huwag kayong maglagay ng pabango sa silid, kung hindi lalabas akong masakit ang ulo. Tiniyak ko sa kanya na wala ninuman ang naglagay ng pabango, subalit hindi siya naniwala sa'kin."
"Totoo bang iniluluwa niyang lahat ang anumang kainin niya?"
"Oo. Subalit alam ng lahat ang penomenong ito, dahil minarapat ni Luisa na mabuhay lamang sa Kalooban ng Diyos. Subalit marami ang hindi naniwala, at iniisip ng iba na mayroon din siyang nalulunok".
"Ang katotohanang ito ay hindi lang minsan kong nasaksihan, twing pumupunta ako sa bahay ni Luisa upang makipagkita sa'yo"
"At ngayon ano pa ang gusto mong malaman? Maraming mga pagkain ang nangasira at noong panahong iyon, alam mong napakaraming kahirapan. Ito ay ipinaalala ko rin kay Luisa, kahit na ang kanyang pagkain ay napaka-kaunti na sapat na para sa isang sanggol. At ang kanyang tugon ay: Dapat tayong tumalima" Sa katunayan, tungkol sa penomenong ito, ang kanyang confessor ay napakahigpit at hindi matinag. Minsan mahigpit akong pinagutusan ng confessor: Dapat siyang kumain araw-araw at alam dapat ng lahat kung talagang siya'y kumakain, kung hindi lalagyan ng tanod ang kanyang pintuan kagaya ng ginawa nila kay Teresa Neumann, kasama ang lahat ng ingay ng mga pahayagan".
"Subalit umiinom ba siya ng tubig o anumang inumin?"
"Ni minsan ay hindi ko siya binigyan ng tubig para mainom; tanging katas ng mapait na almendras, na dinadala para sa kanya ng mga Cimadomo. Minsan, kahit ang kanyang kapatid na si Isa, ang siyang naghahanda ng katas nito, na kanyang hinihingi ang mga almendras sa kanyang Tiya Nunzia"
"Di'ba may lason ang mapait na almendras? At sa kalaonan, di'ba nakakasama sa kalusugan ito?"
"Hindi ko alam, subalit natitiyak ko, at sa aking konsensiya sigurado akong, ito lamang ang inuming hindi niya iniluluwa."
"Inaasukalan man lang ba ito?"
"Hindi - ang tugon sa'kin -, sa ngayon tama na, nasabi ko na ang lahat ng maaari kong sabihin na alam na rin ng lahat."
"Subalit marami pa akong nais malaman."
"Hindi! Iyan ay isa lamang pag-uusyoso, kung ito ay nais ni Luisa, marami akong maaaring sabihin sa iyo at saka ako pa ang tatawag sa'yo."
Hanggang doon na lamang ang aking pakikipag-usap kay Tiya Rosaria. Ika-5 ng Oktobre noon, taon 1970.
Isang Ganap ng Tagaburda
Si Tiya Rosaria, sa kabila ng kapansanang dulot ng pakakaputol ng kanyang mga daliri sa kamay, sa pagkamangha ng lahat, ay naging isang ganap na mahusay sa pagbuburda ng tombolo. Ang mga gawa ni Luisa ay kanyang isinasaayos, at siya'y naging maestra ng lahat ng mga batang kababaihan na dumadalo sa pag-aaral ng pagbuburda. Bukod pa roon, ang kanyang paglilingkod ay hindi maaaring mawala, sa katunayan, nang maulila na si Luisa, siya ang naging tagapamahala ng kanyang tahanan. Siya ang tumatanggap at nagpapasya sa mga kontrata ng mga patrabaho. Subalit, hindi pinaaalam kaninuman kung alin ang mga binurda ni Luisa, dahil ayaw ng Lingkod ng Diyos na ang kanyang mga trabaho ay maging tuunan ng pansin at paghanga. Nang sumakabilang buhay na si Luisa, ang trabaho sa pagbuburda ay hindi natigil, dahil pinanatiling buhay ni Tiya Rosaria ang tradisyon ng pagbuburda, na itinaguyod at pinalago ng Pamilya Piccarreta. Kung paanong naging ganap na tagaburda di Tiya Rosaria, itoy ipinalalagay ng mga tao na isang patuloy na milagro. Ang kanyang pisikal na kapansanan ay sagabal sa pagtatrabaho sa maseselan na gawaing pagbuburda. Para sa mga gawaing na maaring magkahalaga ng milyong lira - trabahong tumatagal ng taon - ay ibinibigay lamang sa napakababang halaga. Dahil dito, kaming mga pamangkin ay nagrereklamo sa aming Tiya at sasabihan lang kami na: "Ang pera ay hindi mahalaga, ang mahalaga ay ang mabuhay." Nagsalaysay si Tiya Rosaria na mariing ipinagbabawal ni Liusa ang pagtanggap ng salapi, anuman ang pakay nito, lalong-lalo na ang handog. Kung sakaling may makarating man sa pamamagitan ng koreo, ang mga ito ay agarang ipinababalik sa may padala. Nasabi ni Luisa na, para sa kanya, ang lahat ng kanyang pag-aari sa kasalukuyan ay labis na at wala na siyang kailangan pa. Ang kaunting pera na mayroon siya, bunga ng kanyang pagtatrabaho, ay sapat na para sa ikabubuhay ng Tiya Rosaria at ni Angelina, ang kapitid ni Luisa. Tunay na katangi-tangi ang tugon na winika ng Lingkod ng Diyos kay Beato Annibale, nang ninais niyang ibigay ang karapatan ng may-akda para sa mga nailathalang mga aklat: "Ako ay walang ano pa mang karapatan - an'ya, habang tinatangihan ang salaping inihahandog ng Beato-, dahil ang lahat ng mga naisulat ay hindi naman sa'kin".
Ang mahiwagang mga sugat
Taong 1940, ang aking Tiya Rosaria, isang babaing makisig, malusog, walang anumang dumarating na sakit, ay nagsimulang magkaroon ng mga sugat, na sa kalaunan ay lalong lumalaki at nagnanaknak. At kapansin-pansin ang dalawang sugat na malalaki, parang dalawang namimintog na pigsa, natatagpuan sa ilalim ng kanyang bàba. At ang mga ito'y halos walang patid na naglalabas ng naknak, minsa'y tumutulo pa sa kanyang pinggan habang siya'y kumakain. Nakaramdam ako ng pagkatakot, t'wing nagaganap ang ganitonng dikanais-nais na sitwasyon, at humahanap ako ng dahilan upang makalayo sa kainan. Subalit, upang hindi na madagdagan pa ang aming pagiging di-mapakali, tinatanganan ako ni inay sa kamay, minsa'y kinukurot pa niya ako. Bilang kasamang tagapagmay-ari ng mga ari-arian ng pamilya, si Tiya Rosaria ay madalas magpunta sa amin upang makisalo sa pagkain. Ang kanyang mga sugat na kalat sa buo niyang katawan, lalo na sa kanyang dibdib at mga balikat, ay buong pag-aarugang ginagamot ng aking inay, at kanyang pinagbilinan ang Tiya Rosaria na pumunta sa Bari at magpatingin sa isang dalubhasa. Subalit isang araw, sa hapagkainan, ay nakita nalamang namin siyang lubosan ng magaling. Ang lahat ay natigilan sa pagkamangha. Sa katunayan, sa lugar ng dating mga sugat ay mga maliit na peklat na lamang ang matatagpuan. Wala ni ano mang kuru-kuro; nang makaalis na ang aking tiya at saka pa lamang nagsalita ang aking itay, ipinaalala ang mga bago at lumang kaganapan: "Ched femn c fatt'vdai caus nov" (Ang babaeng iyon laging nagpapakita ng mga bagong bagay), si Luisa ang kanyang tinutukoy. Kahit na ang aking itay ay tumatanaw ng isang malaking katapatan para kay Luisa ang Santa, at sa huling sandali ng kanyang buhay ay nais niyang ilagay sa kanyang dibdib ang kanyang kamisa. Ang kamisa na siyang isinuot ng aking ina ng siya sumakabilang buhay.
Ano naman ang nangyari sa aking Tiya?
Narito ang kanyang mga salaysay, na naganap noong minsang ako'y bumisita. Ako noon ay isang bise-paroko ng kumbento ng Barletta.
Sa pagpupumilit ng aking inay, ang aking Tiya ay nagpunta sa Bari upang magpatingin sa isang dermatologo, At ang resulta ng pagsusuri ay nakakagimbal. "Mahal kong ginang - ang sabi ng doktor - ang mga ito ay mga sugat na dulot ng isang kanser na palala ng palala at itoy kakalat sa buong katawan. Ito ay isang uri ng ketong, at ang inyoy hindi pangkaraniwan." Hindi lubos maisip ang kalalagayan ng aking Tiya, ng marinig ang mga salitang binigkas. Matapos ang ilang oras na paglilibot sa Bari, umiwi na siya sa bahay ni Luisa, gabì na noon. Si Tiya Rosaria ay nagkipag-usap kay Luisa ang Lingkod ng Diyos, at inihinga ang isinasama ng loob niya: "Ako'y laging nasa piling mo at hinahayaan mong mangyari ang ganito? Wala akong mga anak na maaaring mag-aruga sa'kin". Hinayaan lang siya ni Luisa na magsalita, at pagkatapos ay nagwika: "Rosaria, Rosaria...pinuntahan mong lahat ang mga doktor at nakaligtaan mo ang natatanging maaaring makapagpagaling". Nang marinig ng aking Tiya ang ganitong mga kataga, agad niyang kinuha ang mga gamot, ang mga gasa at mga bulak as saka inihagis sa balkonahe (ang lahat ng mga ito'y naganap sa bahay nila sa kalye Maddalena, kung saan sa kasalukuyan sila ay nakatira). At nagwika: "Mula ngayon ako'y magtitiwala sa panginoon at sa iyong mga panalangin". Bago matulog si Luisa, siya ay tinawag ni Luisa at pinaluhod sa tabi ng kanyang higaan at sabay silang nanalangin, tumagal ang mga panalanging iyon. At pagkatapos, saka pa lamang siya natutulog. Nahiga siya sa isang kama katabi si Angelina. Nang gabi ding iyon, gumaling ang lahat ng mga sugat sa katawan ng aking tiya. Kinaumagahan, nang magising siya natuklasan na lamang niya na ang mga sugat ay nangatuyong lahat, at ang mga ito'y natatakpan lamang ng manipis na balat, na sa araw ay naaalis lahat: lubusan na siyang gumaling. Kumalat ang balita tungkol sa milagro, subalit walang hayagang nagsasalita ukol dito, dahil sa alam na ng lahat na ito'y mula kay Luisa. Hindi nais ni Luisa na ang mga nasabing penomeno ay matuon sa kanya. "Wala akong kakayahan upang gumawa ng mga kababalaghan, tanging ang Panginoon lamang ang maygawa noon", ayon sa kanya. Dahil doon, anumang mga kaganapang hindi pangkaraniwan na napatunayang mula sa pamamagitan niya ay hindi ipinamamalita, ang mga ito'y tahimik na lamang na kumakalat.
Ang Banal na si Padre Pio, Luisa Piccarreta at Rosaria Bucci
Sina Luisa Piccarreta at ang Banal na si Padre Pio na taga-Pietrelcina ay magkakilala sa magkaibang panahon kahit na hindi pa sila nagkakatagpo kailanman, sa kadahilanang si Luisa ay laging naka-upo sa kanyang kama at si Padre Pio naman ay nakakulong sa kumbento ng mga Paring Kapuchino ng San Giovanni Rotondo.
Isang katanungan ang kusang lumabas, paanong sila'y naging magkakilala?
Mahirap malaman; isa lamang ang tiyak - na silang dalawa ay magkakilala at sila'y may pagpipitagan sa isa't isa.
Isinalaysay ng aking Tiya na si Luisa kung magkwento tungkol kay Padre Pio, ay puno ng paggalang at pagpipitagan, at tinukoy na: "isang maka-Diyos", at kailang pang magdusa ng marami para sa kabutihan ng mga tao.
Taong 1930, dumating sa tahanan ni Luisa ang isang taong isinugo mismo ni Padre Pio. Siya ay si Federico Abresch, isang taong nanumbalik sa Diyos sa pamamagitan ni Padre Pio. Si Ginoong Federico Abresch ay matagal na nakipag- usap kay Luisa. Kung ano man ang kanilang mga napag-usapan ay walang nakakaalam, at isa lamang ang tiyak, na si Ginoong Federico ay naging linkod ng "Kalooban ng Diyos", at naging paulit-ulit ang pagdalaw niya kay Luisa, at ang kanilang pag-uusap ay tumatagal.
Nang ang kanyang anak ay tumanggap ng Komunyon sa unang pagkakataon, sa mga kamay ni Padre Pio, siyay agad ding dinala kay Luisa. Siya ay hinulaan ni Luisa na siya'y magiging isang pari.
Ang batang ito ngayon ay isa nang ganap na pari. Siya ay nasa Roma, sa Kongregasyon ng mga Obispo, at siya'y kilala sa pangalang mons. Pio Abresch.
Nang si Luisa ay mahusgahan ng Simbahan at ang kanyang mga isinulat ay maitala sa indisi, si Padre Pio ay nagpadala sa kanya na isang mensahe sa pamamagitan ni Federico Abresch: "Mahal kong Luisa, ang mga banal ay naglilingkod para sa ikabubuti ng mga tao, subalit ang kanilang mga pagdudurusa, kailanma'y walang hangganan". Sa mga panahong iyon si Padre Pio ay nasa masalimoot na kalagayan.
Maraming mga tao ang isinusugo ni Padre Pio kay Luisa Piccarreta at pinagsabihan ang mga taga-Corato na nagpupunta sa San Giovanni Rotondo: "Bakit kayo nagpupunta dito, si Luisa sa nasasainyo, sa kanya kayo magtungo".
Ang mga habilin ni Padre Pio sa iba niyang mga mananampalataya (isa na rito si Federico Abresch) ay magtayo sa San Giovanni Rotondo ng isang sentro ng Espirituwalidad ayon sa inspirasyon ng Linkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta.
Ang naging tagapagtaguyod ng naisin ni Padre Pio noong panahong iyon ay si Binibining Pallotti Adriana (itinuturing na espirtuwal na anak ni Padre Pio). Itinayo niya ang Casa di Divin Volere sa San Giovanni Rotonda, upang panatiliing buhay ang ningas ng mga simulain ni Padre Pio. Ipinahayag ni Bb. Adriana Pallotti na si Padre Pio ang naghikayat sa kanya upang itaguyod ang espirituwalidad ni Luisa Piccarreta sa San Giovanni Rotondo at upang mag- ambag para sa ikalalaganap ng Divin Volere (Banal na Kalooban) sa buong mondo, kagaya ng nais mangyari ni Padre Pio.
Si Tiya Rosaria ay madalas magpunta sa San Giovanni Rotonda, lalong lalo na matapos ang pagkamatay ni Luisa. Kilalang-kilala siya ni Padre Pio, nang si Luisa ay nabubuhay pa, t'wing nagkikita si Tiya Rosaria at si Padre Pio, siya ay tinatanong: "Rosa, kumusta si Luisa?"
At tutugunan naman ni Tiya Rosaria: "Mabuti naman siya".
Matapos ang pagkamatay ni Luisa, lalong dumalas ang pagpunta ni Tiya Rosaria sa San Giovanni Rotondo upang humingi ng kaliwanagan at mga payo mula kay Padre Pio.
Si Tiya Luisa ay ang nag-iisang ilawang nagniningas upang malutas ang kaso si Luisa Piccarreta ukol sa hatol ng Banal na Opisyo, madalas siyang magtungo at makipagkita sa iba't ibang mga persona ng simbahan at humaharap siya pati na sa Kongregasyon ng Banal na Opisyo. Minsan ay napasuot - hindi ko alam kung paano - sa opisina na Cardinal Prefect Ottaviani, na nakinig sa kanya ng buong kabaitan, at nangakong bibigynag pansin ang kaso.
Sa katunayan, ilang araw pagkatapos, si Tiya Rosaria ay ipinatawag ni mons. Addazi, arsobispo ng Trani, at siya sinabihan: "Binibini, hindi ko alam kung kita'y susuatan o hahangaan dahil sa iyong lakas ng loob. Hinarap mo ang bibig ng Simbahan, ang dakilang tagapagtanggol ng pananampalataya, at hindi ka man lamang nakagat".
Ang naging konklusyon ay nabigyan ng pahintulot na madala ang mga labì ni Luisa mula sa simenteryo sa simbahan ng Santa Maria Greca.
Nasabi ni Luisa sa aking Tiya Rosaria: "Ikaw ang aking magiging saksi" at isang araw ay nasabi ni Padre Pio kay Tiya Rosaria sa kanyang sariling wikang Benevento: "Rosa, va nanz, na nanz ca Luisa ie gran e u munn sara chin di Luisa" (Rosaria, magpatuloy ka, magpatuloy ka upang si Luisa ay lumaganap sa mundo).
Madalas maisalaysay ng aking Tiya ang pangyayaring ito, subalit humahantong sa hindi maganda: inaakala ng lahat na nag-uulyanin na si Luisa.
Matapos ang pagkamatay ni Padre Pio, isang araw ay nagsabi ng aking Tiya: "Si Padre Pio ay nagpahayag na si Luisa ay makikilala sa buong mundo". At kanyang inuulit-ulit ang mga katagang ito ni Padre Pio sa sariling wika.
Naisagot ko, na ang tugon sa kaso ni Luisa Piccarreta ay hindi madali. Sa katunayan, kahit na sa Corato hindi na pinag-uusapan ang mga iyon, at ang mga kataga ni Padre Pio ay ipinalalagay na isang pampalubag-loob lamang. Subalit, ipinagdidiinan ni Tiya Rosaria: "Hindi! Nabangit minsan ni Padre Pio sa akin habang ako"y nangungumpisal, na si Luisa ay hindi gawa-gawa lamang ng tao, ang tungkol kay Luisa ay kagagawan ng Diyos, at siya mismo ang maghahayag nito. Ang buong mondo ay mamamangha sa kanyang kadakilaan; hindi lilipas ang maraming taon at magaganap ang lahat ng ito. Ang bagong milenyo ang magiging saksi sa kaningningan ni Luisa".
Ako ay napatulala sa pagkarinig ng kanyang pagpapatunay at akoy tinanong ni Tiya: "Ikaw, naniniwala ka ba kay Luisa?".
At sinabi kong akoy naniniwala.
At noon diy sinabi niya: "Pagkalipas ng ilang araw ay magtungo ka sa bahay dahil may mahalagang bagay akong sasabihin sayo".
Taon ng 70 noon at si Padre Pio ay pumanaw noong taon ding nasabi.
Ang Lihim ni Tiya Rosaria
Taong 1975, ika-2 ng Pebrero - naaalala ko pa, na itoy isang araw na napakalamig - akoy ipinatawag ni Tiya sa kanyang tinitirhan. Siya ay matanda na at nagsisimula nang magkaproblema sa kanyang mga mata, sanhi ng kanyang diyabetis. Ang aking dalawang pamangkin, sina Vincenzo at Sara, ang nagpupunta sa kanyang tahanan upang samahan siya.
Nadatnan ko siyang naka-upo sa tapat ng bintana habang nagdarasal ng Rosaryo.
Umupo ako sa kanyang tabi at, matapos ko siyang batiin, tinanong ko siya kung ano ang mahalagang bagay na nais niyang sabihin sa akin.
Tinitigan niya ako at sinabi: "Ang sasabihin ko sayo ngayon ay lubos na mahalaga. Sikapin mong gamitin ito ng mabuti at hinihiling kong pagnilayan ang mga dakilang gawa ng Panginoon na inihandog niya sa atin sa pamamagitan ni Luisa, isang nilalang na mahalaga sa paningin ng Diyos at istrumento ng kanyang walang hanggang awa. Mahirap nang makakita ng isang pusong ganoon na lamang kahalaga at kadakila. Si Luisa ay nanaig sa kanyang sariling pagkatao, at itoy maaring mong pagmuni-munian sa pamamagitan lamang ng misteryo ng Diyos. Si Maria ang siyang naging tagapagdala ng Kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Fiat , at siyay pinagyaman ng Panginoon ng ganoon na lamang kadakilang karangalan bilang Ina ng Diyos. Si Maria ay Ina ng Diyos at walang nilalang ang maaaring makapantay sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan, Pagkatapos ng Diyos, siya lamang ang nagpahayag ng mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Matapos ang Ina ng Diyos, ay si Luisa ang nagdala ng ikatlong Fiat ang Fiat ng Pagpapabanal.
Ang mga itoy kanyang sinabi ng malumanay at ang bawat kataga ay maliwanag, at siyay lubos na tiyak sa kanyang mga pahayag. Ako ay napatulala sa kanyang mga pagpapahayag.
"Dinggin mo kung bakit si Luisa ay nanatiling nakapako sa isang kama at bawat araw ay isang pag-aalay sa Dakilang Diyos bilang pagtubos ng kasalanan, isang handog sa Kabanal-banalang Kalooban ng Diyos- pagpapatuloy niya. Ang nilalang na ito ay lubos na naging kaakit-akit sa Diyos at ganoon na lamang ang kanyang paninibugho at dahil dito siyay kanyang iwinalay sa sangkatauhan, at ipinagkatiwala lamang sa kanyang Simbahan, upang kanyang mabantayan at sa makataong pamamaraan siyay hubugin sa pamamagitan ng mga penitensiya at mga di-pagkaunawa sa kanya. Ang aking si Luisa ay walang ibang alam na makakapagpalubag sa kanyang kalooban, maliban lamang sa Diyos, at kahit na ang kanyang katawan ay laging nakabitin sa pagitan ng lupa at langit, ang mundo at ang kanyang buhay dito sa lupa ay patuloy na kabalintunaan sa harap ng mga pangkaraniwang buhay ng tao. Maging ang kanyang pisikal na kalalagayan ay marapat lamang na mula sa Diyos".
At pagkatapos, siyay nagtapat sakin: "Isang araw nasabi ng Panginoon kay Luisa: Ang lahat ng mga nakakita sa iyo at nakakilala, silang lahat ay maliligtas."
Mahal kong Peppino, ito ay isang handog na di-pangkaraniwan mula sa Diyos at nanatiling nakatago sa katahimikan dahil sa hindi ninais ni Luisa na itoy mailahad sa madla, kung hindi ay magiging tuunan ng pag-uusisa ang kanyang pagkatao o kaya namay, pagsamba, na ayon sa kanya, siyay walang karapatan. Tanging ang confessor, isang araw, ang nagsabi sa akin na maaari ko nang ihayag ang mga ito, subalit nang may pag-iingat. At ngayon, isinasalaysay ko sa iyo ang mga ito, at lubos akong umaasa na gagamitin mong mabuti".
Ang araw na iyon ay napuno ng hiwaga mula sa mga katagang ginamit ni Tiya Rosaria, kung saan nagpahayag siya ng mga konseptong teolohikal sa perpektong pamamaraan, na inilahad sa pamamaraan ng isang makata.
Ang mga talaan, sa di-inaasahang pangyayari, ay nangawalang lahat, at akoy umasa na lamang sa mga naaalala ko upang makapagsulat.
Dahil sa kanyang pagkamatay, halos biglaan, akoy nawalan ng pagkakataon upang humingi ng iba pang mga salaysay at liwanaging mabuti ang kanyang mga ipinagtapat sa akin.
Pumanaw si Tiya Rosaria noong taon 1978.
Ika-apat na Kabanata
Si Annibale Maria di Fracia at Si Luisa Piccarreta
Madalas magsalaysay si Tiya Rosaria ukol kay Blessed Annibale Maria Di Francia, ang tagapagtaguyod ng Rogationist at ang mga Sisters of Divine Zeal.
Nagkukwento siya tunkol kay Beato Annibale na para bang siyay isang malapit na kakilala at siyay tinatawag niyang P. Francia. Lubos akong interesado sa kanyang pagkatao, at akoy maraming ulit na nagtanong sa mga Rogationist Fathers kung sa kanilang Arkibyo ay may mga natala ukol sa ugnayan na namagitan kina Luisa at ni Beato Annibale. Nagtungo rin ako sa San Antonio Institute ng Corato, ang bahay na personal na ninais ni Beato Annibale, na may tiyak na layuning dalhin si Luisa doon kasama ang mga madre.
Nasabi ng aking Tiya na naisip ni P. Annibale na dalhin si Luisa sa Institusyon ng mga madre na binuksan sa Trani, subalit ipinaliwanag sa kanya ni Luisa na nais ng Panginoon na manatili siya sa Corato. Ang balak ni P. Annibale ay natupad lamang noong 1928, matapos ang kanyang banal na kamatayan.
Si Annibale Di Francia ay di-permanenteng confessor ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta at siya rin ang naglimbag ng kanyang mga isinulat. Si Blessed Annibale ay kabilang sa hanay ng mga paring nagtayo ng Simbahan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang kabanalan at kanilang mga gawa, na naisakatuparan sa panig ng mga ulila, mga kabataang napabayaan. Ang mga gawa nila ay naging isang dakilang handog sa buong Italya at sa Simbahan, sa panahon na kung saan ang anti-clericalismo ay nagpupunyagi.
Sa mga kataga ni Tiya Rosaria si Blessed Annibale ay lubos na ipinapipitagan ni San Pio X, at siyay madalas makipagkita sa kanya ng personal. At parang si San Pio X ay nagpakita rin ng pagbibigay halaga para kay Luisa Piccarreta: sa kanya ipinagkatiwala ni Blessed Annibale ang mga sulatin ni Luisa bago ito mailimbag.
Inihayag ni Tiya Rosaria na matapos mabasa ang ilan sa mga sulatin ni Luisa, lalo na ang tanyag na Pasyon ng Panginoong, na nailimbag sa pamagat na "Lorologio della Passione"(Ang Orasan ng Pasyon), si San Pio X ay nagwika: "Pinakamamahal kong Padre ang mga sulating ito ay marapat lamang na basahin ng paluhod, dahil ang ating Panginoong Hesukristo ang nangungusap dito". At ang Santo Padre din na ito ang naghikayat kay Blessed Annibale upang maipahayag ang mga sulatin.
Si Blessed Annibale ay paulit-ulit na nagtutungo sa bahay ni Luisa, sa Kalye Nazario Sauro, at nananatiling kasama ni Luisa sa loob ng ilang oras para sa kanilang espiritual na pagbabahaginan.
Ilang mga obispo ang madalas niyang samahan upang magtungo kay Luisa, Italyano at mga banyaga, isa na rito ang obispong taga-Hungarya. Upang liwanagin ang ilang mga pagdududa, inihahatid din ni blessed Annibale ang ilang mga teologo, at matapos makipag-usap nang matagalan sa Lingkod ng Diyos, nagtitipon-tipon sila sa kabilang silid, at tumatagal ang kanilang pagtalakay ukol sa kanilang mga narinig.
Naalala nga ni Tiya ang isang Obispo na taga Hungarya, matapos makipag-usap kay Luisa, ay lumabas mula sa silid na balisa at winika ang mga sumusunod na mga kataga sa wikang Italyano: "Pregate per il mio popolo" (Ipanalangin ninyo ang aking sambayanan), dahil sa ipinaalam ni Luisa sa kanya ang kahihinatnan ng kanyang bayan. Hindi naman nasabi sakin ni Tiya Rosaria kung sino ang obispong nasabi o kaya, kung anong bansa ang pinanggalingan niya, ang tanging nasabi ay "Obispong Magyar".
Naisip kong siyay isang obispo ng Hungarya.
Ang mga pagdalaw ni P. Annibale ay hindi lamang dahil sa pakikipag-usap kay Luisa; nakikipagpulong din siya sa mga taong nagpupunta sa bahay ni Luisa, lalong lalo na ang mga kabataan, at ang mga pagpupulong na ito ay namunga. Sa katunayan, maraming mga kadalagahan ang naging mga mga madre at mga kabataang mga lalaki naman ang nagpatuloy sa pagpapari, marami sa kanila ang natanggap sa kanyang sumisilang na Kongregasyon.
Marami ang nagtutungo sa bahay ni Luisa upang mangumpisal kay P. Annibale. Itoy pinatunayan sa akin ng isang Kanoniko, si Andrea Bevilacqua, na mula pa sa kanyang pagkabata bilang seminarista, siya ay nagtutungo rin sa bahay ni Luisa upang magkumpisal kay P. Annibale, na siya ring di-pangkaraniwang confessor ng dinadakila at kinagigiliwang arsobispo ng Trani, si Monsinyor Leo.
Ang aking naunang aklat ay hindi nagsaad ng tungkol kay Blessed Annibale Di Francia dahil akoy napagpayuhang tumahimik upang hindi makasagabal sa para sa kanyang Beatificasyon na kasalukuyang isinasagawa.
Isa sanang kapakipakinabang na makunsulta ang arkibyo ng Kongregasyon ng Rogationist at ng Sisters of Divine Zeal, kung saan tiyak makikita ang mga bakas ng ugnayang namagitan sa Linkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta at ni Blessed Annibale. Nasabi ng aking Tiya na ang mga alituntunin ng Institusyon ay naisalin buhat sa buhay espirituwal ni Luisa. Napakahalaga sanang mabasa ang sinaunang Alituntunin at Konstitusyon ng kanilang mga institusyon. Akoy umaasang ngayong si Padre Annibale ay naiproklama nang isang Beato ng Simbahan, ang mga Rogasyonista at mga Madre ng Divine Zeal ay handa nang isaalang-alang muli si Luisa Piccarreta, na nagbahagi ng malaki sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin, ng kanyang mga payo, at ng kanyang mga sulatin para sa ikauunlad ng kanilang Kongregasyon.
Marami pang dapat masabi tungkol sa ugnayang namagitan kina Blessed Annibale, Ang Linkod ng Diyos na si Luisa at Pio X. Si Luisa ay puno ng pamimitagan kay Pio X. Noong panahong din na iyon, siya ay tinuturing nang isang Santo at malimit niyang masabi ang ganito: "Ang Panginoon, sa panahong ito, ay nagdulot sa Simbahan ng dalawang dakilang Pontifico, ang una ay ang piling anak ng Mahal na Ina - tinutukoy si Pio IX - , ang ikalawa, dakilang tagapagtanggol ng pananampalataya at ng banal na Eukaristiya".
Minarapat ni Blessed Annibale Di Francia na malampasan ang mga malalaking sagabal upang maisakatuparan ang kanyang balak na dalhin si Luisa sa isa sa mga bahay ng kanyang Kongregasyon kasama ang mga madre. At madalas niyang sabihin: "Ang pagtanggap kay Luisa sa isa sa mga bahay ng aking institusyon ay isang pagpapala ng Diyos para sa buong Kongregasyon."
Sa katunayan, kahit na ang Kongregasyon ng Divine Zeal ay mayroon nang dalawang bahay sa Trani, sa pamamagitan ng banal na panghihikayat, silay nagtayo ng isa pang bahay para sa mga kababaihan sa Corato, malapit sa lugar ng kapanganakan ni Luisa. Ang pagsasakatuparan ng planong ito ay hindi naging madali; ang santong tagapagtatag ay sumakabilang buhay bago matapos ang bahay na ito.
Dalawang taon makalipas ang kanyang pagkamatay, si Luisa ay napabilang sa mga Madre ng Divine Zeal, sa kalye Murge.
Mga Alaala ni Rosaria Bucci
Sa pagdalaw ni Blessed Annibale Maria Di Francia sa Linkod ng Diyos, sila ay nag-uusap ng matagal, umaabot ng isang buong oras at kung minsay doon na rin nagdiriwang ng Banal na Misa.
Ito ay ayon sa mga alaala ng aking Tiya Rosaria na kanyang isinalaysay sa akin.
Noong taong 1910, dumating sa bahay ni Luisa ang isang pari na humingi ng pahintulot upang makausap si Luisa. Iyon ang una sa maraming pagtatagpo ng dalawang santo. Ang nagbukas ng pinto noong araw na iyon, ay ang Tiya Rosaria, isang dalagang sa loob ng apat na taon ay ganap nang bihasa sa tabi ni Luisa, at naging kasama at kaagapay ni Angelina sa gawain sa bahay. Maliban pa roon, dahil sa si Tiya ay ganap nang natuto sa pagbuburda, naging tagapagturo na siya sa ibang kabataang babae, at siya rin ang tinatawag ni Luisa upang isaayos ang kanyang mga gawa, na malimit hindi perpekto dahil hindi mahigpitan ni Luisa ang mga buhol dahil na rin sa kanyang mga istigmata na nakatago sa ilalim ng kanyang mga balat na pinagmumulan ng matinding sakit.
Hindi lamang minsan, si Tiya Rosaria ay naghahanda ng isang maliit na mahihigaan, kung saan si Blessed Annibal kung minsan ay nagpapahinga, lalo na kung siya ay dumadalaw sa pamilya Piccarreta ng mahigit sa isang araw.
Ang pananatili ni Blessed Annibale sa bahay ni Luisa ay dahil na rin sa kinakailangan niyang basahin lahat ng mga sulatin ni Luisa, bago niya ito ibigay sa kanya. Kailangan niyang ipaliwanag ang mga bagay na malabo at hindi maunawaan.
Ang aking tiya ang siyang nag-abot kay Blessed Annibale ng tanyag na libro na isinulat kamay ni Luisa, ang pagninilay ng Pasyon. Ito ay naipalathala ni Blessed Annibale sa pamagat na "LOrologio della Passione", isang pamagat na noong una ay hindi masyadong naibigan ni Luisa. Ang paglalathala, kasama ang mahabang paunang salita ni Blessed Annibale, ay may ibat-ibang edisyon, umabot sa apat na edisyon.
Naalala ni Tiya Rosaria na minsan hinikayat ni Blessed Annibale ang lahat ng mga kababaihan at mga taong pangkaraniwang dumadalaw kay Luisa, na basahin at pagnilayan ang aklat na ito. Habang kanyang iniaabot ito bilang regalo, ganito ang winiwika niya: "Bago makarating ang sulating ito sa paglilimbag, ako ay tinanggap sa audiensiya ng Kanyang Kabanalan Pio X, kung saan inihandog ko ang isang kopya. Makalipas ang ilang araw, ako ay nagbalik sa Santo Padre upang magtanong tungkol sa aking sumisilang na Kongregasyon, ipinahayag Niya ang ganitong mga kataga: Dalhin mo agad sa limbagan ang "Lorologio della Passione" ni Piccarreta. Basahin mo itong nakaluhod dahil ang Ating Panginoon ang nangungusap doon.".
Dahil sa kawalan ng pinanghahawakan na mga ibang dokumento kinakailangan nating umasa at magtiwala sa mga salaysay ni Rosaria Bucci.
Si Blessed Annibale at ang mga Kapuchino ng Provincia Monastica ng Puglia
Sa pakiwari ko, ang mga Fransiscano, lalo na ang mga Kapuchino, ay nagmungkahi kay Blessed Annibale na ilagay sa ilalim ng pangangalaga ni San Antonio de Padua ang kanyang mga gawain. Tiyak na sa pagitan ni Blessed Annibale at ng mga Fransiscanong Kapuchino ay may namamagitan na dakilang pamimitagan sa isat-isa.
Personal kong narinig ang mga usapan ng mga matatandang pari sa amin ang tungkol kay Blessed Annibale Maria Di Francia.
Si Padre Annibale ang nagpalaganap ng mga sulatin ni Luisa, marami sa mga librong ito ay ipinamahagi sa mga fraile, at kanyang ipinagbilin na huwag isiwalat kanino man kung sino ang may akda, dahil nais ng manunulat na manatiling hindi kilala.
Ang fraileng Kapuchino, na siyang masugid na tagapagsalaysay ng mga pangyayaring ito, ay si Padre Isaia ng Triggiano, larawan ng isang tunay na pari, simple at mapagkumbaba. Siya ay may matinding paggalang para kay Luisa Piccarreta, at ang mga aklat si Luisa at ibang mga bagay mula sa kanya ay pinagkaka-ingat-ingatan. Isa sa mga ito ay ang istampita kung saan may nakasulat na isang panalanging isinulat mismo ni Luisa.
Madalas magpahayag si Padre Isaia: "Si Luisa ay isang dakilang santa, at si Padre Annibale, isang ring dakilang santo, dahil sa itoy kanyang ipinaalam. Ang ng banal, sila-sila ay nagkakaunawaan. Ang Diyos ang nag-uugnay sa kanila."
Noong 1917, si Padre Isaia ay estudyanteng Kapuchino sa aming kumbento sa Francavilla Fontana, kung saan ang mga fraile, dahil sa ibat-ibang pagkakataon, ay malugod na tinatanggap bilang bisita si Padre Annibale. Kasalukuyan niyang isinasakatuparan ang isa sa kanyang mga gawain sa kalapit-lugar na Oria.
Ito ang naging pagkakilala ni Padre Isaia kay Padre Annibale: "Siya ay isang paring tunay na mula sa Diyos at kaming mga estudyante, sa twing makikita namin siya pinaliligiran namin siya ng may lubos na simpatiya. Ang lahat ay nagtutungo sa kanya upang mangumpisal. Ang kanyang larawan ay natatangi, pati ang kanyang mga pananalita at pagkilos, laging mahinahon, taglay niya ang isang katahimikang hindi nagdudulot ng pagkatakot, sa halip, ay nagpapahiwatig ng pagtitiwala. Ang Kalooban ng Diyos ang laging laman ng kanyang mga pananalita. At pinalalakas niya ang aming loob at labanan ang mga kontradiksiyon. Nabangit niya samin na ang isang taong ganap na konsagrado sa Diyos ay nagdurusa at nananalangin para sa lahat".
"Ang kaluluwang ito - winika ni P. Annibale kay P. Isaia - ay anak ng kanyang bayan at siyay isang tanda na pagpapalang handog ng Panginoon para sa mga taga-Bari." Upang aliwin siya, mula sa kanyang mga pag-aalinlangan at kanyang mga pagdurusa, ibinigay niya ang "Orasan ng Pasyon", na siya mismo ang nagpalimbag. Si Padre Isaia, na nooy fra. Isaia, at isa pa lamang estudyanteng Kapuchino, ay nagtanong sa kanya kung saan maaaring matagpuan at kung sino ang kaluluwang banal na ito. Ang naging tugon ni Padre Annibale ay: "Pagtuonan mo ng pansin ang iyong paghahanda para sa pagpapari at gawin lagi ang Kalooban ng Diyos, at darating ang panahong matutuklasan mo kung sino ang kalulwang ito."
Si Padre Isaia, isang ganap nang pari, ay nagtungo kay Luisa Piccarreta upang humingi ng kanyang mga payo - hindi lamang minsan - at upang siyay maging payapa sa kanyang apostolato, at hindi maholog sa patibong ng mga dilang masama.
Noong panahong iyon, ang Monastika Probinsiya ng Puglia ay kasalukuyang nasa masalimuot na kalalagayan, sanhi ng magkaibang kapalaran na dalawang probinsya ng Bari at Lecce. Ilan sa kaparian ay nagpasimula ng isang uri ng riporma na hindi pinahintulutan ng santo papa Pio X.
Karamihan ay tumalima, subalit ang mga iba ay nagpumilit, dahilan upang silay mapahiwalay sa Kongregasyon at sa simabahan. Isa sa kanila, si Padre Geraldo, ang superior at direktor ng mga estudyante ng Francavilla.
Ang paring ito ay may natatanging pamamaraan upang gabayan ang mga estudyante, at itoy sa pamamagitan ng disiplinang Draconiana: hayaang mag-ayuno ang mga estudyante, dahil kailangang ang pagdurusa ng sarili upang mahalintulad sa Kritong napako sa krus. At lalong masama, ang hindi pagbibigay pahintulot kahit na ang pag-aaral. Ang tanging pag-aaral ay ang Krus at penitensiya; dahil dito inilagay sa silid ng mga estudyante ang isang napakalaking krus at gamit sa pagpipinetensiya. Sino man ay makakaunawa kung ano ang kalalagayan na dinaranas ng mga estudyante, na karamihan ay nagkakasakit. Si Padre Annibale misan, nang siyay mapadalaw, ay tinawag ang pansin ni Padre Gerardo at ipinaunawa na hindi marapat ang ganoong turing sa mga estudyanteng kasalukuyang nasa pagtubo. At siya mismo ang nagpakita ng halimbawa; nagdala siya ng mga handog at nanghihikayat na silay kumain ng marami; kahit man lang minsan isang araw silay mabusog. Lubos na isina-aalang-alang ni Padre Annibale ang kalusugan ng mga estudyante at madalas magwika: "Hindi ito ang Kalooban ng Diyos."
Dahil sa alam ni Padre Annibale kung paanong mangusap ng may paninindigan at pagmamahal na kahit ang pinakamatigas na puso ay naaantig, at mukhang hindi naman naging manhid si Padre Gerardo sa mga payo ni Padre Annibale,. Sa katunayan, agad napansin ang mga naging risulta: agad nabili ang mga aklat na gamit sa paghuhubog ng mga estudyante upang maging mga pari, at nagsimulang magkaroon ng kaunting tinapay at nadagdagan ang kanilang pagkain.
Hindi naglaon, nilisan ni Padre Gerardo ang Kongregasyon at siyay na-excommunicate, sanhi ng kanyang mga kakaibang kaisipan at dahil na rin sa kanyang pagrebelde sa Simbahan. Ang mga kataga ni Padre Annibale ay nagkatotoo. Sa katunayan, noong ang mga estudyante ay kasalukuyang napanghihinaan na ng loob, silay nagtutungo kay Padre Annibale upang mangumpisal, madalas niyang sabihin sa kanila ang ganito: "Magpatuloy kayong mabuhay ng lubos ayon sa Kalooban ng Diyos, dahil hindi lalaon ang lahat ay magbabago. Magpakatatag kayo".
Maraming mga pari ang nakikipag-ugnayan kay Padre Annibale at sa pamamagitan niya ay nakilala nila si Luisa. Isa na rito si Padre Daniele na taga-Triggiano, isang manining na larawan ng Kapuchino, isang tunay na bunga ni San Fransisco. Ang kanyang kasimplehan, ang kanyang mga pananalita, at ang kanyang mga kilos, ang lahat ng itoy buhay pa hanggang ngayon sa buong Monastika Probinsiya namin.
Si Luisa, ayon kay Padre Daniele, ay waring isang nilalang buhat sa langit, at noong akoy batang seminarista pa, sa kanya ako nagpupunta upang mangumpisal, parati niya akong pinagwiwikaan ng ganito: "Ikaw ba si Bucci mula sa Corato? Kilala mo ba si Luisa? Alam mong siyay isang dakilang santa at huwag kang titigil sa pananalangin sa kanya kung nais mong maging pari".
Si Padre Daniele ay dating manunulat ng kasaysayan ng Triggiano at siyay nakapagpalimbag din ng ilang mga manuwal ng relihiyon; at iba sa mga laman nitoy mula sa aklat ni Luisa. Kung siyay mangusap tungkol kay Luisa ay parang mayroon siyang tahasang ugnayan sa Lingkod ng Diyos at kay Padre Annibale.
Mula sa Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta, narinig ko ang maramin kuwento tunkol sa mga sumusunod na mga pari:
Padre Giovanni De Bellis, madalas mapadala sa Corato para sa pagbibigay ng sermon, at sa mga pagkakataon na iyon siyay nagtutungo sa bahay ni Luisa. Si Padre Giovanni ay aking kapatid sa komunidad sa kumbento ng Trinitapoli, habang ako nooy superior at kura paroko. Hindi lang minsan siyang nagkuwento tungkol kina Luisa Piccarreta at Beato Annibale Maria Di Francia na personal niyang nakilala. Akoy nagkapalad na maglingkod sa mga huling sandali ng buhay ni Padre Giovanni, na namatay sa hinog na gulang na siyamnaput dalawa. Ang nasabing pari ay namatay habang lubos na nakababad sa pananalangin, magkadaop ang mga palad at hawak ng mahigpit ang isang rosaryo. Ang kanyang mga huling kataga ay: "Maganap nawa ang Kalooban ng Diyos". Taong 1982 noon.
Si Padre Terenzio mula sa Campi Salentina ay isa ring paring may malaking pagsamba para sa Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta at sa twing magkikita kami lagi niyang nababangit si Luisa. Siya ang nagbalita sa akin na nasimulan na ang proseso sa beatificasyon ni Padre Annibale na confessor ni Luisa. Noong ako'y isapalamang batang nobisyo sa kumbento ng Alessano, ang superior noon ay si Padre Terenzio. Isang araw ay inilahad niya ang ganitong salaysay: "Akoy nakaranas ng panahon ng krisis sa aking pananampalataya, at isang araw akoy nakipagkita kay Luisa, na nakinig naman sa akin ng may buong pagmamahal. Sa pamamagitan niya ay nagliwanag ang lahat ng aking mga pag-aalinlangan. Binigyan niya ako ng teolohikal na mga paliwana na ganoon na lamang kaliwanag at kalalim, na para sakin ay isang rebelasyon. Ang lahat ng mga alinlangang hindi natugon ng aking mga pag-aaral ng teolohiya ay pinawing lahat ni Luisa. Tiyak na nagtataglay si Luisa ng likas na katalinuhan".
Si Padre Guglielmo na taga-Barletta, isa sa mga kilalang pari ng Probinsiya, maraming beses na naging ministro probinsiyal, rektor ng aming mga estudyante sa teolohiya, minsan ay nagsalaysay, habang nagbibigay ng leksyon tungkol sa asetika ni Blessed Annibale at tungkol sa kanyang mga gawa. Nangusap siya tungkol sa "Orasan ng Pasyon" at tungkol sa aklat na "Si Maria at ang Paghahari ng Kalooban ng Diyos". At winika ang ganito ukol kay Luisan: "Siyay isang taong dakila at kamangha-mangha". Hindi nabanggit sakin ni Padre Guglielmo kung personal niyang kakilala si Luisa.
Halos lahat ng aming mga naunang mga pari ay kilala sina Blessed Annibale at Luisa Piccarreta, personal man o sa pamamagitan ng ibang tao. Ilan sa kanila ay ang mga sumusunod: Padre Zaccaria ng Triggiano, maraming beses na naging Padre probinsiyal; Padre Fedele ng Montescaglioso; Padre Antonio ng Stigliano, ang nag-iwan ng ilang sulatin ukol sa Lingkod ng Diyos na si Fra Dionisio ng Barletta; Padre Arcangelo ng Barletta, siya rin ay naging padre probinsiyal; Padre Pio ng Triggiano, padre probinsiyal; Padre Gabriele ng Corato; Padre Timoteo ng Acquarica, kaibigang matalik ng huling confessor ni Luisa na si Padre Benedetto Calvi, siya rin ay madalas magsermon sa parokya (siya rin ay kabilang sa mga naghatid upang mailipat ang mga labi ni Luisa mula sa sementeryo hanggang sa simbahan at kabilang din siya sa mga nagdiwang ng Banal na Misa sa Chiesa Madre upang pasimulan ang proseso ng beatificasyon ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta.); Padre Salvatore ng Corato, magsasalaysay ako tungkol sa kanya, hiwalay, sa isang kapitolo. At maraming pang mga Frater na layko, silay nagsisitungo sa Corato at hindi nila nakaliligtaang dalawin si Luisa: Sina Fra Ignazio, Fra Abele, Fra Rosario, Fra Vito, Fra Crispino, silang lahat ay madalas magsalaysay ng buong sigla tungkol kay Luisa, kung kanino silay lubos na gumagalang.
Ang Pagtangi ni Luisa sa mga Kapuchino. Padre Salvador na taga-Corato at si Luisa Piccarreta
Si Padre Salvatore ng Corato ay isang kapuchinong, napupuspos ng pagkatao ni Luisa. Nakilala ko siya noong akoy isa palamang estudyante sa seminaryo ng Giovinazzo. Si Padre Salvatore ay madalas magpalipas ng bakasyon doon sa amin. Sa aming paglalakad-lakad sa maliit na daan ng hardin ng aming kumbento, palagi niyang nababangit sa akin si Luisa at kung paanong nahinog ang kanyang bokasyong kapuchino.
Si Padre Salvatore ay isang maningning na larawan ng isang kapuchino, mula sa isang marangal na pamilya, napakamaginoo kung umasal, nagtataglay ng kaluluwang marangal na hindi ko natagpuan sa ibang mga fraile. Ang kanyang bokasyon bilang kapuchino ay puno ng maraming pagtitiis at pagsalungat. Ulila sa mga magulang, siyay lumaki sa kanyang Tiya na madalas siyang dalhin sa santang si Luisa, at puno ng pagmamahal ang pagtingin sa kanya ni Luisa at buong lugod siyang nakikipag-usap sa kanya.
Isang araw nabangit sa kanya ni Luisa: "Nais ng Panginoong ikaw ay maging isang pari", subalit hindi niya masyadong pinahalagahan ang mga kanyang mga salita. Siyay naging isang makisig na binata, mayaman at hinahangaan ng mga kadalagahan, pumasok bilang isang marino at naging marami ang kanyang mga paglalakbay. Sa mga mahahabang mga paglalakbay, na kung minsan ay inaabot ng buwan, siyay nagtutungo sa tinatawag na ponte ng barko at kanyang pagninilayan ang walang hanggang karagatan at ang mga bituin. At madalas niyang naalala ang mga binitiwang salita ni Luisa: "Nais ng Panginoon na ikaw ay maging isang pari".
Minsan, nang natagpuan niyang nasa bingit ng kamatayan ang kanyang buhay, wala siyang ibang nahingan ng saklolo kundi si Luisa: "Luisa, kung nais mong ako'y maging isang pari, iligtas mo'ko". Ang nangyari'y marami sa kanilang mga kasamahan ang mga nangamatay, at mula sa isang makababalaghang pangyayari, siya ay nakaligtas. Hindi naglaon, iniwang niya ang kanyang karyera, siya'y nagbalik sa Corato at nagtungo sa bahay ni Luisa. Matapos ang mahaba nilang pag-uusap, pinagpayuhan siyang pumasok sa mga cappuccini, at sinabing siya'y makatatagpo ng mga mabibigat na pagsubok. Ang Panginoon ang naglagay nga mga pagsubok sa kanyang bokasyon.
Sa katunayan, hindi ganoon kadali ang pagtanggap sa kanya ng mga kapuchino, tinutulan ng mga nakatalaga sa pormasyon ng mga estudyantel. Inusisa nila ang kanyang gulang na mayroon nang katandaan, kung ihahambing sa mga pangkaraniwang mga estudyante, ang kanyang buhay bilang marino ay tiyak na puno ng mga bisyo at, higit pa roon, dahil sa siya'y buhat sa isang marangyang pamilya, tiyak na mahihirapan siyang isabuhay ang isang alituntuning mahigpit. Nauwi sa walang saysay ang sulat ng pagpapakilala na ipinadala ng paring si Padre Clemente Ferrara, at ni Padre Andrea Bevilacsqua, na siyang personal na naghatid sa kanya sa nobisyato ng Montescaglioso.
Ang maestro ng mga nobisyo at ang superior ay ayaw siyang tanggapin at ni ayaw siyang papasukin sa kumbento. Ganoon na lamang ang kalagayan ng kaawa-awang binata, at kinakailangan siyang manatili sa labas ng kumbento sa loob ng tatlong araw upang hintayin ang kasagutan ng padre probinsiyal. At marahil dahil dito, kaya nagbago ang isip ng superior at ng maestro ng nobisyo.
Pinatunayan ito ng mga salaysay ni Luisa.
Nang matanggap sa Kongregasyon ng mga Kapuchino, bukas-loob na iniwan lahat ang mga yaman ng pamilya, at sinumalan niya ang pag-aaral upang ihanda ang sarili sa pagpapari. Nang matanggap ang ordin ng pagkapari, ninais niyang magtungo sa bahay ni Luisa upang magdiwang na Banal na Misa ng Pasasalamat. At kanyang winika: "Si Luisa ay nasa aking puso at aking buhay, nararamdaman kong siyay napakalapit, parang laging nangungusap". At kanyang idinagdag: "Alam kong hindin na magtatagal ang aking buhay, dahil nagmamadali na si Luisa upang ako'y maihatid sa Paraiso". Ang mga itoy sinambit niyang puno ng mga makalangit na ngiti.
Si Padre Salvatore ay naatasan ng mga superior bilang tagapagturo ng aming mga kabataan sa seminario minore, na nakagiliwan naman ng lahat. Ang kanyang mga espiritual at makatao katangiang ay siyang nagpayaman sa kanyang pagiging isang pari. Ang kanyang kalusugan, na naging mahina mula noong napasok siya sa Kongregasyon, ay isang tanda ng Kalooban ng Diyos na lubusang nahinog sa mga pagtitiis para sa Kanyang Kaharian.
Nang naitanong ko kung tama bang basahin ang mga aklat ni Luisang nahatulan ng Santo Opisyo, ang tugon niyay "hindi"; at sinabi: "Ang buong katauhan ni Luisa ay para sa Simbahan at nasa ilalim ng Simbahan, na kung saan madalas niyang sabihin sa atin na kahit ang mga magagandang bagay ay kailangang talikdan. Alalahanin mong ang lahat ng mga gawa ng Simbahan ay ang Kalooban ng Diyos, ayon sa kanyang panahon. Marahil, ang mundo ay hindi pa handa upang tanggapin at unawain ang dakilang santa. Akoy naniniwalang hindi maglalaon, ang Panginoon mismo ang maglalagay nito sa kandelabra".
Ika-limang Kabanata
Isang Di-pangkaraniwang Pananghalian
Limang taon pa lamang ako nang magsimulang magtungo sa bahay ni Luisa Piccarreta sa pamamagitan ni Tiya Rosaria.
Nang ako'y nagbinatilyo na, palagi ko siyang dinadalhan ng basket na puno ng mga sariwang bungang-kahoy na pinipitas ng aking ama sa aming bukirin.
Maraming pagkakataon akong pinananatili ni Tiya upang mananghalian kina Luisa Piccarreta. Hindi nakikisalo sa'min si Luisa, dahil sa siya'y nasa kanyang munting silid at nakahiga, at doon siya kumakain - kaunting gramo ng pagkain araw-araw.
Isang araw, dahil sa kuryosidad, tiningnan ko kung ano ang inihahanda nila para sa pagkain ni Luisa; sa isang pinggan ay nakahain ang buong tanghalian niya. Araw ng Linggo noon, para sa pamilya, ang hain ay "orecchiette" (isang uri ng pasta) na may "meat sauce". Para sa pagkain ni Luisa, ay hindi hihigit sa lima o anim na pirasong "orecchiette" at tatlo o apat na ubas. Si Tiya Rosaria, sa pagkakapansin ng aking pagkamangha, napapangiting napatingin sa akin. At saka nag-utos: "dalhin mo na ito kay Luisa". At sa aking pagkakagulat higit kailanman, inabot ko ang plato at dinala ito sa silid ni Luisa, na kasalukuyan noong nasa higaan. Katatapos lamang niyang magtrabaho sa pagbuburda at sa kanyang paanan ay nakalagay ang isang bangkong, at sa ibabaw nito ay may isang mantel, at doon niya ipinatong ang platong kinuha niya mula sa aking mga kamay. Makahulugan ang titig ng kanyang bilugang mga mata, subalit wala siyang sinabi sa akin; at pagkatapos kumuha siya ng isang ubas at isinubo sa aking bibig. Lumabas ako sa silid, habang si Luisa'y nagsimulang kainin ang kanyang kakaibang pananghalian. Kauupo ko pa lamang sa hapag-kainan ng narinig namin ang tunog ng kampanilya. Nagmamadaling tumayo si Tiya Rosaria, kumuha ng isang bandeha at nagtungo sa silid ni Luisa. Dagli din akong sumunod, hindi sinasadyang nasaksihan ko ang isang penomenong kamangha-mangha. Iniluwang lahat ni Luisa ang kanyang mga kinain, buo at maayos pa. Ang di-pangkaraniwan ay, ni walang aunmang bakas ng pagka-di-mapakali at disturbo na karaniwang kasama ng pagsusuka. Inalis ng aking Tiya ang bangko sa may paanan niya, at inilagay sa isang sulok ng silid, hinila ang mga kurtina sa harap ng kanyang kama, isinara ang mga bintana at ako'y sinabihan: "Umalis na tayo, dahil kailangan na ni Luisang manalangin". Pagkauwi ko sa bahay, isinalaysay ko lahat sa aking nanay, at siya'y hindi man lamang nasorpresa, dahil matagal na niyang alam ang ganoong penomeno. Si Luisa, sa katunayan, ay hindi kumakain o umiinom man lang; ang tangi niyang ikinabubuhay ay ang Kalooban ng Diyos. Ang nasabing penomeno ay tumagal sa loob ng halos pitumpung taon, ng may magkakalapit na salitan. Dahil sa pagtalima sa utos ng kanyang mga confessor, kinakailangan siyang kumain, minsan man lang isang araw, kahit na iniluluwa niyang lahat agad pagkatapos.
Ang Nakaligtaang Munting Kabutihan
Isang araw, Linggo noon, ako'y nasa bahay nina Luisa, nang ako'y kanyang tinawag at sinabihan: "Ngayon ay Linggo, sa bahay ang pagkain ay karne, subalit mag-iwan ka ng kaunti para kay Niño Hesus". Ako'y nangakong gagawin ko ang lahat ng ito. Subalit, pagkalabas ko pa lamang ng bahay ni Luisa ay nakalimutan kong lahat, kasama ang pangakong mag-iwan ng karne para kay Niño Hesus.
Bilang pagbibigay pansin, noong panahong iyon ang karne ay pagkaing mamahalin, at inihahain lamang sa t'wing may pagdiriwang ng mga kapistahan at nakabahagi na ang paghahain.
Mahinahon akong kumain ng karne, lubusan ko nang nakalimutan ang pangako noong umaga. Si Luisa, sa halip, hindi niya nakalimutan; at nang pagdating ko sa kanilang bahay kinahapunan, ang unang bagay na sinabi niya sa'kin ay: "Kinalimutan mo ang iyong pangako kay Niño Hesus". Wala akong masabi at hindi ko malaman kung paano ako magpapaliwanag. Si Tiya Rosaria ang sumagip sa akin sa pagkakapahiya, at sinabi: "Napakaliit pa niya, hindi pa niya nauunawan ito". Subalit nauwaan kong ang paliwanag na iyon - na dapat kong pasalamatan - ay hindi lubos na kasiya-siya para kay Luisa.
Ang Propesiya
Isang hangarin ng aking pamilya, pamilyang relihiyosa, na sana'y isa sa amin ay maging isang pari, batid na ang aming ninuno ay naging mayaman sa pagkakaroon ng pari at ang pinsan ng aking nanay ay dating Vicar General ng diocese ng Salerno, noong panahon ng tanyag na Obispo ng Monterisi, si Mons. Balducci. Ang aking nanay ay nagkaroon ng ugnayan sa kanyang pinsan sa pamamagitan ng sulat. Hindi namin siya personal na nakilala. Subalit naalala ko pa na madalas magkwento ang aking nanay tungkol sa kanya.
Ang mga mata ng pamilya ay nakatuon sa aking kapatid na si Agostino, isang binatang maayos, maalam, sabik sa kaalaman, at tahimik; sa madaling sabi, siya'y higit na nababagay upang suungin ang pagpapari. Lubos na nagalak ang aking Tiya Rosaria nang ipahayag niya ang kanyang hangaring makapasok sa seminaryo; ang pasya ng aking kura paroko na si Padre Cataldo Tota, paring kagalang-galang at may banal na buhay, ay naging kaakit-akit.
Inihanda na ang kanyang mga kakailanganin. Nanahi ang aking Tiya ng isang "surplice" -damit-pari- na may burda, ang lahat ay handa na para sa pagpasok ng aking kapatid na si Agostino sa seminaryo ng Bisceglie. Subalit, naganap ang isang hindi inaasahan, ang lahat ay nauwi sa wala, at ang aking kapatid ay hindi na natuloy sa pagpasok sa seminaryo. Ang dahilan ng lahat ay si Padre Andrea Bevilacqua; siya ang nagpayo na huwag papasukin sa seminaryo si Agostino, ang kanyang estudyante sa mababang paaralan, sa halip, dapat hintayin munang makatapos siya sa ikalimang baitang sa mataas na paaralan, upang sa ganoon ay tuloy na kaagad siya sa Seminaryo ng Molfetta na hindi na dadaan pa sa seminario minore, na sa palagay niya ay hindi ito nakasisiguro ng lubos na pormasyon. Si Tiya Rosaria ay hindi lubos na sumang-ayon sa mga pangyayari, at isang araw ay dumaing siya kay Luisa: "Matapos gumastos ng malaking halaga, hindi rin pala papasok si Agostino sa seminario.
Subalit naunahan na sila ni Luisa, dahilan upang siya'y nanatiling tahimik at parang walang paki-alam sa ganitong balakin. Kahit na si Agostino ay palaging nagpupunta sa bahay ni Luisa at higit pa roon, alam niya ang mga balak ni Agostino, ngunit si Luisa ay hindi man lamang nagbigay sa kanya ng mga pananalitang magpapalakas ng kanyang loob, bagay na kanyang ginagawa sa ibang mga kabataang nagpupunta sa kanya. Ang tugon ni Luisa sa aking dumadaing na Tiya ay: "Rosaria, Rosaria...nais mong palitan ang Kalooban ng Diyos! Hindi ito ang nais ng Panginoon" at bumaling sa akin ang kanyang mga mata, at winika: "Pangalagaan mo ito! Sapagkat ito ang nais ng Panginoon at hindi iyon". Napakatindi ng pagkamangha na aking Tiya Rosaria nang marinig ang ganitong mga pananalita ni Luisa at sinabi: "Oo nga, ito nga, ang rebelde ng pamilya".
Sa ganang akin, mas nais kong mamuhay sa lansangan. Masiglang-masigla akong napaliligiran ng mga batang mahihirap. Ang aking mga kasamahan ay madalas lumiban sa eskwela, naglalakad na nakayapak sa kalsada, dala-dala nila ang iba't-ibang amoy ng manok, tupa, at kuneho na inaalagaan nila sa kani-kanilang mga bahay. Kaya, pati ako malimit akong lumiban sa klase, at ito ang nagiging disperasyon ng aking pamilya na may kaunting karangyaan sa buhay (ang aking nanay ay isang guro at ang aking tatay ay naglilingkod sa munisipyo).
Hindi ko pinahalagahan ang mga sinabi ni Luisa; ako'y nasa ika-apat na baitang pa lamang sa elementarya noon; napakaraming mga problemang panlipunan, ang pagbagsak ng fasismo; ang pananakop ng Germania; ang pag-aaral ay nababalam at may kakulangan sa pagkain. Tuluyan ko nang nakalimutan ang mga kataga ni Luisa. Matapos ang pagkamatay ni Luisa, dumating ang ika-4 ng Marso 1947, ang aking Tiya Rosaria ay patuloy na pinagninilayan ang mga winika ni Luisa at simala noon ay kakaiba na ang pagtingin niya sa akin, na para bang nais niyang malaman kung ano ang aking mga hangarin. Kasunod nito, namangha ang lahat nang si Pippino, isang binatilyong kilala sa kanyang kaingayan sa kalye Andre, ay pumasok sa seminario, hindi sa diosesano, kundi sa Seminario ng Frati Minore ng mga Kapuchino sa Barletta. Mabilis na lumipas ang taong 1948, isang taon makalipas ang pagkamatay ni Luisa Piccarreta. Dahil sa alam ng marami kung ano ang aking pag-uugali, sila'y nagsipagpusta na ang aking pananatili sa seminario ay panandalian lamang, at doon raw ako magkakalat ng kaguluhan. Marami rin ang pumuna sa aking ina dahil sa isang aksedenteng pagpayag niya sa aking pagpasok sa seminario.
Ngunit panahon na rin ang pumukaw sa ganitong masalimuot na palagay at nagsimulang mabigyang halaga sa aming bayan ang mga winika ng aking Tiya Rosaria, na nag-aalab na nagsalaysay sa lahat, na ang aking pagiging pari ay hinulaan ni Luisa. Buong paniwala niyang ipinahayag: "Si Pippino ay matutuloy bilang isang pari. Ito ang Kalooban ng Diyos na naipahayag sa pamamagitan ng tinig ni Luisa.
Ang Maalong Dagat
Lumipas pa ang mga taon. Pumanaw na ang aking nanay at tatay; ang aming malaking pamilya ay nagsimula nang magkawalay. Tatlo sa aking mga kapatid na lalaki ay may mga asawa na, ang isa ay nasa Switzerland, ang isa kong kapatid na babae ay nasa Trieste, at ang isa naman ay naroon sa Bologna; wala nang naninirahan sa aming tahanan, maliban kay Tiya Rosaria.
Sa mga panahong iyon ako'y kasalukuyang estudyante ng teolohiya sa Santa Fara; natanggap ko na ang ordin ng diakonato.
Pagdating ng tag-init at wala nang pasok sa eskwela, ang lahat ng mga seminarista ay lumilipat sa kumbento ng Giovinazzo. Ang gusali, halos nakaharap sa karagatan, ay isang lugar na mainam upang palipasin ang panahon ng bakasyon, ito ang punong-tanggapan ng Seminaryo Mayor. Isang araw ng Agosto kami'y nagtungo sa baybay. Ang dagat ay masyadong maalon noon, nang ang isa sa mga estudyante ay biglang lumusong sa tubig na agad namang nilamon ng marahas na karagatan. Ako at ang dalawa ko pang kasamahan, mga mahuhusay sa paglangoy, ay lumusong agad upang saklolohan ang aming kasama, subalit sanhi ng mga malalakas na alon, pati kami'y kinaladkad ng mga alon, ipinalo sa batuhang-babaw, at paulit-ulit na hinihigop ng mga ito.
Sa ganoong gipit na kalagayan, halos wala nang malay, pumukaw sa aking isip ang aking sariling kamatayan, at nasabi ko sa aking sarili: "Hindi na ako magiging pari". At sa oras na'yon, nanawagan ako kay Luisa at nasambit ko: "Luisa, ikaw ay banal, saklolohan mo ako!" at isinuko ko na ang aking sarili, hindi na ako gumalaw. Bigla ko na lamang naramdaman na ang aking katawan ay tangan na ng aking mga kasamahan, na humila sa akin sa kaligtasan bago ako tuluyang higuping muli ng mga alon.
Nakaahon ako mula sa tubig, sugatan at duguan, subalit may buhay. Iniligtas kami ni Luisa, ako at ang tatlo pang estudyante, ang aking mga kasamahan sa kapalarang masalimuot.
Nang gabing iyon, napanaginipan ko si Luisa; ang kanyang mga bilugang mga mata ay nakatitig sa akin, ito'y naiukit sa aking mga alaala, at hindi nagwika ng anuman.
Ito ba ay isang babalang panaginip o isang pagdidiliryo? At ang nangyari'y, sa mga sumunod na mga araw, ako'y nilagnat ng napakataas, subalit pagkatopos ako'y gumaling agad sa aking sakit.
Makalipas ang isang taon, ako'y isa nang pari. Natanggap ko ang banal na ordin sa mga kamay ni mons. Enrico Nicodemo, na noon ay Obispo ng Bari, sa simbahan ng mga Paring Kapuchino sa Triggiano, ika-14 ng Marso 1964.
Ika-anim na Kabanata
Propesiya ng purpura
Isa pang tao na naging malapit kay Luisa Piccarreta ay si Kardinal Cento, na may kagalang-galang at banal na mga ala-ala.
Paminsan-minsan ay bumibisita sa bahay ni Luisa si Kardinal Cento mula pa sa pagsilay ng kanyang pagkapari. Laging laman ng mga kuwento sa akin ni Tiya Rosaria si Kardinal Cento at kahit na nga siya ay naparangalan na ng pagiging kardinal, ganoon parin ang tawag niya sakanya, isang simpleng Padre Cento o di kayay Don Cento.
Noong una nga, hindi niya alam na ang pinag-uusapan pala ay si Kardinal Cento. Minsan, nang matagpuan niya ako sa bahay, may natanggap siyang sulat na may selyo ng Batikano at tatak-kalasag ng isang kardinal. Doon pa lang niya naintindihan na ang laman pala ng mainit na usapan ay si Padre Cento. Tinanong ko siya bakit tinatatawag niya nang ganoon ang isang Kardinal, sagot niya: Malaki ang tiwala ko kay Padre Cento kaya bilang kapatid ang turing ko sa kanya. Sa mga panahong pumumunta siya sa ibat-ibang lugar at sa bahay ni Luisa sa Corato, bilang Punong-pari at at di naglaon bilang Obispo ng Trani, ako ang lagi niyang kasama. Hindi madalang na marami rin akong naipakitang kagandahan ng Corato. Masayahin siya at bukal sa loob magbiro. Para siyang anghel kapag nagmimisa. Nakilala ko si Padre Cento mula pa sa aking pagkabata at sa magkakaibang panahon nakasabay ko siyang kumain sa bahay ni Luisa kasama si Angelina. Matagal makipag-usap si Kardinal Cento kay Luisa. Minsan sinabi niya sa akin: Laging sinasabi ni Luisa sa akin na kukulayan daw nila ako ng pula, pero sabi ko - at sinabi niya itong nagbibiro-pakakaingatan kong hindi ako magdadamit na parang nasa karnabal. Isang araw nakita niya si Padre Cento na mapanglaw at iyon lang ang pagkakataon na hindi siya nagbiro at lagi siyang nanahimik. Iyon ang panahon nang isakdal si Luisa. Pero kahit na sa naging desisyon ng Santo Opisyo, hindi tumigil si Padre Cento sa pagbisita kay Luisa. Sa aking katanungan kung bakit nagwagi ang paninirang ito, sinagot ako ni Padre Cento sa mga tigang na salita: Parang awa mo na Rosaria huwag nating pag-usapan ang mga bagay na ito; tayo lang ang lalong mapapasakitan. At pagkatapos ng isang mahabang katahimikan, dugtong niya: Ito na ang pinakamabigat na pagsubok na ipinadala ng Panginoon sa atin.
Gaya ng nilalaman sa balita, si Padre Cento ay sentro ng atensiyon sa Curia Romana.
Hindi rin inihinto ni Tiya Rosaria ang pakikipagsulatan kay Kardinal Cento at parang ginamit niya ang lahat ng kakayahan nito patungkol sa paglilipat ng katawan ni Luisa mula sa simenteryo papunta sa simbahan ng Santa Maria Greca.
Sa puntong ito nais kong ikumpisal ang isang malaking pagkakamali: ang hindi ko pag-isip na ipunin ang mga sulat na ipinadala ni Kardinal Cento sa aking tiya. Katunayan, sa mahal na kamatayan ni Tiya Rosaria, sa pag-aayos ng bahay, itinapon ng aking mga pamangkin ang mga bagay na ayon sa kanilang pananaw ay wala nang halaga, kasama rito ang mga sulat ni Kardinal Cento.
Isa itong napakalaking kawalan. Puwede sanang maging mapapagkunan ng mahahalagang katibayan sa mga isinaad ko, at isa pa, puwede sanang malaman ang pananaw ni Kardinal Cento sa pagkatao ni Luisa Piccarreta. Kailangan sigurong gumawa ng mga pananaliksik sa arkibiyo ng pamilya ng Kardinale para makitang muli ang mga importanteng materiales.
Gumaling ang Obispo
Kasalakuyang nasa taon ng 1917. Ang bagong obispo ng Trani, Msgr. Regime, sa kadahilanang marahil na naimpluwensiyahan ng mga kaparian, na hindi lamang nagpapasawalang halaga sa mga bagay na nangyari kay Piccarreta, at hayagan pang nagpapakita ng pagkagalit sa Lingkod ng Diyos, ay akmang magbigay ng isang mahigpit na pahayag patungkol kay Luisa: pinagbawalan ang mga paring pumunta sa kanyang bahay at magmisa roon, isang prebilehiyo na iginawad kay Luisa ni Papa Leo XIII at muling ipinagtibay ni Papa Pio X, noong taong 1907.
Ito ay nasa kalagayang dapat basahin sa lahat ng mga simbahan ng diyosesis.
Narito ang pangyayari.
Habang nasa akmang pagpirma sa tanyag na pahayag, bigla na lamang nakadama si Msgr. Regime ng parsiyal na paralisis. Nang saklolohan siya ng mga paring naroroon, nagpakita siya ng mga senyales upang maintindihan nila na ibig niyangg madala siya sa bahay ni Luisa.
Ganito ang paglalarawan ni Tiya Rosaria sa pangyayaring ito: Halos ika-anim na ng umaga, nakarinig kami ng ingay ng isang karosa na huminto doon mismo sa pintuan ng bahay ni Luisa. Sumilay ako sa balkon para makita kung sino sila at napansin ko ang tatlong pari, mukhang naka-akbay ang isa sa dalawa. Inutusan ako ni Luisa: Buksan mo ang pinto; nariyan ang obispo. Katunayan, naroon nga sa harap ng pinto si Msgr. Regime, inaalalayan ng dalawang pari - marahil ang bilaryo at ang sekretaryo ng Curia ng Trani -. Hindi maintindihan ang sinasabi ng obispo. Dali-dali siyang dinala sa silid ni Luisa. Iyon ang unang pagkakataon na nakarating siya sa bahay ng Lingkod ng Diyos, na nang kapagdakang makita siya ay nagsabi: Kabunyian, basbasan po ninyo ako. Itinaas ng obispo ang kanyang braso na parang walang nangyari at siyay binendisyonan. Siyay lubus nang gumaling!
Nanatili si Msgr. Regime sa silid ni Luisa, sa isang masinsinang pag-uusap na nagtagal nang dalawang oras. Sa mangha ng lahat lalung-lalo na ang dalawang paring naroon, lumabas ang obispong nakangiti; binendisyonan ang lahat nang naroon at umalis.
Sinikap na huwag ipagsabi ang pangyayaring ito ngunit sadyang naipangalat na. Sa pananatili ni Msgr. Regime sa Trani, may kadalasan siyang bumibisita kay Piccarreta kung saan nagkakaroon sila ng usapang pang-ispirituwal. Sa mga kaparian naman, nagbigay ang pangyayaring ito ng banal na takot at ang banal na confessor ni Luisa, si Gennaro Di Gennaro, ay nakapagpatuloy sa kanyang paglilingkod ng may higit na kapayapaan. Maging si Annibale Maria Di Francia ay napasidhi sa kanyang pagbisita sa Lingkod ng Diyos pagkatapos ng pangyayaring ito.
Ika-pitong kabanata
Si Luisa at ang mga bata ng Corato
Sa Corato, naikalat sa mga matatandang babae, maging noong akoy sanggol pa, na kapag lumalabas si Luisa sa gabi, lulan ng karosang sarado upang hindi siya makita, nagbibigay daan sa karosa ang mga kabataan ng Corato at nagsisigawan: Dumadaan si Luisa!. Sa gabi lamang lumalabas si Luisa ayon na rin sa kautusan ng may kapangyarihan ng Simbahan. Ito ay upang maiwasan ang mag pagtitipon at mga pangyayari ng panatismo. Kahit man lamang isang beses isang taon - karaniwan tuwing tag-init - dinadala si Luisa sa isa pang bahay upang maisagawa ang mga estraordinaryong paglilinis: pagpipintura ng kapaligiran ng kalburo, pagpapalit ng dayami sa mga kudson o di kaya ng lana na kailangang malabhan at mapalambot.
Maraming nakakaangat na pamilya ng Corato ang nag-uunahan sa pag-ako kay Luisa sa mga panahon na ito. Sa mga pamilyang ito ay nakapabilang ang Capano, Cimadomo, may-aring Griffi, Azzariti at iba pa, na nagpapadala ng kani-kanilang mga karosa para sunduin si Luisa. Sa pag-daan ni Luisa bagamat sekreto, ang mga bata ng Corato ay natitipon ng kung anong ispirasyon at nagsasama-sama at nagsisigawan sa daanan upang ipahayag ang pagdaan ni Luisa: Magsilabasan kayo, dumadaan si Luisa ang Santa!. Lahat naman ay naglalabasan sa pintuan ng kani-kanilang tahanan na may dalang ilawan.
Isang araw napag-alaman kong ang aking ama ay sumasama rin nang madalas sa mga pang-gabing pagtitipon na ito kasama ang iba pang kabataan ng bayan na naghihintay sa pagdaan ni Luisa. Malaki na ako noon at isang mag-aaral ng mga Kapuchino nang tanungin ko ang aking ama: May nagsabi ba sa inyo ng kanyang pagdaan? Sagot niya sa akin: Wala. Nararamdaman lang namin sa aming kalooban kung dadaan ang karosang lulan si Luisa.
Ang naantalang pagsusundalo
Sa kadahilanan ng mga maraming pangyayari ng panahon at ang pagbaliktad ng mga bagay pangpinansiyal, ang aming pamilya, mula sa isang kalagayang naka-aangat kaunti nang marating namin ang kalagayan ng lubos na pangangailangaan. Sa lahat ng kasawiang palad na humampas sa pamilya (ang pagkamatay ng dalawang kapatid na babae ng aking tiya at ang pagkakaroon ng parsiyal na paralisis ng kanyang ama, isang kapatid na lalaking nakipagsapalaran sa Argentina) halos lahat ng pag-aari ay naipagbili o kayay naisangla.
Naipataw sa balikat ng napakabata pang kapatid na lalaking si Francesco ang pagpapalakad ng natirang ari-arian, isang lutuang pugon, tamang-tama lamang na maitawid ang tadhana ng pamilya.
Kasalukuyan namang sumabog ang Unang Gerang Pandaigdigan at si Francesco ay tinawag sa hukbong sandataan.
Humiling ang ina ng Tiya na makausap nito si Luisa sapagkat siya lamang ang makakalutas ng kanilang kalagayan. Subalit nagsawalang bahala si Tiya Rosaria hanggang sa isang araw gumamit na ng lakas sa kanyang pananalita: kapag hindi ka nakipag-usap kay Luisa ngayon, simula bukas ay hindi ka na makakaparoon sa kanya at mananatili ka rito sa bahay upang maglingkod.
Kadarating pa lamang sa bahay ni Luisa, nakasimangot si Tiya Rosaria na tinawag niya; Bakit wala kang masabi? Matagal ko nang alam. Sabihin mo sa iyong inay na hindi aalis si Francesco. At ganoon nga ang nagyari...
Nang dapat magpresenta ang aking ama upang magpatala, namaga nang husto ang kanyang leeg ngunit wala siyang nararamdamang sakit. Iyon ang naging dahilan upang hindi siya makasama sa listahan. Pag-uwi niya sa bahay, sa kanyang paglalakbay, nawala ang pamamaga. Ang pangyayaring ito ay pinatutunayan niya sa loob ng tatlong taon, hanggang siya ay maalis na sa listahan.
Pinatitibayan ng aking ama ang mga ito kapag sinasabi niya sa akin sa diyalekto ng Corato: Ched femm ma fatt vdai caus nov (mga bagay na makabago ang ipinakikita sa akin ng ginang na iyon). Kasabay ng mga paggalaw at mga salita ipinaliliwanag niya sa akin ang mga pangyayari.
Sa pag-aasikaso sa gawain sa lutuang-pugon, naiahon nga ang pamilya ng aking ama sa kakulangang pangpinansiyal, kahit man lamang kaunti.
Muling-nabuhay na sanggol
Ang kagila-gilalas na pangyayaring ito ay isinalaysay sa akin ni Binibining Benedetta Mangione. Matandang-matanda na siya, kasing gulang ni Tiya Rosaria. Kasa-kasama rin siya sa grupo ng mga kabataang babae na naglalagi kina Luisa para matutunan ang pagbuburda ng tombolo.
Narito ang kanyang salaysay: Isang umaga ng isang araw ng 1920-21, ako ay nakina Luisa. Pagkatapos ng Misa ng kanyang tagakumpisal na si Gennaro Di Gennaro, pumasok sa silid ng Lingkod ng Diyos ang isang batang ginang na balisa. Kasabay ng malakas ng hiyaw ng kawalang-pag-asa, inilagay sa may tuhod ni Luisa ang patay niyang anak na lalaki. Nagpatiluhod siya sa tagiliran ng kama at nag-iiyak. Namangha ang lahat at sinikap ni Rosaria na patindigin ang ginang. Sa kanyang pananalita parang isa siya sa mga kamag-anak. Hindi nagpakita ng anumang pagkaistorbo si Luisa sa nakita at agad na hinaplos ang sanggol na nasa kanyang bandang tuhod. Sinabi niya sa ina: Anong ginagawa mo Serafina? Kargahin mo si Luigi at pagatasin. Gutom na siya! At iniabot niya ito sa mga bisig ng ina.
Pagkatapos, sinabihan siya ni Tiya Rosaria na lumabas ng silid upang umuwi na sa bahay. Sumunod naman kaagad ang batang ginang.
Katulad ng mga nasa loob ng silid, si Binibining Mangione ay may kutob na nabuhay ngang muli ang sanggol. Sa kadahilanang alam nilang ayaw ni Luisa na malaman ng iba ang pangyayari, hindi nila ipinagsabi ang pangyayari.
Isinara ni Rosaria ang tabing ng kama ni Luisa. Pinalabas muna niya niya ang lahat at sinabing ibig ni Luisang magpasalamat sa komunyon na katatanggap pa lamang.
Hindi rin nagsabi ng anuman ang confessor, bagkos ay dali-daling umalis kasama ang ina ng sanggol.
Makalipas ang kaunting araw pagkatapos ng pangyayaring ito, sinabi ni Tiya Rosaria kay Angelina: Ang dalawang iyon - tinutukoy nito ang kapatid na lalaki at ang hipag, na pawang batang mag-asawa - dapat na tumigil sila sa pagpunta sa teatro; kundiy mauuwi sila kulungan.
Narito ang mga pangyayaring sanhi ng muntik nang pagkamatay ng kapapanganak na sanggol.
Ang batang mag-asawa, Bucci Francesco at Garofalo Serafina, ay kapwa mahilig sa panood sa teatro, at madalas nga silang pumaparoon. May anak silang ang ngalan ay Luigi. Isang gabi, ipinapalabas sa teatro ng Corato ang isa sa mga obra ni Verdi, sa palagay koy Rigoletto. Masidhi ang tukso kaya iniayos nila ang sanggol sa kuna at nagpunta na sila sa teatro. Pagbalik nila mula sa teatro - malapit nang magmadaling araw iyon - pagpasok nila sa bahay, natagpuan nila ang sanggol na nakapaikot sa kuna at nasasakal. Kapwa nataranta, tumakas ang amang si Francesco sa Corato habang ang inang si Serafina na dala ng kawalang-pag-asay ibinalot ang sanggol at dinala kay Luisa. Hindi pinag-usapan kailanman sa pamilya ang pangyayaring ito. Minsan lamang na ang aking ina, si Garofalo Serafina, ay nagsalaysay tungkol sa isang sanggol na muling nabuhay. Dala siguro ng matinding pag-ako ng pagkakamali, hindi niya nabanggit kung sino ang sanggol na iyon.
Ang bagay lang na higit kong mapatutunayan ay ang tindi ng pagkamalapit ng aking ina sa kanyang panganay at ang pagkakaroon ng masidhing banal na paggalang kay Luisa ang Santa na madalas niyang isinasalaysay sa amin. Maging ang aking kapatid na si Luigi ay may taglay ding lubos na paggalang kay Luisa. Sa katuwiran, pagkatapos ng pagsasakdal noong 1938, pumunta si Tiya Rosaria sa bahay at ibig niyang sunugin lahat ng mga bagay na may kinalaman kay Luisa. Ngunit ang aking kapatid na may labing walaong taong gulang na ay hinadlangan siya na gawin ito, bago siya umalis at magsilbi bilang sundalo. At nang sabihan siya kung sino ang hindi sumunod sa Simbahan ay mapupuinta sa impiyerno, sagot niya: Mapunta na ako sa impiyerno, ngunit walang susunog ng mga gamit. Para mapangalagaaan ang mga gamit ni Luisa, nilagay niya ang mga iyon sa isang maliit na sisidlan at lagi niyang dala-dala ito.
Ngayon, ang mga gamit na ito ay nasa pag-iingat ng aking hipag na si Rita Tarantino at mga anak. Pinakakaingatan nilang mabuti ang mga iyon.
Isa Bucci at Luisa Picarreta
Naglalagi rin sa bahay ni Luisa ang aking mga kapatid na sina Luisa, Maria, Gemma, Agostino at Luigi kasakasama ang bunso sa pamilya na si Giuseppe, na tinatawag na Peppino.
Lahat ng mga ito ay nagsulat ng pahayag tungkol kay Luisa ngunit sinasabi lamang ng mga ito ang mga bagay na mahalaga dahil sa kababaang-loob. Ako naman, patuloy naman ang aking pagsalaysay ng mga pangyayaring isinasalaysay sa pamilya.
Ang aking kapatid na si Luisa, ang nakatatanda, ay siyang pinaka-madalas pumaroon sa Lingkod ng Diyos, hindi parang katulong, kundi sa kadahilanang pamangkin siya ni Tiya Rosaria. Sa magkaka-ibang mga panahon tumutulong siya ka Angelina at Tiya Rosaria sa mga gawaing bahay at naging malapit rin siya kay Luisa. Sa katunayan, siya ang umaalalay kay Luisa nang huling gabi nang kanyang pagkakasakit. Nang siguraduhin ng doktor na patay na si Luisa, siya ang nanguna upang palitan ang kaniyang suot at sinubukang ituwid siya sa kama.
Ito ang sinabi niya nang umuwi siya bahay.
Nang mamatay si Luisa nagkaroon ng magkahalong banal na paggalang at takot. Walang sinuman ang nagtangkang hawakan siya. Umiiyak na lumayo sa silid ni Lusia sina Angelina at Tiya Rosaria. Sinubukan kong ituwid siya sa kama pero imposibleng gawin. Sa katunayan, tumataas ang mga paa o bumubuka ang bibig ni Luisa na parang nagsasabing: Pabayaan mo nga ako. Tapos sinabihan ko ang mga naroon, kasama rito ang pamangkin niyang si Giuseppina, na palitan siya kaagad bago tumigas. Pagkatapos, inilipat namin siya sa kasunod na silid kung saan inihanda ang isang parang ataul na puti. Ang ipinagtataka kong labis ay nang buhatin namin siya, parang wala siyang bigat. Ito siguro ang kadahilanan kung bakit naging madaling-madali kay Tiya Rosaria ang pagbuhat sa kanya upang ilagay sa upuang di-gulong kung aayusin nito ang kama ng huli. Sa kanyang dibdib ay nakalagay ang isang uri ng tela na may nakasulat na FIAT at inilagay din ang kanyang krus ng mga tersiyanang Dominikana.
Ang damit na inalis kay Luisa ay tiniklop ng aking kapatid at ibinigay kay Tiya Rosaria na nagsabing: Iuwi mo iyan sa bahay. Sa ngayon, nasa kapatid kong si Gemma ang damit na ito.
Ang krus ng mga tersiyanang Dominikana, na isinuot kay Luisa sa kanyang pagkamatay, ay tinanggal nang siya ay ilibing. Suot-suot lagi ito ni Tiya Rosaria. Ngayon ay nasa aking matinding pangangalaga ito.
Gemma Bucci at Luisa Piccarreta
Magmula nang malilit pa kami, naglalagi kami sa bahay ni Luisa, lalung-lalo na ang aking mga kapatid na babae na pumaparoon upang matutong magburda. Halos magkasing-gulang kami ng aking kapatid na si Gemma at halos araw-araw, gustung-gusto niyang sumama sa aking Tiya Rosaria upang pumunta sa bahay ni Piccarreta. Maliit at payat na batang babae si Gemma. Mahal na mahal siya ni Tiya Rosaria at ni Luisa. Sa katunayan, si Luisa ang nagpangalan sa kanya ng Gemma. Iminungkahi niya sa aking mga magulang na tawagin akong Giuseppe at palitan ang pangalang ng aking kapatid;sa halip na Giuseppina, ay Gemma. At iyon nga ang nangyari: pinangalanan ako ng pangalan ng ama ni Jesus sa lupa. At ang aking kapatid naman, mula ng ikadalawa niyang gulang ay lagi nang tinatawag na Gemma kahit na imposibleng baguhin ang talaang estado dahil sa komplikadong burokratiko.
Panatag ang loob ni Gemmang maglabas-masok sa silid ni Luisa na naaaliw naman sa kanyang sigla. Inatasan siyang ipunin ang mga naglaglagang aspili. Isang araw, nagtago sa ilalim ng kama ni Luisa si Gemma, marahil upang gulatin si Tiya Rosaria, ngunit dito siya nakasaksi ng isang makalangit na pangitain.
Sa tabi ng kama ay may isang lamesita at sa ibabaw nito ay may isang babasaging kampana na sa loob ay may sanggol na Jesus. Bigla na lamang nakadama ng isang kakaibang bagay ang aking kapatid: isang nakabibinging katahimikan; kahit na ang mga tinig ng mga nagtatrabahong kabataang babae sa katabing silid ay hindi naririnig. Lumabas si Gemma sa pagkakatago at nakita niya ang sanggol na Jesus na buhay na nasa mga bisig ni Luisa na pinaghahalikan ito. Hindi masabi ni Gemma kung gaano katagal siyang napahinto upang pagmasdan ang pangyayaring ito. Naaalala lamang niya na walang kapag-dakay nanumbalik ang lahat sa normal na ayos. Pumasok si Tiya Rosaria sa silid gaya ng dati at naroon si Luisang nagbuburda gaya ng ginagawa niya. Hindi ito nasabi sa akin ng aking kapatid noong kami ay mga bata pa. Pinakaingatan niya nang husto ang pangyayaring ito sa kanyang puso. Napag-alaman lamang ito nang magbigay siya ng pahayag (na ngayon ay nakalimbag na bilang patunay) na hiniling ng proseso ng diosesis para sa pagpaparangal kay Luisa bilang banal. Lubos ang aking tiwalang patuloy ang paggabay ni Luisa sa aking kapatid na si Gemma. Sa bagay na ito, isa akong makakapagpatibay ng isang partikular na grasya.
Pagkapanganak ng ikalawa niyang anak, dahil sa kakulangan ng pagkadalubhasa ng doktor at ng mga kasama nito, muntik nang mamatay ang aking kapatid. Sa katunayan, sa pagpapanganak, nahiwa ang bahay-bata at siya ay dinugo. Lumabas ang doktor sa silid na pinag-ooperahan at sinabi ang nakapanlalamig na mga salitang ito sa mga kamag-anak: Nailigtas namin ang sanggol, ngunit wala na kaming magagawa pa sa ina nito. Habang nag-iyakan ang iba, naisip ko ang damit ni Luisa. Tumakbo ako patungong Corato at nakarating ako sa bahay. Ginising ko si Tiya Rosaria sa kalaliman ng gabi at sinabi ko ang mga pangyayari. Tapos, hiningi ko ang damit. Umiiyak niyang kinuha iyon agad sa baul. Bumalik kaming magkasama sa ospital ng Bisceglie. Sinabihan namin ang nars na ilagay sa ilalim ng ulo ni Gemma ang damit at ito ay sinunod naman kaagad. Ang pinuno ng grupo ay naka-alis na. Kaagad naman pagkatapos, nakita namin ang kasamahan nito na nagsabi sa amin: Kung papayag kayo, ooperahan ko siya kaagad. Naibigay naman ang pagpayag kahit na sinabi ng asawa ni Gemma: Kung wala siyang malay, operahan ninyo siya; kung hindiy wala nang saysay na pahirapan pa siya nang husto.
Kasama na rito sa grupo ang aking bayaw na nars ng ospital pang-psikiyatriko ng Biscelgie. Siya ang nagbigay ng anim na litro ng dugo na kinailangan para sa pagsasalin. Ginawa ang operasyon at nailigtas si Gemma. Nakita naman ni Tiya Rosaria ang gawa ni Luisa.
Ito ang salaysay ni Gemma. Habang inooperahan ako ng doktor, nakita ko si Luisa sa paanan ng aking kama na may buhat-buhat na sanggol. Sabi niya: Ito ay para sa langit, ngunit ikaw ay mabubuhay nang matagal. At naramdaman ko sa ilalim ng aking ulo ang kanyang damit. Pagkatapos ng isang araw bigla na lamang nagkasakit ang sanggol ng matinding brongkitis. Bininyagan ko siya, at pagkatapos na pagkatapos, ang kapapanganak na sanggol ay namatay. Kinikilala ng buong pamilya ang pangyayaring ito bilang isang milagro. Sa kasamaang palad sa mga panahong iyon walang nagkaisip tungkol sa proseso ng pagdarangal bilang banal, kaya wala ring naglimbag ng mga patibay ng doktor at ng mga nars kahit na ang lahat ng mga ito ay pawang mga kumbinsido na milagro lamang ang makapagpapagaling sa kanya sa kanyang kasong natatangi at hindi maipaliwanag.
Ika-walong Kabanata
Isang pagpapagaling
Isang ginang na kapit-bahay ang nagsalaysay ng isang pangyayari noong 1935.
Isa sa mag kamag-anak, ang hipag nito, ay nasa bingit na ng kamatayan dahil sa tumor sa utak.
Ang nasa kanilang bahay lamang ay ang anak na babae na si Nunzia, sanhi ng pagtawag sa ama at sa dalawa nitong kapatid na lalaki sa pagsusundalo upang gapiin ang Etiopia.
Ekta-ektarya ang lupain ng pamilyang ito.
Pumunta ang batang babae kay Tiya Rosaria upang makausap si Luisa, at nasabi nito ang pagkakaroon pa ng pag-asa sa ikagagaling ng ina.
Naantig naman ang damdamin ni Tiya Rosa sa kahilingan ng batang babae kaya ipinangakuan niyang tutulungan ito at sasabihin nito kay Luisa ang pangyayari. Sa mga ito sinabi naman ni Luisa: Hindi ako ang dapat niyang puntahan dahil hindi ko kayang gumawa ng milagro; at kahit na hindi siya pumunta, ipagdarasal ko parin siya sa Panginoon. Samantala, iparating mo sa kanya na sa Santa Maria Greca ginagaganap ang Kwarentaoras. Magpunta siya roon upang manalangin sa Panginoon at hilingin niya sa Kanya ang lahat ng biyayang kailangan niya. Ngunit dapat niyang gawin ito ng may matinding pananampalataya.
Nag-alangan ang bata nang matanggap niya ang nais ni Luisa. Ibig sana niyang maka-usap ng masinsinan si Luisa at masabi niya ang mga problema nito.
Agad napansin ni Tiya Rosaria ang niloloob ng bata kaya sinabihan siya: Gawin mo lang kung ano ang sinabi sa iyo ni Luisa!. Sa katunayan, lubos ng kilala ni Tiya Rosaria si Luisa at alam niya ang ibig sabihin ng kanyang mga salita.
Nagpunta ang dalagita sa simbahan, nanikluhod sa harap ng Santisimo at isinambulat lahat ang kanyang mga hinanakit.
Pagkatapos ng mga dalawang oras, umuwi siya sa bahay, napansin siya ang nakabibinging katahimikan. Ang kamag-anak na iniwanan niyang magbantay sa ina niya habang wala siya ay lumabas.
Pumasok si Nunzia sa silid at nakita niya sa kanyang harapan ang isang nakasisindak na pangayayari: naroon ang kanyang ina na naliligo sa dugo na halos nakakalat sa buong kama.
Sa harap ng pangyayaring ito humiyaw nang malakas sa sobrang pagdadalamhati ang dalagita sa pagaakalang patay na ito. Ngunit nangyari ang hindi kapani-paniwala. Nagising ang ina na parang galing sa isang mahimbing na pagkakatulog at siyay tinanong na para bagang nagugulat kung bagit siya sumigaw.
Natunaw ang tumor at itoy lumabas sa ilong nang kusa galing sa namagang ulo. Naikalat ito sa kama.
Lubusan na siyang magaling.
Nagpunta si Nunzia at ang kanyang ina kay Luisa makalipas ang ilang araw para pasalamatan siya. Hindi sila nito tinanggap at ipinaabot sa kanila na walang alam ang Lingkod ng Diyos sa grasyang natanggap at wala siyang kinalaman doon. Nagpaliwanag siya sa mga salitang ito: Dapat silang magpunta at magpasalamat sa Panginoon sa natanggap nilang biyaya.
Ang pagloloko ng mga kabayo
Taong 1970, noong akoy bise-paroko ng parokya ng Immacolata ng Barletta at lokal at pangrehiyon na gabay ng Kabataang Franciscano, nagpunta sa sakrestiya si Ginang DAdduzzio Livia at nadatnan akong nagtatanggal ng mga kasuotang pang-misa. Linggo noon at katatapos pa lamang ng alas-diyes na Misang panlinggo ng mga kabataan. Narinig daw niya akong nangusap tungkol kay Luisa Piccarreta sa isang sermon. Siya ay taga Corato at kilala niya si Piccarreta mula pa ng pagkabata.
Ibinigay ko ang aking atensiyon sa mga sinasabi ni Ginang DAdduzzio, tersiyanang Franciscana at laging nagpupunta sa parokya.
Ang ginang ay asawa ni Savino DAdduzzio, isang magiting na taga-soporta ng kumbento: siya ang nagbayad sa mga debuho ni Padre Ugolino da Belluno na ngayon ay makikita sa santuaryo.
Ang pamilyang DAdduzzio ay napakayaman; marami silang hawak na lupain. Ngunit ang mag-asawa, sina Savino at Livia ay hindi nagkaroon ng anak.
Nagtakda ako ng isang pakikipagkita kay Ginang DAdduzzio para maitala ko ang mga ala-ala tungkol sa Lingkod ng Diyos. Pagkatapos ng araw ng aming pagkikita, mga ika-siyam ng umaga, pumaroon ako sa bahay ng mga DAdduzzio sa may Via Milano, mga limampung metro mula sa parokya.
Maraming alam si Ginang DAdduzzio sa buhay at mga pangyayari na patungkol kay Luisa. Ang iba roon ay nakalimutan ko nang lahat. Nabanggit din niyang kilala niyang mabuti sina Tiya Rosaria at Angelina, ang kapatid ni Luisa na siya ring tumulong sa pag-ayos ng libing ng Lingkod ng Diyos.
Sa mga sinabi niya, na talagang bukal sa loob, nadala ang aking atensiyon sa pangyayari ukol sa mga kabayo, na ang tungkol ditoy hindi nakarating sa aking kaalaman. Inulit-ulit niya ang pangyayari at isinulat ko iyon.
Ito ang kanyang pagpapatunay: Bata pa ako noong 1915 na may sampung taong gulang at nagpunta kami ng aking ina sa Santa Maria Greca, kung saan ginaganap ang banal na Kwarentaoras. Habang pinakikinggan namin ang pagdidili ng pari tungkol sa eukaristiya, nakarinig kami ng kaguluhan sa labas ng simbahan. May mga salita at hiyaw ng isang lalaking nagsasabi "hiya!", "hiya!" at mga ingay ng kawalang pag-asa.
Lahat ng mga kabataan na naroon sa simbahan ay lumabas upang maki-usyoso. Sinundan naman sila ng pari at ng ilang naroon. Napansin namin ang dalawang kabayong nakaluhod sa harap ng simbahan. Hila nito ang isang karosang nakasarado.
Naintindihan kaagad ng pari kung ano ang nangyayari at nanikluhod siya at nagsabi: Narito si Luisa ang Santa na sumasamba kay Jesus na nasa Eukaristiya!.
Lumuhod kaming lahat kasabay ang isang malalim katahimikan at pagkatapos, hindi ko na alam kung gaano katagal, binuksan ng pari ang pintuan ng karosa at kinausap si Luisa; pagakatos, agad tumayo ang mga kabayo at naglakad paalis.
Bumalik kaming lahat sa simbahan at ipinagpatuloy ang pakikinig sa pagmumuni ng pari.
Pagkatapos ng salaysay, tinanong ko siya: Sigurado ka bang ang nasa loob ay si Luisa? Ang alam koy hindi lumalabas ng bahay si Luisa.
Totoo iyon - sagot niya -, ang mga paglabas niya ay madalang na madalang at sa gabi lamang, ito ay dahil sa pangagailangang pangkalinisan, upang linisin ang kudson ng kama na yari sa dayami o lana sa mga insekto, lalung-lalo na sa pulgas at surot, na karaniwan sa probinsiya.
Paano mo mapapatunayan na nanikluhod nga ang mga kabayo para bigyan ng pagkakataon si Luisang sumamba kay Jesus na nasa Eukaristiya?.
Ang masasabi ko lang ay naniniwala ang lahat sa milagrong iyon at ang bagay na ito ay laman ng mga pag-uusap sa buong Corato. Siguradong mayroon ding karamihan na hindi naniniwala, lalung-lalo na ang mga kaparian na nagsasabi sa kanilang sermon na hindi kasama sa usapan si Luisa, na iyon ay dala lamang ng pagloloko ng kabayo, na sa oras namang iyon ay nataong sa harap ng simbahan ng Santa Maria di Greca napahinto, at sinasabing hindi lulan ng karosa si Luisa.
Ang huling katanungan ko sa kanya ay: "Makasisigurado ba kayo na nasa loob nga ng karosa si Luisa?" "Siguradung-sigurado" - sagot niya sa akin - "Nakita ko sa loob ng karosa si Luisa nang buksan ng pari ang pinto at nakipag-usap sa kanya. Parang si Don Gennaro Di Gennaro ang pari."
"Hindi ba siya ang confessor ni Luisa na inatasan ng Obispo?", dugtong ko.
Iyan ang hindi ko alam; maaari ko lang mapatibayan na siya ay isang santong pari, iginagalang sa buong Corato at nakatanggap siya ng grasya sa pamamagitan ni Luisa.
Natapos dito ang pag-uusap namin ni Ginang DAdduzzio.
Ang gabihang pagtitipon sa Via Panseri
Taong 1943-44. Sa Via Panseri, ang aking pamilya ay may lutuang-pugon na napapakinabangan nang husto.
Sa tabi ng lutuang-pugon nakatira si Tiya Nunzia, kapatid ng aking ina. Nabiyuda siya nang maaga at nakapag-asawang muli ng isa ring balo na tinawag naming zi Ciccil, isang magsasaka.
Sa harapan ng bahay ng aking Tiya ay may nakatirang isang pamilya, marami sila at salat sa yaman; ang kanilang tanging pagmamay-ari ay ang kaisa-isang baka. Ang kanilang kabuhayan ay nakukuha sa pagbibenta ng gatas ang ng iba pang mapapagkakitaan, kasama na ang pangungupit at iba pang katulad nito.
Ang pangalan ng ina ay Maria, ngunit sa karamihan siya ay kilalang si Marietta ang magbabaka.
Ngunit may isang bagay na kakaiba sa pamilyang ito: sa bahay nila natitipon ang mga naninirahan sa daan at sa paligid ng isang malaking siga inaanyayahan ang isang matandang bulag na pinakakanta nila sa saliw ng kanyang mandolino. Laman ng kanyang mga awitin ang mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay sa kabukiran, luma at bago. Inaawit niya ang lahat: sayang at wala kaming tape recorder nang panahong iyon para sana naipon ang kanyang mga magigiliw na salaysay.
Sa kahilingan ng mga manonood, paawit niyang isinasalaysay ang mga pangyayaring naganap sa tunay na buhay.
Isa siyang mangangatha ng awit, isang munting Omero. Ang kanyang napakagagandang salaysay ay mga bagay na relehiyoso o di kayay nakagigimbal, mga dapat tularan o di kayay ayon sa kabayanihan katulad ng kanyang salaysay ukol sa isang ina na inialay ang buhay upang mailigtas lamang ang anak na tinutugis ng mga kampon ni Garibaldi.
May mga siyam o sampung gulang na ko noon at gusto kong naglalagi sa gabihang pagtitipon na kasama si Tiya Nunzia. Naaalala kong lagi akong umuupo sa bandang tuhuran ng panganay na anak ni Marietta na ang pangalan ay Pasquale.
Isang gabing malamig na malamig, inawit ng bulag ang mga gawa ni Luisa ang Santa.
Kanya itong inilarawan bilang isang magiting na bayani, na nakaangat sa pagitan ng langit at lupa kasama ng mga anghel at mga banal. Dalawang pangyayari ang nagustuhan ko nang husto: si Jesus na nagbubuhat ng krus na nakikipag-usap sa kanya at ang pangyayari sa Torre Disperata, kung saan ang Santo Niño ay nakikipagbiro at nakikipaghabulan sa kabukiran ng trigo, habang hawak nito ang kamay ni piccirella (ang maliit na si Luisa).
Nang isalaysay ko ito sa aming bahay, pinagbawalan ako ng aking ina na magpunta sa bahay na iyon, at pignagsabihan din nito si Tiya Nunzia.
Si Tiya Rosaria naman ay nabahala nang malaman niya ang mga bagay na ito tungkol kay Luisa. Hiniling niya sa aking ama na sabihan ang matandang bulag na mang-aawit para alisin sa kanyang mga awitin ang patungkol kay Luisa ang Santa.
Ang lahat daw ng mga ito ay isang kawalang respeto para sa aking Tiya.
Sa aking paglaki, inisip ko at pinagbabalikang-isip nang pauli-ulit ang matandang bulag na iyon: kung mayroon lang kaming pagkakataon na mai-rekord ang lahat ng kanyang maiikling salaysay ukol kay Luisa, siguro mayroon din tayong isang buong tula tungkol sa Lingkod ng Diyos. Isang bagay lamang ang sigurado, malakas na naantig ni Luisa ang kalooban ng mga taga-Corato kaya siya ay kinikilalang bayani ng kabanalan.
Ang kabayong napagaling
Sa Corato, lalo na sa panahon ng tag-lamig, madaling nagkakatipon ang ilang pamilya sa isang bahay. Nakapaligid sila sa isang siga at pinakikinggan ang mga magagandang salaysay ng mga matatanda.
Ang kalimitang laman ng mga pangyayaring isinasalaysay, maging luma man o bago, ay tungkol kay Luisa ang Santa.
Isa sa mga gabing pagtitipong pangmasa, laman ng usapan ang pangyayari tungkol sa isang kabayo. Isang matandang lalaki, may sandaang taon gulang na siguro, ang nagsalaysay nang may masigasig na pananalita at makabuluhang paglalarawan, tungkol sa isang kabayo. Ginawa niya ang pagsasalaysay sa wikang Coratino na nang mga panahong iyon ay sadya pang puro.
Narito ang kanyang salaysay.
Nang ako ay maliit pa, nakatira pa kami sa Via delle Murge, malapit sa bahay ni Luisa ang Santa. Malapit na akong magbinata - sa aming wikay, carusiddu - nang may nangyaring hindi maganda sa kanilang mahirap lang na pamilya: isang umaga natagpuan nilang nakasadlak sa kural ang naghihingalo nilang kabayo. Tumawag sila ng beterinaryo na nagpayo sa ama ni Luisa na ibenta na kaagad ang kabayo sa katayan para may makuha rito. Sa tingin nitoy kaunti na lang ang ibubuhay ng kawawang hayop.
Nabahala ang buong pamilya sa payong ito dahil ang kabayo ang siyang tanging daan na kailangan na kailangan para sa ikabubuhay ng pamilya.
Ang pamilyang Piccarreta ay hindi mayaman. Tanging ang kita ng ama ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Nang mapag-alaman ng Kumpareng Nicola ang balita, nakapagsabi siya ng ganito sa sobrang pagdadalamhati:
"Ngayon, paano na tayo? Sino ang magpapakain sa limang dalagitang ito?" - tinutukoy nito ang mga anak.
Ang buong pamilya ay nagtipon sa kural maliban kay Luisa na sa mga panahong iyon ay mayroon nang apat na taong gulang at magiliw siya sa kabayo. Hindi pinayagan ng ina na bumaba si Luisa sa kural upang hindi ito magdamdam nang husto.
Ang buong pamilya ay nakatira sa isang lugar na inilaan para sa kanila sa gusali ng mga may-ari. Umaasa rito ang ama ng pamilya na siya ring nananakahan sa kabukiran ng Torre Disperata.
Ngunit ang batang babae - sa aming wikay, mnen - ay gumawa ng lahat ng paraan upang makababa.
Ako mismo ay naroon sa pangyayaring ito.
Lumapit si Luisa sa Kabayo, hinimas nito ang ulo, at tinawag nito sa pangalan at sinabing: "Huwag kang mamatay dahil mahal na mahal kita."
Sa mga salitang ito, tumayo kapagdaka ang kabayo.
Pinatunayan ng beterinaryo na wala na ang lagnat at nanumbalik na ang lakas ng kabayo na tulad ng isang isda.
HInawakan ni Mamma Rosa ang anak sa braso at sinabi: "Anak ko", at dinala siya paalis.
Namangha kaming lahat sa pagnyayaring ito, matagal na wala nang iba pang pinag-uusapan sa lugar ng Via delle Murge kung hindi ang tungkol sa gumaling na kabayo. Isang matandang babae ang nagsabi; Nasa batang iyon ang kamay ng Diyos at ang buong Corato ay pawang gilalas sa mga bagay na nagyayari.
Ganito natapos ang salaysay ng matandang mga may sandaang taong gulang na.
Ang mangingibig na sundalo
Isang matandang ginang na ang ngalan ay Maria Doria na kilala ko rin ay nagsalaysay na ang kanyang ina na halos kasing gulang ni Luisa ay nagpupunta sa may bandang Torre Disperata sa may kabukiran na malapit sa tinitirahan ng pamilya Piccarreta.
Malinaw na malinaw sa isipan ng ginang na ito ang mga alaala niya sa mga pangyayaring nagaganap sa maliit pang si Luisa. Mga pangyayaring may natatanging laman na isainalaysay ng kanyang ina.
Magmula pa sa pagkabata ng kanyang ina, palagi na itong nakikipaglaro kay Luisa at sa mga kapatid nito. Matalik silang magkakaibigan.
Hindi miminsan na napansin nila si Luisa na nakikipaglaro sa isang di kilalang binatilyo.
Sa una ang alam nila ay galing ito sa kalapit bahay.
Ang nakapagtataka ay, kay Luisa lang siya nakikipaglaro at sa kanya lang nakikipag-usap at pagkatapos ay umuuwi na.
Tinatanong ng mga kapatid na babae at mga kaibigan kung sino ang binatilyong ito.
Ngiti lang ang siyang itinutugon niya. Minsan sinabi niya: "Oo", bilang tugon sa pabirong katanungan: "Mangingibig mo ba siya?."
Sa pagdaan ng mga panahon, naintindihan din nila na nakakakita sila ng isang di pangkaraniwang pangyayari: naroroon talaga ang Santo Niño at nagaanyong isang binatilyo. Ang pangyayaring ito ay napatutunayan sa mga pagkakataong sinusubok si Luisa ng maka-diablong kapangyarihan.
Ang pagpapakita ni Jesus ay ang kaaliwan na kaagad naman niyang natatanggap. Sa isang pagkakataon, natagpuan siyang nakapulupot na parang isang spring sa pagitan ng harang na bakal ng kanyang kama. Kinailangan pa ngang hingin ang tulong ng karpentero para alisin siya roon.
Ang kataka-taka ay hindi man lamang naano ang kanyang katawan.
Sa isa namang pagkakataon natagpuan siyang nasa tuktok ng kisame ng silid na nakasabit sa isang sabitang bakal na kung saan inilalagay ang mga riserbang pagkain.
Nakaligtas si Luisa sa mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng mga panalangin sa Mahal na Birhen. Nakatagpo siya ng moog sa isang uka ng isang malaking puno ng mulberry, na ngayon ay makikita pa sa lugar na iyon.
Sa isang pang pagkakataon, sa isang burol na malapit sa kabukiran, may nakitang biglang sumiklab na napakalaking apoy. Alam ng ina at ama ni Luisa na mahilig siyang maglaro roon kayat agad silang nagpunta upang patayin ang apoy. Isang walang saysay na pagtakbo: natagpuan nila si Luisa na panatag na nakaupo sa isang bato, nakatingala sa langit at wala ni anumang tanda ng apoy sa paligid niya.
Sa maraming pagkakataon, pinagdidili-dilihan ni Luisa ang araw sa katanghaliang-tapat na hindi man lamang nakakadama ng pagkasira ng mata. Sinabi sa akin ni Tiya Rosaria na nagtagal ito hanggang sa kanyang pagkamatay. Sa katunayan, sa kanyang mga isinulat, mababasa natin na ang araw ay isang malaking bituing natatangi para kay Luisa. Para sa kanya ito ay pagpapakita ng Santisima Trinidad.
Nagdaan ang mga taon, sa kalagitnaan ng digmaang pandaig, si Luisa ay tanyag na sa buong Corato. Ang kapatid na lalaki ni Ginang Maria Doria, ay nagpahayag sa pamamagitan ng isang sulat na galing sa Sicilia na siya ay nakatakda nang magpakasal sa isang dalaga ng isla.
Nasaktan nang husto ang ina sapagkat ang anak ay dati nang mangingibig ng isang may mas maayos na hinaharap, isang dalagang mayaman ng Corato. Isang pagtatakda na isinaayos ng mga magulang, katulad ng gawi ng mga panahong ito. Umiiyak na nasabi ng ina: Kawawang anak ko, sadyang nakulam na yata, nakapasok na ang mga mafia sa aking tahanan!. Sa Sicilia, nang mga panahong iyon, naghahari sa kasamaan ang mga grupong Giuliani.
Isang araw, sinabihan niya ang panganay na anak na babae na puntahan si Luisa at sabihing anak ito ng kababatang kaibigan. Pinayuhan itong mag-iingat sa mga salitang sasabihin.
Nagpunta ang dalaga sa bahay nina Luisa, sa Via Maddalena. Inihayag niya ang mga pagbati ng ina at ikinagalak ni Luisa ang mga salaysay lalo na ang mga nakaraang panahon na pinagsamahan nila ng ina ng dalaga sa kabukiran ng Torre Disperata. Dugtong ni Luisa: Gaano karaming dasal at pagpapakasakit sa mga lugar na iyon!. Pinasalamatan ni Luisa ang dalaga sa kanyang kagandahang loob at ipinahatid nito ang payong sa ina na magdasal nang husto katulad noong panahon nila sa kabukiran at ipagpatuloy ang gawaing pag-debosyon at huwag itong kalilimutan upang maganap ang Kalooban ng Diyos.
At bigla-bigla, tinignan niya ang dalaga at sinabi: Bakit malungkot ka?. At isinalaysay lahat ng dalaga ang pangyayari tungkol sa kanyang kapatid at ang pag-aalala ng ina.
Sabi ni Lusia sa kanya: "Paano niya masasabi na ang dalagang ito ay mas masama kaisa sa isa? Manalangin siya sa Panginoon at mapapanatag ang puso niya."
Hinatid ng dalaga ang tugon ni Luisa at ang ina ay nagsabi: Ang anak ko ay ligtas!. Sa katunayan, nalaman niya na ang dalagang taga-Sicilia ay galing sa isang magandang pamilya na napakabanal; may dalawang tiyong pari sa pamilya.
Ang anak na lalaki ay nakapag-asawa sa isla at bumuo ng isang napakabuting pamilya na ikinasaya naman ng ina.
Ika-siyam na kabanata
Si Luisa, kinatatakutan ng maka-diyablong kapangyarihan
Sa pagbabasa ng autobiografia ni Luisa mapapansin na sa mga unang pagkakataon, kinailangang makipaglaban siya nang husto sa kapangyarihan ng kadiliman na hindi siya tinatantanan maging ang kanyang katawan. Minsan - sa kanyang mga isinulat - mababasa ang mga salitang ito: Ginalaw kita, hindi kita ginawang walang bahid ng kasalanan sapagkat hindi ko na kailangang magkatawang-tao, ngunit tinanggal ko ang pag-uudyok ng kasalanan. Ang Panginoong Jesus ang bumanggit ng mga salitang ito. Madaling maintindihan ng taong naniniwala ang pagpapatunay na ito na nagpapalapit sa bagay na hindi kapani-paniwala sa pamamagitan ng teolohiya. Marahil mayroong iba na tatawagin itong iskandalo at tagurian ito bilang isang heresiya. Ayaw kung pasukin ang mga ito; nasa kamay ng tribunal ng Simbahan ang lahat ng panahon upang upang saliksihkin at husgahan ang mga ito. Isang bagay lamang ang tiyak: si Luisa sa isang hustong punto ng kanyang buhay ay may kaloobang payapa, isang malalim na katahimikang umaapaw sa kanyang panlabas na anyo, at ito rin ay napapansin ng mga taong may kapalarang makilala at maka-usap siya. Lahat ay puwedeng mangyari sa paligid niya na hindi man lamang siya naaano. Ikinagulat ng lahat, kaparian man o sambayanan, nang siya ay husgahan ng Santo Opisyo noong 1938. Naguluhan ang lahat na para bagang may lindol na yumanig at iginagiba ng isang malaking gusali. Ngunit naging panatag si Lusia katulad ng dati; tahimik na parang walang saysay ang pangyayari. Sumailalim siya agad sa kagustuhan ng Simbahan, ibinigay lahat ng kanyang sulatin sa taong inatasan ng Santo Opisyo at ipinagpatuloy ang kanyang mapayapa at tahimik na buhay panalangin at nagpapatuloy sa kanyang pagbuburda.
Gayon na nga, para bang napalakas si Luisa ng grasya upang siyay katakutan ng mga demonyo na sadyang nagsisitakasang mabilis sa kanyang harapan. May mga pangyayaring makakapagpatunay nito.
May nagsabi ngang kapag napapadaan si Luisa sa isang lugar - lulan ng saradong karosa kapag ginagawa ang taunang paglilinis - may mga bahay na nagsisiyanigang lahat; at may naririnig na hiyaw at ingay ng mga kadena at mga taong nagsisitakasan. Nangyari ito lalo na sa isang gusali na kasalukuyang inaayos. Sa katunayan, sa bahay na iyon, noong mga nagdaang mga taon, ay may naganap na mga kagimbal-gimbal gaya ng patayan, pagbibitay, pagpapahirap, at iba pa.
Isang ginang ang nagsalaysay na siya ay tumira sa isang bahay sa Rotondella, sa probinsiya ng Matera. Dito siya naging isang guro sa isang mababang paaralan. May nararamdaman siya sa bahay na iyon. Isang pangitaing nakakaistorbo: isang lalaking ang laging nagpapakita na may anyong nakakatakot at gusto siyang kalmut-kalmutin. Lagi namang ipinaglalaban ng ginang ang kanyang sarili sa pamamagitan ng rosaryong hawak niya sa kamay. Kaagad naman itong tumatakas. Sa laking takot ng ginang, iniwanan niya ang lahat at nagbalik sa Corato kasama ang kanyang mga anak. Ang kawawang ginang naman ay hindi pinaniwalaan, bagkos ay pinaghinalaang baliw lalo na ng asawa nitong may isip-mason. Hindi malaman ang gagawin, nagpunta ito kay Luisa, na pinakinggan naman siya nang husto at pinayapa ang kalooban. Sinabihan siya nito na huwag matakot sapagkat ang demonyo ay wala ni anumang kapangyarihan sa kanya. Sinabi pa nito na balikan na niya ang trabaho. Pinakinggan naman nito ang payo ni Luisa ngunit hiniling niyang magdala ng isang larawan ni Luisa. Nakakuha naman ito, at kanyang ikinuwadro at ipinatong sa lamesita sa tabi ng kama nito. Isang gabi, habang nagrorosaryo ang ginang kasama ang mga anak nito, nakita niyang muli ang lalaki na papalapit sa kama, kinuha nito ang larawan ni Luisa at ibinato sa lupa at nagsisigaw na umalis. Magmula noon hindi na ito nagyari pang muli; nanumbalik sa bahay na iyon ang katahimikan at kapayapaan. Hindi naman naano ang larawan ni Luisa na naibato sa lupa, sa katunayan ang salamin nito ay di nabasag. Ang larawang ito at nasa pag-iingat ng hipag ng ginang na ngayon ay nasa ibabaw pa rin ng lamesita sa tabi ng kama.
Isa pang pangyayari na kagaganap lang ay ang pagnanakaw ng mga kagamitan. Habang kami ay nasa pagtitipong pang-internasiyonal sa Costa Rica, nakarating sa amin ang balitang pagnanakaw na naganap sa bahay ni Luisa. Tinangay ng mga magnanakaw ang mga kagamitan na minana pa sa mga magulang ng Lingkod ng Diyos. Nabahala kami sa balitang ito. Pagbalik namin ibinalita sa publiko na ang mga kagamitang iyon ay perikoloso sapagkat sa ibabaw ng mga iyon nagsasayaw ang mga demonyo nang kinakaya-kaya pa nilang subukan si Luisa. Tanging siya lamang ang may kapangyarihang pigilan sila: maaaring makatakas ang mga iyon dahil alam nilang ligtas na sila sa kapangyarihan ni Luisa ang Santa. Sa katunayan nga hindi alam kung paano - siguro nakawala ngang totoo ang mga demonyo - galing kung saan-saan silay nagpasukan sa mga kagamitang at may mga hindi kapanipaniwalang pangyayari ang naganap. Isang natatanging salaysay na isang gabi, ang mga magnanakaw na rin mismo ang nagbalik ng mga kagamitan mismo sa pintuan ng bahay ni Luisa. Lahat ng pagpapaliwanag ay walang saysay.
Ang isa namang pangyayari ay naganap mismo sa akin. Noong isang taon, sumali ako sa isang pagpapalayas ng demonyo na ginaganap sa isang simbahan sa San Severo ni Padre Cipriano, punong pari ng mga eksorsistang Italyano. Puno ang simbahan ng mga taong pinaniniwalaang sinasaniban ng masamang ispiritu. May dala akong larawan ni Luisa na ipinakita ko sa isang ginang at siya ay tinanong ko: Kilala mo ba siya?. Tinignan ng ginang at sumagot siya ng hindi, ngunit bigla sa lamang umikot ang mga mata nito at maririnig ang isang tinig na mula sa dibdib nito na nagsasabi: Kilala ko siya ... kilala ko siya ... alis sa harap ko, alis sa harap ko!, ay sinipa niya ako para lumayo ako, at nagpupumilit na agawin sa akin ang stolang soot ko. Lagi akong nagdadala ng larawan o relikiya ni Luisa.
Ang banal na pagkamatay ni Luisa Piccareta
Sa balita ng kamatayan ni Luisa, na nangyari noong ika-4 ng Marso 1947, parang ang bayan ng Corato ay tumigil upang tamasahin ang isang pangyayaring natatangi at estraordinaryo. Ang kanyang Luisa, ang kanyang Santa ay wala na. At katulad ng isang naguumapaw na ilog sa kapunuan ang bahay si Luisa. Nagpunta ang bayan upang pagdili-dilihan ang labi at upang maipakita nito ang pagmamahal sa kanya, na sa maraming taon ay hinangaan at minahal. Ang araw ng kanyang libing ay inihayag bilang araw ng pagluluksa para sa lugar na iyon. Apat na araw na nanatiling nakaburol si Luisa upang maparangalan ng publiko (may pahintulot ng doktor ng pangkalusugan), upang mabigyan ng kasiyahan ang mga libu-libong tao ng Corato at ng kalapit-lugar na araw at gabing babalik-balik sa bahay nito. Kinailangang humingi ng tulong sa may kapangyarihan para gawing maayos ang dagsa ng tao. Sa tingin ng lahat ay parang natutulog lamang si Luisa at hindi ito patay. Sa katunayan, ang kanyang katawan, na nasa kama, ay hindi man lamang tumigas. Puwede ngang itaas ang mga kamay nito, igalaw ang ulo sa magkakabilang panig, tiklupin ang mga daliri nang walang gamit na puwersa, itaas ang braso at tiklupin ito. Puwede ring itaas ang pilik-mata at tignan ang malinaw nitong mga mata na walang tanda ng kamatayan. Lahat - mga banyaga, mga pari, mga tao ng simbahan at ng gobyerno - gusto nilang makita ang isang pangyayaring natatangi at kataka-taka. Napakaraming mga taong hindi naniniwala ang lumabas sa silid burulan na namamangha, umiiyak at napagpabago. Parang buhay si Luisa katulad ng isang napahinto lamang para sa isang tahimik at payapang pagtulog. Maraming hindi kumbinsidong siya nga ay patay na, at sabi pa ng iba: Tawagin ninyo ang obispo at tingnan ninyo kung magigising siya sa tanda ng krus; hindi bat anak ng pagtalima si Luisa?. Ang pag-asang ito ay pagpapadama ng pag-ibig ng lahat ng mga tagasunod ng Lingkod ng Diyos. Ngunit isang pulong ng mga manggagamot na siyang tinawag ng kapangyarihang pangsimbahan at ng bayan para sa kalusugan, pagkatapos ng isang pagsusuri, ipinahayag na totoo ngang patay na si Luisa. Habang nakaburol si Luisa para sa huling paggalang ng publiko wala man lang itong bakas ng pagkaka-agnas, ni anumang masamang amoy ng pagkabulok. Para siyang isang reyna, nanatili siyang nakaupo sa kanyang kama. Imposibleng siya ay inunat, kaya kinailangang magpasadya ng isang kabaong na nakapormang "P", na sa harapan at tagiliran ay may salamin, ito ay upang makita siya ng lahat sa huling pagkakataon. Si Luisa ang Santa, na halos pitumpung taon ay nakaupo lamang sa isang kama at hindi man lamang makalabas sa kanyang maliit na silid, ngayoy dumaraan sa gitna ng malaking pulotong ng katauhan, buhat buhat ng isang makapal na grupo ng mga madre ng lahat ng mga orden at napapaligiran ng hindi mabilang na numero ng mga kaparian at mga relihiyoso. Ang huling pamamaalam ay ginanap sa Inang Simbahan sa loob ng kapitolo na dinaluhan ng lahat ng konfradia ng Corato.
Maraming beses kong binisita ang mga labi ni Luisa sa apat na araw na pagkakaburol niya. Hinakawakan ko siyang palagi at kumukuha ako sa mga bulaklak na laging inilalagak sa kanyang paanan. Itinago kong maingat ang mga bulaklak na iyon na nakaipit sa aking mga libro nang maraming taon. Marami na sa mga ito ang nairegalo ko sa mga may sakit, na sa pagkakahawak niyon ay gumaling naman at nakadalo pa sila sa libing. Sa pagdaan ng kabaong, ang mga may karamdaman ay inilabas sa may pinto ng mga bahay at katulad ng naisalaysay ng iba, marami ang nakatanggap ng natatanging grasya. Inilibing si Luisa sa kapilyang pampamilya ng mga Calvi. Noong ika 3 ng Hulyo, ang kanyang mga labi ay ibinalik sa Corato upang manatili nang nakalibing sa parokya ng Santa Maria Greca.
Foto 1: Si Luisa sa kanyang kamang kinamatayan. Katabi ang kanyang kapatid na si Angelina at ang tapat na si Rosaria at ang mga madre ng Divino Zelo.
Foto 2.: Kakaibang ataul na pasadyang ipinagawa na may salamin sa tagiliran at harapan.
Foto 3: Ang ataul na buhat-buhat ng mga tapat sa Lingkod ng Diyos.
Foto 4: Ang buong taga-Corato para sa huling paggalang kay Luisia ang Santa. Nagmistulang korona ang mga madre sa paligid ng ataul.
Ang binatilyong napatay at muling nabuhay.
Bago ko tapusin ang aking mga ala-ala hindi ko pwedeng kalimutang iahayag man lamang ang isang pangyayaring naghuhumiyaw.
Lagi kong naririnig ang usapan tungkol sa isang binatilyong pinatay at muling binuhay ni Luisa. Ang pangyayaring ito ay narinig kong isinasalaysay ng matandang bulag na mang-aawit sa Via Panseri.
Isang araw, may natagpuang isang binatilyong patay, nakahandusay sa lupa naliligo sa sariling dugo. Nang mapag-alaman ng ina ang kasindak-sindak na balita nag-alinlangang tignan nito ang anak. Tumakbo itong humihiyaw na nakalugay ang buhok papunta sa bahay nina Luisa. Nanikluhod ito sa may pintuan at nagsabing: Luisa, Luisa, pinatay nila ang anak ko!.
Ang banal na piccirella - katulad ng pagtawag ng manganganta - ay naawa at sinabing: Kunin mo ang iyong anak, ibinabalik siya ng Panginoon sa iyo.
Inalalalayang tumayo ang ina at sinamahan ng mga taong nabagbag ang loob sa lugar kung saan matatagpuang patay ang anak.
Sa pagkakakita ng anak, hindi na pinansin ng ina ang mga guwardia, agad itong pumunta sa anak at inihimlayy ito sa mga braso at hinalikan ito. May bakas ng kawalang-pag-asa katulad ng Dolorata sa paanan ng krus.
Nang bigla na lamang binuksan ng binatilyo ang mga mata nito at nagsabing: Mamm, sto ca nan pianger (Mama, narito ako, huwag kang umiyak).
Sa pagkarinig ng salysay na ito, napaiyak ang natitipon lalo na ang mga matatandang kababaihan na nagkaroon ng mga anak na napasuong sa gera.
Sa ibang pagkakataon - ngunit mga pahapyaw lamang - narinig kung naisalaysay ang pangyayari sa aming bahay. Naalala ko pa nang isang araw si Tiya Rosaria ay nagsabi ng ganito sa aking ama: Huwag ka ngang magsimulang magsabi nang mga kahangalang iyan; asikasuhin mo na ang pagkain. Iyon ngat nagsasalaysay ang aking ama tungkol sa taong binuhay ni Luisa ang Santa.
Sa aking parokya, isang araw, narining ko si Binibining Redda, ang punong tagapaglingkod ng mga Tersiyarang Fraciscano, na nagsasalita tungkol sa milagrong ito sa isang grupo ng mga kababaihan. Nang mapansin niyang akoy naroon, itinakip niya kaagad ang kamay nito sa bibig at sinabihan ang sarili sa kawalan ng pag-iingat. Sa katunayan nga, ang kura paroko na si Don Cataldo Tota na naroon din ay nagsabi: May mga bagay na hindi dapat sinasabi sa publiko hanggang buhay pa ang mga kinauukulan.
Hindi ko naman pinansin ang pangyayaring ito - na laging isinasalaysay nang pabulong - sapagkat sadyang hindi kapanipaniwala. Ayaw naman sagutin ni Tiya Rosaria ang mga katanungan ko at sinasabing: Pabayaan mo ang mga kahangalang iyan!.
Pero naiintindihan ko ang pagbabawal sa pag-uusap sa bagay na ito, maging kay Luisa man o sa mga kaparian.
Para sa akin, ang pagsasalaysay ng matandang bulag ay masyadong may bahid ng pagkakathang-isip, masyadong mapalamuti na mas higit pang parang isang palabas na trahedya ng mga Greko kaysa sa isang pangyayaring tunay na naganap. Sa mga naisulat, hindi ko ginustong iulat ang pangyayari upang hindi lumabas na katawa-tawa ang Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta (at dahil para akin ang pangyayaring iyon ay pangmasang kathang-isip lamang).
Sa pagpapatuloy ng pagbabasa, makikita ang isang sulat ng Beato Annibale M. Di Francia, kung saan pinatutunayan ang pagbabalik ng buhay ng isang pinatay na binata, naniniwala akong dapat itong banggitin dahil marami akong narinig ukol dito.
Si Beato Annibale ay nagpapatunay, sa kanyang kapangyarihan bilang banal, na sa pamamagitan ng mga panalangin ni Luisa Piccarreta, muling nabuhay ang napatay na binatilyong iyon.
Ang liham ay isinulat noong Mayo 5 ng taong 1927. Pagkatapos ng kaunting araw, hustong Hunyo 1, 1927, mapayapang namatay si Beato Annibale sa lungsod ng Messina.
Foto 1: Ang sulat ni Beato Annibale Maria Di Francia na ipinadala kay Luisa Piccarreta bago ang kanyang banal na kamatayan. Dito niya pinatunayan ang milagrong nahanap.
ULAT PATUNGKOL SA BUHAY NG MAY-AKDA
Si Padre Bernardino Giuseppe Bucci ay ipinanganak sa Corato noong ika-15 ng Hunyo 1935 kay Bucci Francesco at Garofalo Serafina. Ikasampu sa labing-dalawang anak. Noong 1940, sa kauna-unahang pagkakataon siya ay dinala ng kanyang Tiya Rosaria Bucci sa bahay nina Luisa Piccarreta, na noong 1944, ay nagbigay ng propesiyang na siya ay magiging isang pari.
Noong 1947 dumalo siya sa maringgal na libing ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta at noong 1948 pumasok siya sa Seminario Serafico ng Barletta.
Noong 1951, habang siya ay nag-aaral sa Seminario Serafico ng Francavilla Fontana, pumanaw ang kanyang ina kung kanino siya ay malapit na malapit.
Noong 1955, naging novicio siya ng Banal na Noviciado ng mga Fraileng Kapuchino ng Alessano sa provinsiya ng Lecce at natapos ang pag-aaral niya ng pilosopiya sa Estudentado ng Scorrano.
Noong 1959, pumanaw ang kanyang ama at noong 1960, nailipat siya sa Estudentadong Pangteolohiyia sa S. Fara. Noong 1964, ika-14 ng Marso, sa simbahan ng mga Kapuchino sa Triggiano, sa pagpapataw ng mga kamay ng Kagalang-galang ng Mons. Nicodemo, arsobispo ng Bari, siya ay naordinahang pari.
Ipinadala siya sa Roma sa Kolehiyong Pang-internasiyonal para sa pagkadalubhasa sa larangan ng Teolohiya ng Pagmi-misyon. Sa kanyang pagbalik sa Probinsiya, naatasan siyang tumigil sa Kumbento ng Scorrano upang maging Direktor na Pang-espirituwal sa Seminario Serafico.
Noong 1968 nakarating soya sa Portugal upang matutong magsalita ng portuges upang maipadala siya sa Mozambique.
Sa kadahimanang pangpolitikal, naantala nang hindi masiguradong panahon ang pakay na pagpunta sa misyon. Bumalik sa Probinsiya at ginanap ang atas na maging katulong na paroko sa parokya ng mga Kapuchino ng Barletta at ang tungkulin bilang Pangprobinsiyal na Katulong para sa Kabataang Franciscano.
Tinapos ang kanyang kurso ng Lisensiya at Doktorato sa Pamantasang Ekumenical ni San Nicolas ng Bari; kasabay nito ang pagyabong sa kahusayan sa panunulat.
Noong 1976 naiangat bilang superior at paroko ng kumbento ng nga Frailes Menores na Kapuchino ng Trinitapoli sa probinsiya ng Foggia. Dito niya natanggap ang balita ng pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na Tiya Rosaria (1978), na sa loob ng apatnapung taon ay laging nasa tabi ni Luisa Piccarreta bilang alalay.
Noong 1980, hinilingan ng Kagalang-galang ng Mons. Giuseppe Carata, arsobispo ng Trani, na huwag banggitin si Beato Annibale M. Di Francia, para hindi mabuhol ang processo ng pagpaparangal bilang banal na noon ay kasalukuyan ginaganap. Tinipon ang pagpapatunay ukol sa Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta at ibinigay ito upang mailathatla sa tatlumpung libong kopya: ang kauna-unahang talambuhay ng Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta. Inilathala ito sa ibat ibang wika upang maikalat ang pagkakakilala sa Lingkod ng Diyos.
Noong 1988 nailipat bilang superior at paroko ng Kumbento ng Triggiano, habang ginagampanan din ang tungkulin bilang Pangprobinsiyal na Sekretaryo ng mga parokya.
Noong 1994, nahalal bilang Pangprobinsiyal na Definitor at bumalik sa Trinitapoli bilang paroko. Doon kasalukuyan siyang naglalagi, ginagampanan ang mga gawain ng Pangprobinsiyal na Definitor, Pangprobinsiyal na Sekretaryo ng mga Parokya at Tagapayo ng Pangnasiyonal na Sekretaryo ng mga Parokya.
Katuwang na Tagapagtatag ng Samahan ng Banal na Kalooban kasama si Sor Assunta Marigliano, kung saan siya ay naging Katulong Pangespirituwal at naitatag ayon sa batas ng Simbahan noong ika-4 ng Marso 1987 sa Corato.
Sa kasalukuyan napapabilang siya bilang miyembro ng Tribunal para sa processo ng pagpaparangal sa Lingkod ng Diyos na si Luisa Piccarreta, na nasimulan noong araw ng kapistahan ng Kristong Hari ng taong 1994, sa Inang Simbahan ng Corato sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Mons. Carmelo Cassati, na nooy emerito na, bilang Tagapangalat ng Pananampalataya.
PANALANGIN
upang hilingin ang Beatificasyon
na Lingkod ng Diyos
LUISA PICCARRETA
I
O kabanal-banalang Jesus ko na pumili sa iyong abang lingkod na si LUISA bilang tagapangalat ng Kaharian ng iyong Banal na Kalooban at ang anghel ng pagtitika para sa di mabilang na kasalanan na nagbibigay sakit sa iyong Banal na Puso. Buong kababaang loob hinihiling kong ibigay mo sa akin ang grasyang hinihiling ko sa iyong Awa sa pamamagitan ng kanyang panalangin, upang siyay maparangalan sa lupa katulad ng kung paano na siya nabibiyayaan sa kalangitan. Amen
Ama Namin; Aba Ginoong Maria, Papuri.
II
O Banal na Puso ng aking Jesus, na sa abang lingkod na si LUISA, na inialay dahil sa pamamahal sa iyo, ay nagbigay ng lakas upang sa tanang buhay niyay danasin ang mga hirap ng matinding sakit ng kaaba-aba mong Pagpapakasakit, sa iyong higit na ikadadakila, gawin mong magningning kaagad sa kanya ang liwanag ng mga Banal. At sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin, ipagkaloob mo sa akin ang biyaya,na mapagkumbaba kong hinihiling sa iyo...
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.
III
O Maawaing puso ng aking Jesus, na para sa ikaliligtas at ikababanal ng maraming kaluluwa pinagindapat mong panatilihin nang matagal dito sa lupa ang iyong abang lingkod na si LUISA, ang iyong maliit na Anak ng Banal na Kalooban. Pakapakingkan mo ang aking dasal: upang kaagad siyang maparangalan ng Santa Iglesia. At sa pamamagitan ng kanyang panalangin, ipagkaloob mo sa akin ang biyaya, na mapagkumbaba kong hinihiling sa iyo...
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Papuri.
Walang Hadlang na Ilathala:
Trani Ika-27 ng Nobyembre 1948
Fraile REGINALDO ADDAZI O.P.
ARSOBISPO
Ang Dasal sa istampita (na may relikiya) na inilathala ayon sa pagpapayag ni Arsobispo Fraile Reginaldo Addazi O.P. pagkamatay na pagkamatay ni Luisa Piccarreta.